Apartment sa Dapitan

Monday, January 30, 2006

Ang Bundok ng Baling-Likod at ang Babaeng Garapon

Ang Bundok ng Baling-Likod

Ambivalent ako pagdating sa pelikulang Brokeback Mountain ni Ang Lee na pinagbibidahan nina Jake Gylenhall at Heath Ledger. Ambivalent dahil matapos panoorin ang pinaratang DVD na binili ko sa Quiapo kahapon ay nag-iwan ito ng timbulang damdamin sa akin.

Bakit kailangang mamatay ni Jack Twist (Jake)? Bakit anlabo ni Ennis del Mar (Heath)?

Bakit laging malulungkot ang mga pelikula ni Ang Lee?

Sa isang operatibong depinisyon ng lungkot, mas naikakabit ko ang salitang bagabag. Isang istiryotipikal na pelikula ang Brokeback Mountain na sa tingin ko'y hindi gaanong nakahulagpos sa isang sistemang pangkasaysayan. Siguro marahil ito ang nagpapabagabag sa akin dahil may nararamdaman akong pagkagusto sa pelikula dahil rin sa sitwasyong istiryotipikong ito. Tulad ng hiling ko sa simula pa lang ng pelikula na wala sanang mamatay sa kanilang dalawa.

Maraming bahagi sa pelikula ang nagbibigay ng isang depensang matso para sa isang rancherong bakla. Kapalit ng pagiging bakla, tila, ang pagharap sa karahasan ng mundo, ang pagbabalatkayo, ang pagtangis nang perpetwal, ang di-paglunok ng laway kung kinakailangan. Laging nasa bingit ng kalungkutan ang mga bidang bakla at babae sa pelikulang ito -- mayroong di-matamasang katagalan ng kaligayahan -- na tulad nga ng blurb ng piniratang DVD ay "a story of love of epic proportions." Mala-epiko ngang maituturing ang haba ng pelikulang nanalo na ng Best Picture sa isang film fest. Siguro, ang mas nais kong puntuhin ay bakit ba laging malulungkot ang pelikulang tungkol sa bakla? At bakit laging kailangang namimighati sila hanggang sa dulo ng pelikula, idamay pa ang mga babae?

Kunsabagay, ang pinagbasehan kasi ng pelikula ay ang isang maikling kuwento ni Anne Proulx, na di ko naman masyadong gusto kung magsulat at lagi kong iniitsa pag nakakakita ako ng libro niya sa Booksale.

Sa isang banda naman, ang pelikula rin ay nagpapahiwatig ng isang subkulturang buhay na buhay kahit sa kilalang macho at pyudal na espasyo tulad ng rancho. Sa isang banda rin, ang pelikula ay nagpapamalas ng eksposisyon ng patriarkiya sa iba't ibang lebel ng buhay at lipunan -- mula sa pag-aasawa (o pilit na pag-aasawa -- bilang alternatibo ng bakla sa isang "magulong" buhay), sikretong pagtatagpo, pagkilala sa pulitikang sekswal ng iba't ibang espasyo tulad ng Mexico, Wyoming at Texas, relasyong pangkapangyarihan ng lalaking/bakla at babae, atbp. Gayundin, matalas ang pelikula sa pagpapanaig na maging sa mga sentro ng kapangyarihan ng lalaki ay buhay na buhay ang kaniyang "alternatibo."

Sa ngayon, ito na lang muna ang sasabihin ko sa sarili ko dito sa blog. Blog ko nga pala ito. At kung natataehan ka sa sinusulat ko, sino ka ba? At bakit mo ito binabasa? Stalker! Pweh!

* * *

Ang Babaeng Garapon

Isang patunay itong si Babaeng Garapon na ang Marxismo ay mas mahusay pa rin kaysa Feminismo. Sa kaso ng Babaeng Garapon, walang kinalaman ang pagiging babae niya. Sa halip, ang pagwawasiwas niya ng kapangyarihan ang pinakaubod ng kaniyang kabalintunaan.

