Apartment sa Dapitan

Monday, April 24, 2006

Ikalawang Tsapter ni Wendell

“Feeling mo ba mata-Top Ten ka ngayong quarter?” tanong sa akin ni Lance. I-aanawns na kasi ni Ma’am Mons ang Top 10 sa klase namin. Tapos i-aanawans rin niya ang Top 10 sa buong first year.

“Sana. Para sumaya ang Mommy ko…” ang maikli kong sagot.

“Ikaw naman puro ka na lang Mommy, Mommy. Joke lang.”

“Ganun talaga. O, quiet na! Magsisimula na ang flag ceremony.”

“Ang KJ mo talaga, Wendell! Bakit ba ang seryoso-seryoso mo ngayon?” tapos kinuskos ni Lance ang buhok ko.

“Ito naman! Para na akong tuta!” ang sagot ko habang iniiwas ang ulo ko mula sa malaking kaliwang kamay ni Lance. Ang totoo niyan, kinakabahan ako kasi hindi ako sigurado kung makakasama ako sa Top Ten ngayong second quarter. Andami kasing school activities, kaya feeling ko, kung may grade lang ang extra-curricular activities ay ako na ang Top 1. Pero okay lang naman. Hindi naman siguro magagalit si Mommy, tutal Top 6 naman ako noong first quarter.

“Pusa! Para kang pusa! Mas ka-close ko ang mga pusa!” tapos kinuskos muli ni Lance ang buhok ko. Nilagyan pa ako ng bangs habang kumakanta siya ng “She bangs! She bangs!” ni Ricky Martin. Medyo natanggal ang tensiyon na nararamdaman ko dahil sa pagpapatawa ni Lance.

Nagsimula nang umakyat ang prinsipal sa platform ng quadrangle. Sumigaw ako ng “Attention!” katulad ng ginagawa sa CAT ng mga fourth year. Sumunod naman agad ang lahat, puwera lang kay Nelson na kailangan ko pang puntahan sa likod ng pila. Talagang kupal! Sorry po Jesus kung ginamit ko dito ang salitang “kupal.” Kasi naman, kaya pala hindi narinig ni Nelson ang pagsigaw ko ng “Attention!” ay dahil abala sa pagpapakyut kay Denise. Nang nilapitan ko siya, nagsumbong agad sa akin si Denise na tinutukso siya ni Nelson ng “Boobita” dahil siya raw, ayon kay Nelson, ang “babaeng mas malaki pa ang boobs kaysa utak.” Foul talaga! Kaya kahit na matangkad si Nelson, sa pinakaharap ng pila ko siya pinapunta para magbehave siya.

“Crush ka lang nun, Denise!” ang nakangiti kong sabi kay Denise. Umaakyat sa noo ko ang tensiyon nang marinig ko si _____________ (pangalan ng prinsipal) na tinatawag ang pangalan ko.

“Mr. Arcangel…” Naku! Baka pagsabihan na naman ako ni Ma’am ___________ (principal’s name) tungkol sa “command responsibility.” Na ang rules and regulations ng school na nanggagaling mula sa pinakamataas na posisyon sa paaralan ay dapat tumatagos hanggang sa pinakamababang opisyal ng klase. Huminga ako ng malalim, tapos itinaas ko ang kaliwang kamay ko sabay sabi ko ng “Yes, ma’am!”

“I see that among the freshmen, your section’s line is the most…” ang pagsisimula ni Ma’am ___________ (principal’s name).

Hay. Heto na naman. Most disheveled. Most distraught. Most skewed. Most perforated. Most embarassing. Letse! Sorry po uli, Jesus. Bakit ba hindi matauhan itong si Ma’am _________ (pangalan ng prinsipal) na mali naman ang adjectives na ginagamit niya para idescribe ang hindi-pantay na linya ng section namin. Minsan lang namang mabaluktot ang linya namin, tapos para sa kaniya, lagi na lang baliko.

“Mr. Arcangel, your section’s line is the most… perfect!”

Nagpalakpakan ang buong section namin. Namula ako sa tuwa. Nakita kong nag-apir sina Lance at Yumi, habang si Severino naman ay sumaludo sa akin. Sa loob-loob ko, mas appropriate na adjective ata ang “straight” kaysa “perfect” pero sige na nga, pinuri naman kami ng prinsipal kaya okay na. “Job well done!” sabi ko sa sarili.

“Very good. Very good!” ang masayang komento ni Ma’am Atienza.

“Perfect! Perfect!” ang sigaw ni Yumi. “Perfect like Vilma Santos!”

Si Alwin naman, kumakaway-kaway sa ibang section habang ngumunguso na parang asar na asar kay Yumi. Narinig ko pang sabi ni Alwin na “Pekpek! Pekpek! Pekpek like Velma Cantot!” Inirapan lang siya ni Yumi na inakbayan si Severino na inakbayan naman ni Lance.

“Bilib na talaga ako sa ‘yo, Wendell! Ikaw lang ang nakakasoplak diyan kay Nelson! Tapos ngayon, diretso pa ang line natin,” ang sabi ni Lance habang tinatapik-tapik ako sa likod.

