Isang Malaking Kumpanya ng Kape, Gatas at Tsokolate, Walang Pangalan
I.
Nang ibalita ng ABS-CBN ang pagpaslang kay Ka Fort, tila napaso ang dila ng istasyong nag-aastang naglilingkod sa sambayanan. Diumano, ang niratrat ng mga bala ay isang lider-manggagawa ng isang unyong nakawelga sa planta sa Laguna ng “isang malaking kumpanya.”
Magtataka ka pa ba kung bakit matapos ang balita ng istasyong-tahanan ni Big Brother ay sumunod ang mga patalastas ng kape, gatas, creamer, at tsokolate ng Nestle?
Anong malaking kumpanya ang walang ipinamumutawing pangalan?
II.
Minsan, may nagsabing hindi naman masama ang kapitalismo. Na ang kasalanan ng mga kapitalista ay maikakategorisa bilang “corporate irresponsibility.”
Minsan, may humabol pa: dapat magpasalamat ang mga manggagawa sa nasabing malaking kumpanya dahil sila’y binibigyan ng trabaho. Kahit kakarampot ang suweldo. Dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas ngayon, masuwerte na kung maempleyo ka, kahit subkontraktwal.
Ngunit ang hindi naililinaw ay ito mismo ang responsibilidad ng kapitalismo: ang gumanyak ng mamimili, ang lumikha ng pinakamaraming produkto sa pinakamurang halaga ng paggawa upang lumikom ng pinakamalaking kita.
Anong malaking kumpanyang kumikita ang walang ipinamumutawing pangalan?
III.
Ang pagkatuso ng kapitalismo ay nagiging sining ng paghalo sa “reyalidad” ng patalastas: na siyang dumadaklot sa tao: tulad ng pagkutsarita mula sa pakete ng instant black coffee patungo sa mainit na katawan ng tubig: tulad ng pagkutsarita ng Nestle sa maghapong pagpapakakuba ng mga katutubo, magsasaka’t manggagawa.
Sa patalastas, hindi natutunghayan ang reyalidad ng sistematikong pang-aalipin. Ang tanging nakikita ay ang panghahagip ni Alex Compton sa babaeng iniirog sa pamamagitan ng creamer ng isang malaking kumpanya. Ang tanging nakikita ay ang pagnanais ng sanggol hindi sa gatas ng sariling ina kundi sa gatas na ikinulong sa lata.
Anong malaking kumpanya ang walang ipinamumutawing pangalan?
IV.
Ito ang kabatiran:
Hindi ipinamumutawi ang pangalan ng isang malaking kumpanya kung nababanlian siya ng mainit na kape, kung nakukulong siya sa sariling lata ng gatas, sa sariling plastik na kulungan.
Lalo’t higit kung may nakalalabas sa lata’t plastik na piitan.
Dahil sa kapitalistang sistema, ang manggagawa’t kapitalista’y hindi gatas at kape.
Dahil sa kapitalistang sistema, ang hindi nakikita ng mata, nalalasahan ng dila.
Anong malaking kumpanya ang walang ipinamumutawing pangalan?
0 Comments:
Post a Comment
<< Home