Apartment sa Dapitan

Sunday, April 23, 2006

Unang Tsapter ni Wendell

Advice ko kanina kay Mayumi, umupo siya sa dahon ng gabi.

Ganun kasi yung ikinukuwento ni Mommy sa akin dati. Pag first time raw “dalawin” ang isang babae, dapat paupuin siya sa dahon ng gabi. Para hindi matatagusan ang palda. “For life!” sabi ko kay Mayumi. Binatukan ba naman ako! Hinahayaan kong batukan niya ako kapag kaming dalawa lang ang magkasama. Pero kapag may ibang kaharap, hindi talaga ako pumapayag at lagi ko siyang pinagbabantaan na ipapa-opis ko siya pag binatukan niya ako in public. Siyempre ako ang class president! Ano na lang ang sasabihin ng mga kaklase namin kung makikita nilang pumapayag akong batuk-batukan!

Nakakainis talaga si Yumi! Buti nga nanalo pa siyang P.R.O. dahil na rin sa akin. Alam kasi ng mga kaklase namin na magkaibigan kami. Siyempre, ako naman talaga ang pinakikinggan ng mga kaklase namin. Sabi nga ni nanay, balang-araw, puwede raw akong tumakbong konsehal ng distrito namin. Biruin ko raw, pagka-class president nga lang ay minamani ko lang. Nagmana raw ako sa kaniya, na kahit bago sa isang lugar o opisina ay laging nag-iiwan ng good first impression kaya raw lagi ring litaw na litaw ang leadership skills. Hindi raw lahat ng tao ay may leadership skills, kaya dapat daw i-hone ko pang lalo iyon. Ang pinakamagandang pilosopiya raw sa buhay ay ang selfless sacrifice. Sa palagay ko, likas naman sa akin ang pagsisilbi. Iyon kasi simula pagkabata ang itinuro sa akin ni Mommy. Kaya nga gusto ko, sa lahat ng pagkakataon, ay makatulong ako, kahit sa maliliit na bagay lang.

Nung grade 4 nga ako, nung simula ng first grading period, tapos tag-ulan at laging bumabaha sa labas ng school, may grade 5 na estudyanteng lalaki ang nahulog sa imburnal. Nakita kong lumulutang-lutang ang polkadots na yellow na payong sa may gitna ng baha, tapos may nakita akong lumulubog-lumilitaw na mga daliri. Hanggang baywang ko yung baha noon, at takot din ako, pero naisip ko, hindi ko dapat pabayaan yung bata na malunod. Kaya tiniklop ko yung payong ko na may tatak na RCBC (promo ng bangkong pinagtatrabahuhan ng Mommy ko), tapos yung hawakan ng payong ko na parang hook, iyon ang iniabot ko dun sa bata para hawakan niya, tapos hinila ko yung payong hanggang sa makaahon yung bata. Umubo nang umubo yung grade 5 na estudyante. Nagulat ako noon nang bigla niyang itapon sa baha yung RCBC na payong ko. Umalis yung bata, putim (puting itim) na yung polo at medyas niya. Umalis siya nang hindi nagpapasalamat. Pero okay lang. Sabi ng Mommy ko palagi, “walang hinihinging kapalit ang taus-pusong pagtulong.” Niyakap ako nang mahigpit ni Mommy noong gabing iyon kasi nilagnat ako dahil naulanan ako. Sabi pa ni Mommy sa akin noon, “Wendell, isa kang tunay na anghel!” Tapos tinanong ko si Mommy noon, “Kaya po ba Arcangel ang apelyido natin?” Binilhan niya ako ng orange, apple at strawberry-flavored na Tempra.

Ikinuwento ko kay Yumi na minsan, napagkamalan kong Tempra yung mantsang dugo sa palda ng Mommy ko. Tawa nang tawa si Yumi kasi ang tanong ko sa Mommy ko noon ay kung nilalagnat ba ang palda niya.

Kanina, natahimik ako bigla dahil din kay Yumi. Kasi, si Yumi talaga, nakakainis talaga. Inalaska pa ako. Bakit daw alam ko yung pamahiin ng pag-upo sa dahon ng gabi samantalang siya raw na ka-babaeng tao ay hindi alam. Pinitik ko nga siya sa tenga! Tapos tinukso ko siya na hindi talaga siya tunay na tisay kasi hindi namula ang tenga niya. Binatukan uli ako! Kainis!