Makasaysayan ang pag-usad ng relasyong pangkapangyarihan sa buong mundo. Sa lahat ng nasyon-estado na maituturing ngayon, walang pagbabago na hindi ibinunsod ng pagtutunggalian ng mga uri. Si Gloria Arroyo, halimbawa, ay ang pangalawang babae ng Pilipinas, ngunit naghahasik pa rin siya ng ideolohiya't pulitika ng estado at ng uring kaniyang pinanggalingan -- ang naghaharing-uri. Gayundin, kahit na mabait, maalalahanin at motherly itong si Pres. Emerlinda Roman ay para pa ring isang negosyo ang pagpapatakbo niya sa Unibersidad ng Pilipinas, maano pang ituring niya ang mga estudyante bilang mga kliyente ng U.P.

Mas masahol pa itong Babaeng Garapon. Patapos na nga lang ang kaniyang termino ay naghahasik pa ng kawalang-kawawaan. Dahil renewal na naman sa U.P., aba'y nang-iintriga na naman. Bakit ba kailangang mangatog ng isang guro pagdating ng renewal? O ngayon lang ito nangyari? Oo nga, ngayon lang. Iba kasi ang nurturing na opisina sa isang power-tripping na Upuan. Kapag power-tripper ang Upuan, kakasangkapanin niya ang opisina para sa personal niyang ganansiya -- at lahat ng mesa, silya, at iba pang "bagay" sa kaniyang opisina ay dapat umayon sa dictum ng Upuan. Pero, hindi lahat ng "bagay" ay upuan. Kung may tataliwas sa mga gusto at nais ng Upuan, aba'y sisikad ito at tatapakan ang iba pang bagay sa pamamagitan ng kaniyang apat na paa.

Buksan mo ang Garapon. Hipan mo? Narinig mo ba ang sarili mong hininga? Sarhan mo ang Garapon. Ipailandang mo sa hangin at hintaying halikan niya ang sahig. May narinig ka? Mahina lang. Oo nga, kasi walang laman.

Sa tingin mo nanlilibak ako dito ng mga tao? At bakit hindi ko iemail ito sa kaniya? E bakit ka ba nakikialam?! Epal ka masyado. Palibhasa, napakabansot ng pagkakaalam mo tungkol sa blog -- at sa diskurso ng kapangyarihan. Ibig mo bang sabihin ay kailangan ko pang magpaalam kay GMA kung gusto kong gumawa ng tula tungkol sa kaniya at ipopost ko rito? Ibig mo bang sabihin ay hingin ko pa ang permiso ng Babaeng Garapon para magsiwalat dito ng nararamdaman ko? Aba'y di ko na iyon problema. May comments box naman ito, a! Tsaka pakialam ko ba sa 'yo.

Thursday, January 26, 2006

Tungkol sa Pagbablog

Sumusulat ako ngayong sandaling ito -- sa sandaling ito na may tinga ng lungkot sa utak ko. Kung may problema ka sa pagsasaad ko ng kontekstong ito, problema mo na iyon.

Mahirap pala talagang magsalita sa matatanda, iyan ang napatunayan ko. Pero mas mahirap magsalita sa matatandaang tumatanda ng paurong -- o di kaya naman ay nabubulid sa sarili nilang glorya.

Sa blog pala depende talaga sa interes ng tao ang nais niyang sulatin. May blog nga akong nakita na tungkol sa isang supposedly katulong at ang laman ng blog niya ay mali-maling Ingles tapos puro kapalpakan niya bilang Maid. Meron naman yung blog na puro sex lang ang laman, tapos walang cloaking to anonymity. Meron din naman na puro comics ang entries niya; kamangha-mangha na araw-araw ay pinauunlad niya ang porma (at minsan pati kontent o nilalaman). Meron naman puro pictures lang ang laman ng blog. Ang tawag pala kasi doon ay photoblog.

Meron naman na literary blog. Yung matatayog ang diskurso sa panitikan, sa loob at labas ng Pilipinas; pati nga teoryang pampanitikan na impluwensiyado ng teknolohiya ay napag-uusapan doon. Meron namang diary talaga ang blog. O di kaya'y halo. At kaya niya isinusulat ang mga bagay na iyon, kesyo natatae siya, o nalulungkot dahil sa isang unprecedented event, o kaya dahil nabulyawan siya ng titser, o nagpa-abort -- ang lahat ng ito ay bahagi ng maliit na mundo ng cyberspace -- iba pa rin ang nasa loob talaga ng tao laluna't naipapulandit ito sa birtwal na papel. Diary man, blog, epistolaryo, dahong-talaan, o anuman ang itawag sa talaan ng alaala, wisyo, pagkakamali, opinyon -- ay isang bagay na kaniyang pinagdesisyunan -- at hindi laging para sa illusion of grandeur, o kaya ay yung ibinibintang na lumaki na ang ulo.

