Apartment sa Dapitan

Wednesday, April 12, 2006

Kulturang Pulitikal sa/ng Semana Santa

Ngayong Semana Santa, bukod sa kabi-kabilang pokus ng midya, laluna na ng telebisyon at radyo, sa kulturang relihiyoso, tampok na tampok ang iba't ibang konsyumeristang erudisyon ng Semana Santa -- mula sa mga mukha ni Hesus sa mumurahing t-shirt hanggang sa mga pelikula at produksong pang-entablado. Ang ganitong gawing kinagisnan ng marami matapos ang implementasyon ng mga kolonyal na karanasan ng bansa mula sa Espanya at Amerika, ang nagpapatianod sa atin sa magkakambal na kulturang relihiyoso at kulturang popular.

Semana Pulitika
Ngunit hindi dapat matali lamang sa dalawang nosyon na ito ng Semana Santa ang pag-aalaala sa pitong araw na ito ng buhay, pagpapakasakit, kamatayan at muling-pagkabuhay ni Hesukristo, na kinikilalang dakilang Tagapagligtas ng mga Judeo-Kristiyano. Dahil ang Semana Santa ay panahon rin ng matalas na kampanyang masa at pulitikal na pakikibaka. Maging ang patutsada ni Justice Secretary Raul Gonzales sa Batasan 5 at iba pang "kalaban ng pamahalaan" na diumano'y ginagawang pulitikal na okasyon ang Semana Santa ay hindi maitatali bilang "patutsada" lamang. Bagkus, nagiging positibo pa nga ito sa mga "kalaban ng gobyerno" sapagkat pinatototohanan lamang nito ang sigasig ng mga progresibong grupo na pag-ugnayin ang rebolusyunaryong tradisyon ni Hesus sa mga progresibo't rebolusyunaryong adhikain ng mga kilusang masa at kilusang pulitikal sa bansa sa kasalukuyan.

Sa akdang Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto, hinugot niya mula sa ideolohiya ng kilusang magsasaka't magbubukid sa bansa ang epekto ng ideyal ng rebolusyon na maaaring nakita ng mga magsasaka sa ehemplo ng pagsandig sa katarungan ni Hesus, tulad nang masasapo mula sa tradisyon ng pasyon. Kung noong una'y inakala lamang ng mga frayle at conquistador na ang pasyon ay kasangkapang kolonyal-relihiyoso, paglaon ay nakapiga ng rebolusyunaryong pananaw at praxis ang masang magsasaka mula sa buhay, pagpapakasakit, kamatayan at resureksiyon ni Kristo. Ang akdang ito ang isa sa unang nagsuma ng diskursong subersibo sa pasyon -- bilang pagpapatuloy ng subersyon ng Kilusang Propaganda noong panahon ng mga Kastila sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa mga relihiyosong literatura tulad ng mga dasal at awit. Ilan sa mga sumikat na subersibong tula noon ay ang "Dasalan at Tocsohan" ni Marcelo H. del Pilar.

Sa kasalukuyang pulitikal na sitwasyon ng bansa sa ilalim ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ang Semana Santa ay tunay na okasyon ng pulitikal na paglalang ng mga Pilipino. Buhay na naman sa text-space ang "Aba Naman Gloria" na unang sumikat noong Hunyo 2005 sa kasagsagan ng Hello Garci na iskandalo:

"Aba naman Gloria
Puno ka ng grasya
Ang yaman ng tao’y sumaiyo na.
Bukod kang nandaya
Sa babaeng lahat.
Pinagpala rin, asawa mo’t anak.
Wala ng natira sa AMEN."

Ngayong Semana Santa ay buhay na namang muli ang naturang text message, na akmang-akma pa rin sapagkat tulad ng buhay at pasakit na pinagdaanan ni Hesus, nasa parehong schema rin ang buhay ng masang Pilipino na nakararanas ng pasakit sa kasalukuyang administrasyon, bunga ng kadaskulan, pandaraya at pagpipilit na manatili sa poder ng isang tagibang na pinuno ng bayan. Maisisinulid ito sa tula ng Kilusang Propaganda noong panahon ng Kolonyalismong Kastila sa Pilipinas, na umaasinta sa praylokrasya at kolonyal na pangangamkam:

“Aba Santong diyablo
Bruho kang talaga
Nasa iyo na ang lahat ng grasya
Narito naman kami
Inuulan ng disgrasya.”