Gusto ko ngang sabihin kay Yumi na alam ko ang hitsura ng napkin ng babae. Napkin kapag malinis, at napkin kapag sumipsip na ng dugo, at napkin kapag ibinalot na sa pinaglumaang diyaryo. Gusto ko pa nga sanang ibida kay Yumi na ako nga ang pinabibili ng Mommy ko noon sa tindahan ni Mang Ben sa may kanto sa amin ng kaniyang sanitary napkin. Hindi ko pa noon alam kung para saan yung binibili kong iyon, pero ang kabilin-bilinan ng Mommy ko, ipabalot ko raw sa diyaryo yung Kotex. Na nung unang beses kong bumili ng Kotex, sasabihin ko pa lang kay Mang Ben na ibalot sa diyaryo ay ibinabalot na niya sa diyaryo agad. Pero hindi ko na sinabi kay Yumi, kasi bukod sa babatukan niya ako, baka kung ano pang lalong makapagpapatahimik sa akin ang sabihin niya.

Pero kanina, natahimik din si Yumi. May pumasok kasi sa loob ng klasrum. Pati ako natahimik. Ewan ko ba kung bakit bigla kaming napatulala ni Yumi.

Hiyang-hiya si Yumi kanina matapos niyang ikuwento sa akin na “dalaga” na siya. Matagal na naman naming napag-aralan iyon sa grade school pa lang, tungkol sa pagbabago sa mga katawan namin. Ang paghaba ng ganyan, pagtambok ng ganyan, pagtubo ng ganyan, at kung anu-ano pang ganyanan sa katawan. Pero iba pa rin talaga kapag “dumating” na yung oras na mangyayari na yong mga ganyanan sa katawan. Kaya si Yumi, hiyang-hiya kasi nga parang nag-iwan siya ng tinta ng red bolpen sa upuan niya. Kung nakita iyon ni Ms. Atienza, naku!, katakot-takot na sermon na naman ang aabutin namin.

Pero hindi naman iyon ang ikinahiya ni Yumi. Hindi iyon ang ikinatahimik at ikinatulala namin. Kasi habang ikinukuwento sa akin ni Yumi sa loob ng klasrum noong recess time ang kaniyang “unang dalaw,” biglang pumasok si Lance sa klasrum. Akala ni Lance walang tao kasi nasa pinakalikod kami ng klasrum, at nakasalampak kami sa sahig, inuupuan ang mga teksbuk namin sa Science. Medyo nahaharangan kami ng mga armchair. Dahil inakala ni Lance na walang tao sa klasrum, inilapag niya sa mesa ng titser ang Puma sports bag niya. Tapos nagtanggal siya ng basang t-shirt niya.

Nainggit ako sa hitsura ni Lance. Ako rin naman medyo maputi, pero yung utong ni Lance, kulay pink. Sa akin, brown. Tapos wala pa akong masyadong buhok sa kilikili. Si Lance parang may pugad na magkabilang kilikili. Napansin ko si Yumi na nakayuko lang habang ako, nakikita ko sa gilid ng mata ko na binuksan ni Lance ang bag niya tapos naglabas ng Good Morning na towel. Pinunasan muna niya ang mukha niya, tapos leeg, batok, likod ng tenga, balikat, likod mismo, tagiliran. Tapos umakyat ang tuwalya sa dibdib niya, tapos sa tiyan. Tapos sa tiyan ni Lance, may nakita akong kinainggitan ko uli. May mga hibla ng buhok sa may pusod niya, na parang nanggagaling pa mula sa pagkakaipit sa shorts niya.

Pagkatapos, inilabas ni Lance mula sa bag niya ang medyo gusot na puting polo, malinis na puting t-shirt, at pantalon. Isinuot muna niya ang t-shirt, tapos isinunod niya ang pantalon. Hindi nagtanggal ng shorts si Lance. Itinuck-in niya ang t-shirt. Tapos ibinutones ang pantaon at isinara ang zipper. Kinuha ni Lance ang sinturon niya mula sa bag. Habang isinusuot niya ang dulo ng sinturon sa pantalon, bumangga ang bakal o metal na bahagi ng belt sa mesa. Tapos isinuot na ni Lance ang polo niya.

Habang inilalagay ni Lance ang maruruming gamit sa loob ng Puma bag, tumunog ang bell. Napasigaw si Yumi. Nagulat ako. Nagulat si Lance habang isinasara ang zipper ng bag. Naipit tuloy ang hinlalato niya sa zipper.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home