Apartment sa Dapitan

Tuesday, January 03, 2006

What's Eating Kelly Kili?

1.
Nagpunta si Jerrie dito sa bahay ko sa Iba, Q.C. Nanood kami ng dalawang DVDs, ang modern Japanese film na "Junk Food," at ang lumang pelikulang "What's Eating Gilbert Grape?" na natatandaan kong ipinalabas sa Maynila noong nasa ikaapat na taon ata ako ng high school.

Iba ang tama sa amin ng pelikulang "What's Eating Gilbert Grape?" Para sa akin, bukod sa paborito ko sina Johnny Depp at Leonardo DiCaprio, medyo nagustuhan ko ang takbo ng istorya. Napaka-linear ng plot ng pelikula, kaya siguro madali kong naunawaan. Pero iba nga ang tama sa akin ng pelikula -- na sa tingin ko ay matagal ko nang itinatanong sa aking sarili: ano nga ba ang kumakain sa akin?

Araw-araw, nararamdaman ko na pabigat nang pabigat ang katawan ko. Kahit na higit na marami ang porsiyento ng tubig sa katawan ng tao, pakiramdam ko ay mas mabigat pa rin ang aking mga buto at laman. Lumaki na talaga ang mga tubong tagatunaw ng pagkain sa aking katawan. Dahil sa laki nito ay lagi nitong inuutusan ang aking utak na punan ang mga tubo. Pero may problema ako sa kidneys, kaya kailangang mag-ingat ako. Nitong nagdaang Pasko nga ay ilang araw na nanakit nang sobra ang aking mga binti -- laluna ang likod ng aking mga tuhod -- dahil sa akumulasyon ng uric acid. Buti't pinapahiran ng nanay ko ng menthol / eucalyptus liniment ang aking mga hita't binti.

2.
Sigurado ako sa sarili kong mahal na mahal kita. Ilang tao na ang nagdaan, dumaan, at lumampas sa akin. Ilang taon na rin ang lumipas. At ngayon, sigurado akong kakambal ka na ng aking hininga. Matagal ko na namang sigurado sa sarili ko iyon. Pero gusto ko lang ulit-ulitin sa iyo, dahil baka hindi ko nababanggit sa iyo o naibubulong man lamang nitong nakaraang taon pag tayo ay magkatabi na sa higaan natin sa sahig. O baka mas marami kasi akong aberrant na gawi at ugali at kilos na ipinadarama sa iyo. O baka kasi hindi kita nayayakap agad kapag nakikita kong napapapikit ka na dahil sa antok at pinipilit pa kitang manood ng pelikula kahit dis-oras na ng madaling umaga.

Kung alam mo lang na ang nagpapatulog sa akin sa gabing mag-isa ako ay ang isiping sinusuklay ng iyong mga daliri ang mga hibla ng buhok ko. O iyong alaalang minsan akong naalimpungatan at tumanim sa isip ko ang eksenang pinagmamasdan mo akong matulog, at marahil ay minememorya kung paano ako maghilik. O iyong una kang nagpunta sa aming bahay sa Iba at ipinakilala kita sa aking nanay. O iyong pagmuwestra mo na para kang si Super Boink, ang paggaya mo kapag nagrerecharge ng enerhiya si Majin Bu, ang pagtawag mo kay Isabel, ang paggalaw mo na parang pendulum, at ang malalim na biloy sa iyong pisngi, ang dating amoy ng cologne mo na napalitan na ngayon ng bersyong Cool Waters ng Afficionado, ang paghithit mo ng yosi, ang mga labi mong parang tubig na kapag hiniwa ay hindi nagpipilat, ang mga mata mong tulad ng pagbukas-sara ng mga mata ng matandang pusang si Cheky. Tumatakbo ito sa aking mga mata tuwing pumipikit ako para subukang matulog -- at ako ang hinahabol ng mga imaheng ito -- kusang dumarating -- at bumabalik-balik -- hanggang sa ako'y magsagwan na sa panaginip.

2 Comments:

  • At January 08, 2006 7:58 PM, Anonymous Anonymous said…

    matagal ko na gustong panuorin yang Whats Eating..

    pero me maganda pero boring na pelikula.. yung japanese na Nobody Knows.. nanalong best actor sa Cannes yung batang bida dun..

     
  • At January 09, 2006 2:02 AM, Blogger mykel andrada said…

    swap tayo kung me dvd ka nyang nobody knows. me maganda ring japanese film akong napanood -- yung Bound Ko Gals. galeng talaga! kung wala ka naman dvd ng nobody knows ay puwede kong ipahiram sayo yung whats eating gilbert grape.

     

Post a Comment

<< Home