Ikatlong Tsapter ni Wendell
Ang regalo sa akin ni Lance ay pabango. Afficionado ang tatak. Sabi ni Lance sa maliit na papel na kasama ng bote ay “Hugo Boss” raw ang scent ng pabango. Inisprayan ko nang kaunti ang kaliwang palad ko. Tapos habang inaamoy-amoy ko yung palad ko ay nag-wish ako na sana magustuhan ni Lance yung regalo ko sa kaniyang friendship band na ako pa ang gumawa. Actually, ang regalo ko sa tatlong engot na mga kaibigan ko ay puro friendship band na ako ang gumawa. Yung kay Lance, rasta ang design, kasi nabanggit niya sa akin na paborito raw niya ang kanta ni Bob Marley na “No Woman, No Cry.” Sino kaya ang special someone na kasama ni Lance sa Laguna ngayong bakasyon?
Tatlong bar ng Irish Spring na sabon naman ang iniregalo sa akin ni Sev. Inilagay pa niya sa card na galing pa raw iyon ng New York nang minsang umattend doon sa isang medical conference ang tatay niyang doktor. Tapos may isinama siyang bugtong na kapag kung sinuman ang makakahula sa aming tatlo nina Lance at Yumi ay bibigyan niya ng komiks na bastos:
“Espada ni Hesus,
Magkabila’y matulis.”
Napasigaw ako ng “palay!” sa loob ng kuwarto ko. Mamaya makikitext ako kay Mommy para itext ko kay Sev ang sagot. Iyon ay kung hindi pa ako nauunahan ni Yumi na pinakamagaling sa aming apat pagdating sa bugtungan.
Ang friendship band naman na iniregalo ko kay Sev ay bilog-bilog ang design, kasi naalala ko noon na sabi niya fascinated siya sa mga bilog. Tapos nilagay ko dun sa card na ibinigay ko kay Sev yung isang tula ng paborito niyang poet na si Rainer Maria Rilke:
“I live my life in growing orbits
which move out over the things of the world.
Perhaps I can never acheive the last,
but that will be my attempt.
I am circling around God, around the ancient tower,
and I have been circling for a thousand years,
and I still don't know if I am a falcon, or a storm, or a great song.”
Buti pa si Sev, nasa mga kamag-anak nila ngayon sa Australia para magbakasyon. Sana pasalubungan niya kami ng kangaroo.
Si Yumi naman, grabe talaga ang babaeng yun! Grabe! Puntahan ko kaya ngayon sa ABC-GMN kung saan nakikipag-Christmas Party siya kasama ang mga artista. Pag empleyado talaga ang nanay mo ng isang TV station, grabe, maraming happenings with the stars. Hay. Grabe talaga si Yumi! Niregaluhan ba naman ako ng Axe na mini-stick na deodorant. Mamaya, makikitext ako kay Mommy para bulyawan si Yumi. Tapos may note si Yumi na isinulat niya sa Christmas wrapper ng regalo niya sa akin: “If you use this, mamamagnet mo kahit sina Ma’am Mons at si Cecilia suplada.” Talaga yang si Yumi, o! Samantalang ako, ang iniregalo ko sa kaniya ay friendship band na pink tapos may design na mga bulaklak na puti. Iyon ang pinakamhirap na gawin, kasi mabutingting! Sabi kasi ni Yumi dati, paborito niyang kulay ang pink. At sabi niya, kapag may nagbigay raw sa kaniya ng puting bulaklak, malalaman niyang sincere ang intensyon sa kaniya ng lalaki.
Tawa talaga ako nang tawa sa regalo sa akin ni Yumi! Inamoy ko yung Axe. Pulse pala ang pangalan ng scent. Mabango naman. Hinubad ko ang t-shirt ko, tapos humarap ako sa salamin. Itinaas ko ang mga kamay ko para masilip ko kung lumago na ba ang buhok sa kilikili ko. Sabi ni Lance, kung gusto ko raw kumapal ang buhok sa kilikili ko, dalawa ang puwede kong gawin: Una, hintayin na lumago ito dahil may natural process naman. Ikalawa, yung artificial process. I-shave ko raw. Kaya lang raw, hindi malambot ang magiging pakiramdam ng buhok. Magiging matigas raw na parang buhaghag na buhok ni Nelson.
