Apartment sa Dapitan

Saturday, April 08, 2006

Estudyante Blues, Estudyante Reds

Noong Lunes (Abril 3, 2006) pa ako tapos sa mga tungkulin ng pagiging guro para sa nagdaang semestre. Matapos basahin ang tambak ng mga papel at matapos panoorin/analisahin ang iba't ibang proyekto ng aking mga estudyante, binalikan ko ang isang mensahe ng isang babaeng estudyante sa akin. Nagpapasalamat ang estudyante kong ito para sa isang "masayang" semestre raw sa ilalim ng aking pagtuturo. Marami raw siyang natutunan. Marami raw naibukas ang asignaturang Panitikan ng Pilipinas 50 (Panitikang Makabayan) sa kaniyang pag-iisip. Maganda raw na naibahagi ko raw iyon sa kaniya dahil marami siyang natutunan. Pero ang pinakamahalagang banggitin na sinabi niya ay gusto raw niyang matuto pa, huwag lang raw ang pagiging aktibista.

Mahalaga para sa akin ang komentong ito. Sa punto ng malawak na krisis pampulitika at ng matinding represyon at agresyong pulitikal laban sa mga progresibo, naitatanong ko sa sarili kung bakit maraming estudyante at nilalang ang ayaw matutunan ang pagiging aktibista. Hindi ko naman ito dapat pagtakhan. Una sa lahat, neoliberal ang edukasyon, kahit sa U.P., maliban sa ilang guro at propesor na nagsisikap na gawing rebolusyunaryo para sa indibidwal at kolektibo ang pag-aaral. Pero sa pangkabuuan, neoliberal ang edukasyon. Tulad nang natampok maging sa mga maikling kuwento sa Pilipinas noong panahon ng mga Amerikano, ang edukasyon ay naging kampanya para sa paghulagpos mula sa kahirapan. Kaya nga popular noon, magpahanggang ngayon, ang mga katagang pinamumutawi ng mga magulang: "Wala kaming ibang maipamamana sa iyo, anak, kundi ang edukasyon. Iyan ang gamitin mo para makaahon tayo sa kahirapan." Sa mga kuwento ng katutubong kulay na tampok noong 1900s sa Pilipinas, ang nosyon ng edukasyon ay upang magkamal ng intelektwal na kapital ang isang tao, at ito ang magiging puhunan niya upang magtrabaho sa mga ahensiya ng gobyerno at sa mga korporasyon at kumpanyang Amerikano na dumagsa sa bansa. Hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang naratibo. Kung dati'y sa mga pabrika at kumpanya ng mga luhong kosmopolitan ineengganyong magtrabaho ang mga Pilipino, ngayon ay nakatuon sa mga call center ang edukasyon ng Pilipino, kasama na rin ang pagiging domestic helper, caregiver, seaman, sex worker, entertainer sa mga bansang dayuhan. Ang pagiging seaman ngayon ay hindi na lamang simpleng halaga ng matipunong katawan. Kailangang nakakuha ka ng units o kurso sa teorya at praktika ng scuba diving. Ang pagiging security guard ngayon sa Pilipinas ay nangangailangang nakatungtong na ng kolehiyo ang isang Pilipino. Ito ang lokal na demand ng globalisasyon sa Pilipinas.

Sa pagkakaroon ng malawak na krisis ng Marxismo at komunismo noong 1960s dahil sa pagbagsak ng mga sosyalistang estado ng Rusya at Tsina, kasabay na pumailanlang ang neoliberal na ideolohiya't pulitika ng mga dambuhalang kapitalistang bansa. Ang pagpapaigting ng kolonyal na edukasyon sa pamamagitan ng neoliberal na mga palisiya ang nag-iimbudo sa mga estudyante sa Pilipinas na ayawan ang pagiging progresibo, dahil diumano, "Marxism is dead." Sa pagpapatawid diumano na patay na ang Marxismo sa pandaigdigang lebel, ipinamutawi ng mga kapitalistang bansa ng Amerika at Europa ang "postmodernismo" bilang katunggali ng Marxismo at komunismo. Hanggang ngayon ay makikita ang paghamak sa Marxismo bilang luma at hindi na aplikableng teorya at praktika ng pakikibaka. Maging ang modernismo ay patay na diumano, kaya ang pinakamahusay diumanong unibersal na pagtingin ay ang postmodernismo.