Malinaw ang pahayag sa text na mensahe – tulad sa tula ng Kilusang Propaganda – ang pagtukoy sa naghaharing-uri na kinabibilangan ni Gloria ngayon (at ng mga prayle at conquistador noon) bilang ang uring naghahari at nagpapahirap sa mayorya ng mamamayan. Masisilo rin mula sa text na mensahe ang primordial na nosyon ng anarkismo ng isang pamilyang kabilang sa naghaharing-uri at ang nagpapatuloy na pyudal at paternalistikong nosyon ng pamamahala ng bansa ng iilan.

SMS at Semana
Ang mga iskolar at kritikong tulad nina Bienvenido Lumbera at Soledad Reyes ang ilan sa unang nagdiskuro hinggil sa progresibong potensiyal ng kulturang popular sa Pilipinas. Ipinahiwatig nina Lumbera at Reyes -- na paiigtingin ni Rolando Tolentino -- ang subersibong praxis ng kulturang popular, kahit na ang pangunahing tuon naman talaga ng mga kapitalista't naghaharing-uri ay ang gawing daluyan lamang ang kulturang popular ng kultura't pulitikal-ekonomi ng kapitalistang sistema sa pandaigdigan saklaw. Sa text na mensaheng "Aba Naman Gloria," magkalambong ang tradisyon ng relihiyosong panitikan at ng kulturang popular -- ngunit mas dapat tingnan na buhay na buhay sa text na mensaheng ito ang subersibong erudisyon ng mga Pilipino hinggil sa sitwasyong pulitikal at pang-ekonomiya sa bansa. Isa sa pinakamahusay na postkolonyal na espasyo ang selepono (cellphone) na ginagawang lunsaran kapwa ng mga kapitalista't naghaharing-uri at ng mga progresibong mamamayan. Birtwal na pangkomunikasyong espasyo ito na pinagtutunggalian at ginagawan ng mga aktibidad ng mgakabilang-panig na kapwa may makauring interes (kapitalista vs. manggagawa; naghaharing-uri vs. pinaghahariang uri).

Bukod sa proliferasyon sa text-espasyo ng mga subersibo at pulitikal na mensahe, dapat mas pagtuunan ng pansin ang pagdiskurso ng mga kilusang pulitikal sa mga relihiyosong tradisyon at aktibidad ng Semana Santa. Halimbawa nito ang mga tradisyon ng "Penitensiya" at ng "Kalbaryo" na binigyan ng pulitikal na hugis ng mamamayan sa pamamagitan ng mga tinatawag na "Penitensiyang Bayan" at "Kalbaryong Bayan." Tampok sa mga "lakbayang" ito ang "Mga Estasyon ng Krus" na tumatalunton sa pinagdaanang pasakit ni Hesus. Ang siste sa "Kalbaryong Bayan" ay mamamayang Pilipino ang pinagpasan at ipinako sa krus. At ang krus, na mabigat na simbolo ng hirap at pasakit, ay nagiging representasyon ng walang iba kundi ng Rehimeng U.S.-Gloria Macapagal-Arroyo.

Tampok din ang pagtukoy sa iba't ibang pang-ekonomiya, pampulitika at pangkulturang manipestasyon ng tatlong batayang problema ng isang malakolonyal at malapyudal na sistema: ang Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo (IBP); Na ang malinaw na mga manipestasyon ay liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ng mga batayang serbisyo't pangangailangang panlipunan tulad ng tubig, kuryente, langis at edukasyon; Tulad ng malawakang korupsyon sa pamahalaan at ang pagbaha ng mga produkto't polisiya ng mga monopolyo kapitalista; At tulad ng patuloy na pangangamkam ng lupa, pagsaid sa mga minahan, at pulitikal na represiyon at pagkitil.

Makikita sa mga Kalbaryong Bayan na ang nakakabit na "INRI" sa taas na bahagi ng krus ay pinapalitan ng "IBP" o kaya'y "US-GMA" at iba pang mga katagang tumtukoy sa mga anti-mamayang palisiya ng estado tulad ng E-VAT, PP 1017, at iba pang lumitaw-lumubog-lumitaw na mga palisiya ng represyon at agresyon laban sa mga "destabilizer" at "kaaway" na siyang paboritong puntiryahin ng militaristang kapangyarihan ng estadong Arroyo. Simula 2001, halos 500 na ang kaso ng "political killings" at agresyong pulitikal ng gobyerno ni Gloria.