Tamang-tama, habang hinihimas-himas ko ang iilang hibla ng buhok sa kaliwang kilikili ko ay biglang pumasok si Mommy. Hindi ko pala na-i-lock ang pinto. Tawa siya nang tawa sa akin nang mahuli akong iniinspeksyon ko ang kilikili ko. Lumapit siya sa akin habang ako naman ay napaupo sa kama ko at nagpipigil ng tawa.
“Wendell, bakit inaamoy-amoy mo ang kilikili mo? At bakit binuksan mo na ang mga regalo mo?!” ang dalawang magkasunod na tanong na ibinato ng Mommy ko habang tinitingnan niya ang mga nakuha kong regalo.
“Mommy naman! Hindi ko naman po inaamoy, e!”
“E, bakit tinitingnan mo ang kilikili mo?”
Ayoko namang sabihin nang diretsahan kay Mommy na kasi ang unti ng buhok ko sa kilikili kaya dinudutdot ko.
“Alam mo, Wendell, pareho kayo ng kilikili ng daddy mo. Hindi mabuhok,” sabay kiniliti ako ni Mommy sa kilikili. Nang halos maubusan na ako ng hininga dahil sa katatawa dahil sa pangingiliti ni Mommy, tumigil na rin siya at niyakap ako.
Kahit hindi sabihin ni Mommy, alam kong naiisip niya si Daddy. Kasi December rin iyon nang umalis si Daddy, dahil kailangang pumunta ni Daddy sa Amerika. Hindi muna sila nagpakasal para madaling makakuha ng Green Card si Daddy. Pag single ka kasi, mas madaling makakuha ng Green Card. Tapos pag nakakuha na siya ng Green Card, ang balak ni Daddy ay bumalik sa Pilipinas para pakasalan si Mommy at ipetisyon kaming dalawa. Kuwento pa sa akin ni Mommy, na madali lang kaming makakapunta dapat sa Amerika kung nasunod ni Daddy ang plano. Palalabasin na lang na ako ay anak ni Mommy sa pagkadalaga para madali rin akong mapetisyon. Parang ganun. Sampung taon na rin ang nagdaan. Isang dekada na pala iyon, a! Kakaiba!
Ipinakita ko kay Mommy ang mga regalo sa akin nina Lance, Sev at Yumi. Magka-wavelength talaga kami ng Mommy ko kasi ang sabi niya sa akin: “Anak, mukhang pinagkaisahan ka ng mga kaibigan mo, a! Nababahuan siguro sa ‘yo!”
Anlakas ng tawa ng nanay ko. Parang naririnig ko pa nga na umiikot-ikot sa tenga ko ang tawa niya hanggang sa lumabas ako ng bahay namin para magpahangin. Sa kalsada, naglalaro ng watusi ang mga bata. “Pengeng wantusi!” ang sabi ng bulol na batang si Judy Ann na apo ni Mang Ben. Iyong ibang bata naman, nangangaroling. Kumakanta ng “Joy to the World” sa tindahan ni Mang Ben.
Nang marinig ng mga nagwawatusi na nangangaroling ang ibang bata sa tindahan ni Mang Ben, at nang marinig nila na “Joy to the World” ang kinakanta, biglang kumanta nang mas malakas ang mga nagwawatusi:
“Joy tumalon sa bintana
Nauna ang baba.
Medyas ng Ilokano,
Sapatos ng kabayo.
Balakubak ng kalbo,
Balakubak ng kalbo,
Gumamit, gumamit ng Rejoice shampoo!”
Pumasok ako sa loob ng bahay. Hiniram ko ang cellphone ni Mommy. Ayaw niya akong pahiramin. Pinilit ko nang pinilit ang Mommy ko. Sinabi ko na magpapasalamat lang ako sa mga kaibigan ko. Ayaw pa ring pumayag. Naisip ko, baka kaya nagsusungit ay dahil naaalala si Daddy. Kaya nalulungkot. Kaya hindi ko na pinilit.
Umakyat ako sa kuwarto. May regalong nakapatong sa kama ko. Galing kay Mommy. Pagkabasa ko pa lang ng card, lumundag na ako nang lumundag sa tuwa! Inilock ko ang pinto. Kinuha ko ang phone book ko sa loob ng aking bag. Hinanap ko ang cellphone numbers nina Mommy, Lance, Yumi at Sev.