Matagal-tagal na rin pala ang blog kong ito. Isa sa mga blog na bahagi ng buhay ko. Bago pa man ito maging titulo ng isang vanity publication KO ay blog ko na ito. At totoo pala yung sinasabi nila na there's no place like home. Sana maging matatag ako at huwag nang magpaapekto sa misconstrued at miscalculated notions ng iba tungkol sa akin at sa blog ko para hindi ko na kailangang lisanin pa ito.

Sunday, January 22, 2006

Kelan Nag-40 si Bien Lumbera? Ngayong 40 Taon na ang DFPP?

Kailan Nag-Kuwarenta si Dr. Bien Lumbera Ngayong Kuwarenta na ang DFPP?

Para malaman kung kailan nag-40 si Dr. Bien Lumbera, dumalo sa paglulunsad-aklat ng Bayan at Lipunan: Ang Kritisismo ni Bienvenido Lumbera na inedit ni Dr. Rosario Torres-Yu at inilimbag ng UST Publishing House. Ito ay gaganapin sa C.M. Recto Hall, Faculty Center, UP Diliman sa Enero 30, 2006, 4-5:30nh. Si Dr. Lumbera ay Professor Emeritus ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) kung saan naging malaking ambag ang kaniyang mga pag-aaral sa mayabong na 40-taong buhay ng DFPP.

Kasunod (at kaugnay) nito ang Apatnapu Na Po Tayo: 40 sa a-30, ang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng DFPP. Inilipat ang oras at lugar na pagdarausan ng pagdiriwang at homecoming na ito. Ang bagong venue ay sa Galleria 2 (malapit lang sa Recto Hall) ng Faculty Center, Enero 30, 2006 pa rin, pero sa ganap na 5:30nh hanggang 8:00ng.

Inaanyayahan ang lahat ng alumni, kasalukuyang mag-aaral, kaibigan, at kakilala sa magkaugnay na okasyong ito. Sa lahat ng napadalhan o nakatanggap ng naunang imbitasyon, ito po’y pagpapabatid para sa bagong lugar at oras. Lubos pa rin naming aasahan ang inyong suporta’t pagdalo.

Para sa mga katanungan, magpadala ng email sa 40sa30@gmail.com o di kaya’y i-text si G. Mykel Andrada sa 0915-4413324 o tumawag sa DFPP sa 924-4899.

Monday, January 09, 2006

Beautiful Boxer

Hindi ko pa napapanood ang Beautiful Boxer. Binrowse ko lang ang DVD copy ko nito kagabi, pero di ko pinanood talaga kasi gusto ko sabay naming panoorin ni Jerrie.

Malamig ngayon dito sa kuwarto ko sa FC. Para akong nasa loob ng barko sa lakas ng tunog at karag ng lumang aircon. Mas matanda pa ata ito sa akin. Pero okay lang. Ambilis talagang lumamig.

Naiihi na naman ako.

* * *

Andami ko na namang tsetsekang papel. Wag sana akong mutain. Buti nga pala at hindi ako nahuli (late) kanina sa 7am na klase ko.

* * *

Maganit ang aking mga buto. Kaunting lakad lang ay nagbabanggan na ang mga kalyo nila. Lumalagatok ang mga buto -- humihingi ng tulong. Pati ang kalamnan ay apektado.

* * *

Nagda-diet ako ngayon. Puro biskwit lang at tubig. Isang beses lang akong kumakain ng kanin sa isang araw. Nararamdaman kong pumapayat ako.

* * *

Pag bagong gupit talaga ako ay binabalakubak ako. Bakit kaya?

Transpinas

Pumunta ako sa Quiapo kahapon, bisperas ng Pista ng Nazareno. Medyo marami nang tao. Nang subukan kong pumasok sa simbahan ay agad akong tumalikod dahil isinusuka na ng simbahan ang mga tao dahil sa dami nito. Mayroon na ring mga van ng ABS-CBN sa Plaza Miranda, napakalaki ng logo ng Pinoy Big Brother sa likod ng isang van. Siguradong matrapik na naman mamaya.