Voltes V at Semana Santa
Tinawag ni Raul Gonzales na "Voltes V" ang "Batasan 5" (limang kongresista ng mga progresibong partylist na Bayan Muna, Gabriela at Anakpawis) nitong Martes Santo. Pabiro ang patutsada ng Kalihim ng Kagawaran ng Katarungan sa Batasan 5. Ang biro ay nagsanga mula sa patuloy na pagtirada ng "Voltes V" kay Gloria kahit panahon ng Semana Santa. Ang "pagkaimbudo" ni Gonzales ay nagsasanga mula sa nosyong kultural na ang Semana Santa ay panahon ng pagtitika at kapayapaan ng puso't kaluluwa. Mababasa mula sa pahayag ni Gonzales na nakaiistorbo sa pagtitika ng administrasyon ang patuloy na pagpapailandang ng mga atakeng pulitikal ng Batasan 5.

Mabilis naman ang sagot ni Kong. Teddy Casino. Una niyang nilinaw na ang isyung pulitikal na kanilang kinakaharap ay kabudyong ng malawakang anti-progresibong histerya na pinangangalandakan ng pamahalaan. Kung kaya hindi opsyon ang pananahimik. Ikalawa, masisipat sa sagot ni Casino na hindi dapat matali ang usaping ito sa kultura ng patutsadahan tulad nang ginawa ni Gonzales na pagtawag sa kanilang Voltes V. At ikatlo, sinabi ni Casino na hindi naabot ni Gonzales ang nais niyang demonisasyon sa Batasan 5 dahil ang Voltes V ay hindi mga kontrabida sa anime ng mga Hapon, kundi mga bida. Kung kaya, matalas ang pahayag ni Casino na kung ang Batasan 5 ay ang Voltes V, ang pamahalaan ni Arroyo ay ang Bozanian Empire, na sa programang Voltes V ay ang naghahasik ng kasamaan, destruksyon at panunupil.

Sa puntong ito, tumitingkad ang lenggwahe at semiotika ng kulturang popular at kulturang relihiyoso bilang mga potensiyal na lenggwahe at semiotika ng subersyong pulitikal. Sa pahayag ni Casino, idurugtong niya ang isang katotohanan noong panahon ng Batas Militar na ipinagbawal ni Marcos ang Voltes V. Sa pag-aaral ng mga kritiko ng kultura at pulitika sa bansa, ang pagbabawal ni Marcos noon sa Voltes V ay isang hakbang ng duwag at bahag-ang-buntot na pamahalaan. Sapagkat katulad ng Pasyon, ang Voltes V ay maaaring kakitaan ng rebolusyunaryong ideyal. Sapagkat si Voltes V ay tagapagtanggol ng masa at naaapi, nagiging simbolikong representasyon siya ng aktibong pakikilahok laban sa diktadurya at mga mapanupil na sistema.

Kung tutuusin, ang mga subersibong potensiyal na ito ng kulturang relihiyoso at kulturang popular ay nagiging tereyn ng kulturang pulitikal. Bagama't maliit na bahagi lamang ng pulitikal na paglalang, nagiging mahalagang parte ito ng mas malawak na gawaing progresibo at rebolusyunaryo ng mga kilusang masa. At sa ganung punto, nagiging lunsaran ng tungkulin ng mamamayan para sa tunay na pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng teorya at praxis ng rebolusyong kultural.

2 Comments:

  • At April 12, 2006 10:42 PM, Anonymous Anonymous said…

    aba.. ang prolific mo nmn mykel.. hihi.. me buk ako nyang Pasyon & Revolution..

     
  • At April 13, 2006 10:55 PM, Blogger Kevin Ray N. Chua said…

    Well, PGMA really needs to resign for the sake of the country.

    I have a GLORIA RESIGN Online Petition at http://www.petitionspot.com/petitions/krcgmaresign

    I hope you would add it to your links and also please add my blog at http://emperorkevin.blogspot.com (TWBPSK Kevin Ray's Corner Blog)

    GLORIA RESIGN NOW!!! http://www.petitionspot.com/petitions/krcgmaresign

     

Post a Comment

<< Home