“Hindi naman,” pa-humble na sagot ko, “ikaw rin naman nasosoplak mo yang kaibigan mong yan! Tsaka, thank you nga pala sa pagtulong sa pag-aayos ng linya.”

Habang umuusad ang morning ceremony, tumatakbo sa utak ko na ang hirap talagang maging class president. At ang hirap pala talagang maging masunurin. Mahirap ang responsibilidad. Minsan nakakapagod. Minsan ko nang naikuwento ito kay Severino, nung panahon na sinagip siya ni Lance mula sa mapapanghing kamay ni Nelson. Lagi kasing natatagasan ng Eskinol ang kamay ni Nelson pag naglalagay siya sa mukha. Paano ba naman kasi, nilulunod talaga ang bulak. Kaya ayun, medyo nawawala naman ang taghiyawat ni Nelson. Kaso nga lang, mas maputi ang mukha ni Nelson kaysa sa leeg at buong katawan niya, kaya para siyang si Jericho Rosales na hindi laging pantay ang make-up!

Pagkatapos ng paos naming pagkanta ng “Lupang Hinirang,” at ng “Let Us Blend Our Tongues in Praises” na school hymn namin, at pagkatapos ng “taas noong” pagpa-“Panatang Makabayan,” masaya at organized na pumasok ang section namin sa klasrum. Binati kaming muli ni Ma’am Atienza. Tapos pinatayo ako ni Ma’am at pinalakpakan ako ng section namin. Tapos pinatayo ko ang lahat ng classmates ko para palakpakan namin ang buong klase. Tapos pinaupo na kami ni Ma’am Atienza. Tapos nagdasal kami. Tapos may inilabas siyang papel na nakasingit sa Class Record book niya.

“Now, I have a special announcement. Our Top Ten for the second quarter.” Sa sobrang kaba ko, parang nakita kong mag-isang nag-origami yung papel na hawak ni Ma’am Atienza. Inorigami nito ang sarili para maging papel na lumibot-libot sa isip ko.

“Let’s start from our Number 10. Please stand up… Mr. Severino Tabayocyoc.” Nagpalakpakan ang ilang kaklase ko. Narinig ko namang ibinubulong ni Nelson kay Lance na nasa likod ng upuan ko na “Pare, si Taba-yuck-yuck tumatabo, o!” Sinaway ko si Nelson at narinig kong sabi ni Lance na “Sobra ka na, pare. Tama na yan.”

Pinapunta ni Ma’am Atienza si Sev sa platform sa loob ng klasrum namin. Nakayuko lang si Sev. Nang medyo umangat yung ulo niya, ako naman ang sumaludo sa kaniya.

“Our Top 9 for the second quarter is… Please stand up… Mr. Lance _________.”

Parang pumithit ng 360 degrees ang ulo ko para tingnan si Lance na nasa likuran ko lang. Kinukusot na ni Nelson ang buhok ni Lance na pulampula ang mukha. Tumayo siya nang mabilis at nang madaanan ang kinauupuan ko ay yumuko sa akin at bumulong ng “Pare, totoo ba talaga ‘to?”

“Oo naman, Lance!” ang masayang sagot ko sa kaniya. Yung mga kabarkada ni Nelson, pinupukpok ang armchair nila para ipakitang masaya sila para kay Lance. Yung katabi ko naman, Si Cecilia Brillante, ang consistent na Top 1 ng klase namin simula pa nung grade school kami, ay nakita kong tumaas ang kanang kilay. Kaya lalo kong nilakasan ang pagpalakpak ko para iparinig kay Cecilia na deserving si Lance.

Si Cecilia ang nag-Top 1, as expected. Ewan ko ba kung bakit hindi siya makuntento. Ako nga, hindi nakasama sa Top 10. Si Lance, halatang hindi makapaniwala sa nangyari. Pero kaming tatlo nina Yumi at Sev, hindi naman kami nagtaka. Ibang-iba talaga si Lance sa original na tropa niya. Sabi nga ni Sev sa akin minsan na “Alam mo ba, kay Lance ko nalaman na ang lalaking seahorse ang nagbubuntis sa halip na ang babaeng seahorse.” Si Lance din ang nagsabi sa amin ni Yumi na “Any number raised to the power of 0 is equal to 1.” Kaya hindi nakapagtataka kung bakit nakasama sa Top 10 si Lance.

Niyakap nga pala ako ni Lance. Nagulat ako. Sabi niya sa akin, “Pare, dapat ikaw yung nasa Top 10 at hindi ako.” Tapos niyakap na rin ako ni Sev. Si Yumi naman bago yumakap sa akin, humirit nang “Hoy Lance! Bakit ako hindi mo sinasabihan na dapat nasa Top 10 din ako?” Nagtawanan kaming lahat. Ito ang isa sa pinakamasaya kong araw. Ito rin ang masayang balita na ihahatid ko sa Mommy ko.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home