Nakabili ako ng DVDs ng Transamerica na pinagbibidahan ni Felicity Huffman at ng Beautiful Boxer. Natawa nga ako sa sarili ko dahil hindi ko naman sinasadyang maging tematiko ang pagbili ko kanina. Mukha pala talagang pre-operative transexual si Felicity.

Hinahanap ko kung may DVD na ng Brokeback Mountain sa Quiapo. Sa kasamaang palad ay wala. Pero mayroong isang pelikula doon si Jake Gylenhaal, iyong Proof, pero di ko binili.

Inaantok na ako, pero gising pa rin ako kasi naaadik ako sa isang site na ibinahagi ni Schedar. Nakakapuyat talaga ang kamunduhan.

Tuesday, January 03, 2006

What's Eating Kelly Kili?

1.
Nagpunta si Jerrie dito sa bahay ko sa Iba, Q.C. Nanood kami ng dalawang DVDs, ang modern Japanese film na "Junk Food," at ang lumang pelikulang "What's Eating Gilbert Grape?" na natatandaan kong ipinalabas sa Maynila noong nasa ikaapat na taon ata ako ng high school.

Iba ang tama sa amin ng pelikulang "What's Eating Gilbert Grape?" Para sa akin, bukod sa paborito ko sina Johnny Depp at Leonardo DiCaprio, medyo nagustuhan ko ang takbo ng istorya. Napaka-linear ng plot ng pelikula, kaya siguro madali kong naunawaan. Pero iba nga ang tama sa akin ng pelikula -- na sa tingin ko ay matagal ko nang itinatanong sa aking sarili: ano nga ba ang kumakain sa akin?

Araw-araw, nararamdaman ko na pabigat nang pabigat ang katawan ko. Kahit na higit na marami ang porsiyento ng tubig sa katawan ng tao, pakiramdam ko ay mas mabigat pa rin ang aking mga buto at laman. Lumaki na talaga ang mga tubong tagatunaw ng pagkain sa aking katawan. Dahil sa laki nito ay lagi nitong inuutusan ang aking utak na punan ang mga tubo. Pero may problema ako sa kidneys, kaya kailangang mag-ingat ako. Nitong nagdaang Pasko nga ay ilang araw na nanakit nang sobra ang aking mga binti -- laluna ang likod ng aking mga tuhod -- dahil sa akumulasyon ng uric acid. Buti't pinapahiran ng nanay ko ng menthol / eucalyptus liniment ang aking mga hita't binti.

2.
Sigurado ako sa sarili kong mahal na mahal kita. Ilang tao na ang nagdaan, dumaan, at lumampas sa akin. Ilang taon na rin ang lumipas. At ngayon, sigurado akong kakambal ka na ng aking hininga. Matagal ko na namang sigurado sa sarili ko iyon. Pero gusto ko lang ulit-ulitin sa iyo, dahil baka hindi ko nababanggit sa iyo o naibubulong man lamang nitong nakaraang taon pag tayo ay magkatabi na sa higaan natin sa sahig. O baka mas marami kasi akong aberrant na gawi at ugali at kilos na ipinadarama sa iyo. O baka kasi hindi kita nayayakap agad kapag nakikita kong napapapikit ka na dahil sa antok at pinipilit pa kitang manood ng pelikula kahit dis-oras na ng madaling umaga.

Kung alam mo lang na ang nagpapatulog sa akin sa gabing mag-isa ako ay ang isiping sinusuklay ng iyong mga daliri ang mga hibla ng buhok ko. O iyong alaalang minsan akong naalimpungatan at tumanim sa isip ko ang eksenang pinagmamasdan mo akong matulog, at marahil ay minememorya kung paano ako maghilik. O iyong una kang nagpunta sa aming bahay sa Iba at ipinakilala kita sa aking nanay. O iyong pagmuwestra mo na para kang si Super Boink, ang paggaya mo kapag nagrerecharge ng enerhiya si Majin Bu, ang pagtawag mo kay Isabel, ang paggalaw mo na parang pendulum, at ang malalim na biloy sa iyong pisngi, ang dating amoy ng cologne mo na napalitan na ngayon ng bersyong Cool Waters ng Afficionado, ang paghithit mo ng yosi, ang mga labi mong parang tubig na kapag hiniwa ay hindi nagpipilat, ang mga mata mong tulad ng pagbukas-sara ng mga mata ng matandang pusang si Cheky. Tumatakbo ito sa aking mga mata tuwing pumipikit ako para subukang matulog -- at ako ang hinahabol ng mga imaheng ito -- kusang dumarating -- at bumabalik-balik -- hanggang sa ako'y magsagwan na sa panaginip.

