Timplang Nestle
Gumigising ka sa umaga,
Isinasalang ang takore’t
Hinihintay na ito’y sumipol.
Tsaka mo ipahahagkan
Sa takoreng nakanguso
Ang tasang may pingas ang labi.
Pinagmamasdan mong lumangoy
Ang mainit at madilaw na tubig
Sa nag-aalburotong sikmura ng tasa.
Kukunin mo ang basong-tahanan
Ng instant na kape – marungis
Tulad ng pasmado mong kamay.
Sisilipin mo ang loob nito. Matutunaw
Ang paningin mo sa kapeng naging
Kapiranggot na kendi – namawis
At natunaw dahil sa init, namuo
Dahil sa lamig. Isasalin mo ang tubig
Mula sa tasa tungo sa baso. Lalabo
Ang tubig. Pagwawalayin mo
Ang magkapagkit mong mga labi.
Maiisip mo, kung nagkataong dugo
Ang kape, anemic ito. Maaalala mo
Ang plakard sa inyong piketlayn:
“There’s blood in your coffee.”
Pagdating sa planta, nakapinid
Ang mga tarangkahan. Pero bukas
Na bukas ang inyong piketlayn.
Paulit-ulit mong itinatanong sa sarili
Kung bakit laging matabang ang kape
Sa iyong tahanan. Maaalala mong minsan,
May nagbiro sa ‘yo: na sa pagtatrabaho
Sa kanilang kumpanya, ang kape mo’y tatapang.
Pero bakit ikaw at ang iyong mga kasama
Ang tumapang? Sasagutin mo rin ito:
Magbiro ka na sa lasing,
Huwag lang sa gising na gising.