Apartment sa Dapitan

Thursday, September 29, 2005

Timplang Nestle

Gumigising ka sa umaga,

Isinasalang ang takore’t

Hinihintay na ito’y sumipol.

Tsaka mo ipahahagkan

Sa takoreng nakanguso

Ang tasang may pingas ang labi.

Pinagmamasdan mong lumangoy

Ang mainit at madilaw na tubig

Sa nag-aalburotong sikmura ng tasa.

Kukunin mo ang basong-tahanan

Ng instant na kape – marungis

Tulad ng pasmado mong kamay.

Sisilipin mo ang loob nito. Matutunaw

Ang paningin mo sa kapeng naging

Kapiranggot na kendi – namawis

At natunaw dahil sa init, namuo

Dahil sa lamig. Isasalin mo ang tubig

Mula sa tasa tungo sa baso. Lalabo

Ang tubig. Pagwawalayin mo

Ang magkapagkit mong mga labi.

Maiisip mo, kung nagkataong dugo

Ang kape, anemic ito. Maaalala mo

Ang plakard sa inyong piketlayn:

“There’s blood in your coffee.”

Pagdating sa planta, nakapinid

Ang mga tarangkahan. Pero bukas

Na bukas ang inyong piketlayn.

Paulit-ulit mong itinatanong sa sarili

Kung bakit laging matabang ang kape

Sa iyong tahanan. Maaalala mong minsan,

May nagbiro sa ‘yo: na sa pagtatrabaho

Sa kanilang kumpanya, ang kape mo’y tatapang.

Pero bakit ikaw at ang iyong mga kasama

Ang tumapang? Sasagutin mo rin ito:

Magbiro ka na sa lasing,

Huwag lang sa gising na gising.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home