Monday, January 02, 2006

Dahil Taon ng mga Aso

Dugal
Michael Francis C. Andrada

Sa mga kuwento mo lang nabubuo
Ang hitsura ni Dugal: matanda, maliit
At mabaho kapag hindi napaliguan.
Hindi siya katulad ng aso sa Dog of Flanders
Na paborito kong panoorin noong bata pa ako;
At hindi na rin ako katulad ni Nelo.
At ngayong ilang taon na lang
Ang aking hinihintay bago tumuntong
Ng tatlumpu, mas nasasabik akong makilala
Si Dugal.

Ang sabi mo minsan ay laging kumakawag
Ang kaniyang buntot tuwing nakikita ka.
Kilala talaga niya ang kaniyang amo,
Ang habol ko naman, hinahabol ang iyong
Pansin, at naglalambing na tila isang matagal
Nang kasintahan. Maraming kuwento
Ang hinding-hindi masasaid tungkol kay Dugal –
Sa ikli ng mga binti niya,
Paano kaya siya umaakyat sa upuan,
O gaano kaya kataas ang kaniyang pagdamba?
Dagdag mo pa’y matatakutin siya
Sa kahit na anumang ingay o kaluskos o sigaw.
Saang sulok kaya siya nagsumiksik
Ngayong bagong taon –
Ngayong taon ng mga aso?

Katulad din ba siya ng aming dating aso,
Nang minsang mayroong sugatang
Maya na humapon sa aming tarangkahan,
Ay nagulat ang bantay at sinakmal
Ang kumakandirit na ibon?

Takot din ba siya sa tubig,
Sa pangamba na ang paliligo
Ay kasinrahas ng pagpapaulan
Ng bala ng mga sundalo?

Takot din ba siya sa malalaking aso,
Yung mga tagpi-tagpi ang balat
Katulad ng uniporme
Ng mga sundalo?

O galit din ba siya sa umaalulong,
Katulad ng mga pangakong
Ipinamutawi ng pangulo sa Baguio?
Ilalabas ba niya ang kaniyang mga ngipin,
Maglalaway na parang pinagtaksilan,
At sasagpang para makipaglaban?

Ilang Kuha Ng Bagong Taon 2006

Image hosted by Photobucket.com

Si Puring at si George, hinihintay ang tawag ng aking Kuya Rodel at Ances mula sa New York

Image hosted by Photobucket.com

Si Mommy kausap si Kuya Rodel

Image hosted by Photobucket.com

Si Jay-ar kausap si Kuya Rodel

Image hosted by Photobucket.com

Sketch ni Mommy (Puring) kay Connie Francis, isang foreign singer noon, February 3, 1964; 17 years old noon ang nanay ko; plate niya ito sa isang libreng Fine Arts evening class sa Arellano School; naka-display ito sa isang pader sa sala namin sa Iba, Q.C.

Image hosted by Photobucket.com

Bilog-bilog; mumurahing basong polkadots; at mangkok ng mga bilog na prutas

Image hosted by Photobucket.com

Hindi pala lahat ng prutas ay bilog. Hmmmm.

Image hosted by Photobucket.com

Nadiskubre ng Daddy (George) na inaanay pala ang ilang kahoy sa bahay namin. Hmmmm.

Image hosted by Photobucket.com

Bromella o Bromelia? Basta masuwerteng halaman daw ata; bigay ng presidente ng Philippine Bonsai Society

Image hosted by Photobucket.com

Dolphin chimes sa hapon; sa sala

Image hosted by Photobucket.com

Dolphin chimes sa gabi; sa sala