Sa dalawang taong pagtuturo ko, lagi kong tinatanong ang aking mga estudyante sa simula pa lang ng semestre kung anu-ano ang mga nais nilang pag-aralan. Walang klase ko ang hindi nagbanggit ng postmodernismo. Mas interesado sila dito dahil diumano'y ito ang panahon at espasyong iniinugan ng kanilang henerasyon. AT kailangan kong banggitin, na mas interesado ang maraming naging estudyante ko na pag-aralan at paniwalaan ang postmodernismo kaysa Marxismo.

Aaminin kong nababagabag at nalulungkot ako gawa ng sitwasyong ito. Ito ang tagumpay ng homogenisasyong edukasyunal sa panahon ng globalisasyon. Ang mantra ng globalisasyon na global village, walang bakurang mundo, ang pagiging mamamayang global (global citizen) ng lahat ng indibidwal sa buong planeta ang tila mas nananaig na konseptwalisasyon ng kasalukuyang panahon. Kaya ang pangarap ng mga kabataan ngayon ay tila nakabulid na sa pagpunta sa call center o di kaya'y paglipad sa ibang bansa upang doon maghanap ng malaking kita. Hanggang ngayon, "susi" parin ang pag-aaral -- at pagpapakadalubhasa sa wikang Ingles -- upang "makaahon mula sa kahirapan."

Ito naman talaga ang katotohanan. Pero hindi katotohanan na kailangan na lamang tanggapin. Hindi ito nakatakdang kasaysayan. Hindi ito nakasulat sa Bibliya. Hindi ito ang lagi nating naririnig na destiny o kagustuhan ng Maykapal. Hindi ito nakasulat sa mga tala at mga konstelasyon. Sapagkat ang katotohang ito -- ang sitwasyong pampulitka, pangkultura at pang-ekonomiyang ito -- ay hindi naka-predestino. Ito ay nilikha ng historikal na pagtutunggalian ng mga uri sa lipunan.

Walang ipinapanganak na matalino. Wala ring ipinapanganak na bobo. Pero may ipinapanganak na mayaman at mahirap. Dito pa lang, dapat na tayong magtanong. Walang ipinapanganak na kupal. Walang ipinapanganak na aktibista na agad. Lahat ito ay tao at lipunan ang lumalalang para sa kaniyang sarili't kolektiba.

Kung magpapakanal lang ang tao sa konsepto ng predestino -- at sa liberal-indibidwal na konsepto ng mapayapang pagbabago -- lalong makakanal sa kahirapan ang bansa at ang mundo. Lalong lalaki ang agwat ng langit at lupa. Lalong liliit ang pagitan ng mga rehas na bakal. Kailangang tanggapin natin ang katotohanan na ang mabuhay sa kasalukuyan ay ang mabuhay nang laging nangangamba. Sapagkat positibo at progresibo ang mangamba. Dahil nangangahulugan itong batid nating may nakaambang panganib. Ngunit ang pangangamba ay hindi ang huling lugar na dapat nating tigilan. Kailangang tanggalin ang pangamba. Magagawa lamang ito kung matatanggal ang pinagbubunsuran ng pangamba. At hindi ito magagawa sa simpleng pagtunganga. O sa pagpapailandang ng hiling sa langit. Hindi ito maaabot ng payak na paglalapat ng mga palad para manalangin. Dahil marahas ang panahon, marahas rin ang paraan ng pagbabago.

Ang pagbabago ng kulay ay pagtatagisan ng mga elemento ng kulay. Maging sa siyensiya, ang historikal at diyalektikal na pagtutunggali ay kailangan upang magkaroon ng homeostasis.

3 Comments:

Post a Comment

<< Home