Apartment sa Dapitan

Tuesday, December 26, 2006

Disyembre 25, 2006


* * * *

Nagkakantahan pa rin ngayon sa bahay ng mga pinsan ko. Iisa lang ang adress namin, pero dalawang magkahiwalay (pero magkadikit) na tahanan ang aming kinabububungan. Hindi na naisip ng aming mga magulang na lagyan ng A at B ang aming mga bahay.

Wala namang problema pagdating sa mga sulat o anumang padala. Pareho na kaming may harapan o tarangkahan ngayon, di tulad nang dati na lahat ng sulat o padala para sa amin ay dumaraan sa aming mga pinsan. Ngayon nga, kami ang may doorbell. Pag pumunta kayo sa aming lugar, mapagkakamalan ninyong iisang bahay lamang ang aming mga bahay. Ganun na nga rin marahil iyon, laluna’t kung ang bahay ay nagiging singkahulugan na rin ng pamilya’t tahanan.

Nagkakantahan pa rin ngayon sa bahay ng mga pinsan ko. Naririnig kong kumakanta ngayon si Ate Fhe, ang kasambahay – na itinuturing na naming tiyahin – nina Kuya Alvin at Grace. Sa katunayan, “Nanay” ang tawag ni Grace kay Ate Fhe. Si Shiela naman, pamangkin ni Ate Fhe, ay itinuturing na rin naming pinsan. Dalawa na ang anak ni Shiela, sina Nina at Jam, na kapwa matatalino’t mababait na mga pamangkin.

Kagagaling ko lang doon kanina. Katatapos lang kumanta ni Ate Fhe ng “Annie’s Song” sa Magic Sing na dinala ni Kuya Alvin at ng kanyang asawang si Maricel. Hindi na rito nakatira si Kuya Alvin; bumukod na sila ni Maricel simula nang magpakasal sila. Ang kumakanta na ngayon ay si Mark, ang kapatid kong sumunod sa akin. Nakikipag-inuman siya kina Kuya Alvin at sa kaibigan niyang si Enteng, na ninong naman ni Amery, ang panganay na anak nina Mark at Karen. Magkakaroon na ng kapatid si Amery – at ang tawag na nga namin sa kaniya kahit na nasa sinapupunan pa siya ni Karen ay “Amber.” Amber na kasi ang naisip na pangalan nina Mark at Karen para sa ikalawang anak nilang ipinagbubuntis ngayon ni Karen. Bundle of joy!

Balak kong magsulat ng krismas entry ko diretso sa blogger o multiply. Kaya lang ay may kausap pala ang bunso kong kapatid na si Jay-ar. Malamang ang kaniyang kasintahang si Mabel ang kausap niya. Beauty queen nung hayskul si Mabel. Mabait at maaalalahanin. Binigyan niya kami kanina ng Goldilocks na black forest ata yun. Basta masarap. Kumakanta ngayon si Kuya Alvin. Napapatunayan kong kabisado ko na ang kanilang mga boses, kahit na kumakanta sila. Hehehehe. Parang tawa o hagikik na nagsasatinig, o tuwa’t ligayang nagsasatunog – na namememorya rin – at natutukoy ko kung sino ang may taglay nito kahit ako’y nakapikit.

* * * *

Naibigay ko na ang huling bayong ni Cynthia sa isang pamilyang malapit sa akin.

* * * *

Sana magising na si Ser Monico Atienza mula sa mahimbing na pagkakatulog.

* * * *

Sa unang pagkakataon ay nakapunta na ako sa bahay ni Jerrie. Isa ito sa mga nakapagpasaya sa aking taon.

Nakakuwentuhan ko ang kaniyang mga magulang. Nakilala ko na rin ang lahat ng kaniyang mga kapatid. Nakita ko na rin si Dugal, ang kaniyang maliit na aso. Muli kong nakita si Theo (aka Theoey) matapos ang humigit-kumulang dalawang taon. Masarap ang lasagna na niluto ni Jerrie. Si Dugal, takot na takot nga talaga sa mga paputok. Si Theoey nga ay malambing at minsan ay nangangalmot. Mataba nga si Theoey, nakakatuwa!

Ngayon, kapag iniisip ko sa madaling araw kung tulog na ba si Jerrie, o kapag magkausap kami sa landlayn, o kapag nagtext siya na nagbabasa siya ng libro, o kapag sinabi niyang nagluluto siya, o pag nagmamadali siyang ibaba ang telepono dahil pupunta siya sa banyo, o kapag ikinukuwento niya na nanonood siya ng TV o ng DVD – nagkakaroon na ng pisikal na lugar sa aking isip ang kaniyang mga kuwento.

Mas buo na ang senaryo.

* * * *

Tapos nang magtelepono ang kapatid ko. Maiaupload ko na ito.


December 26, 2006. 12:11mn.

Wednesday, December 20, 2006

Ang Paskong Mahal ng Unibersidad ng Pilipinas

Nung nagsisilbi pa ako bilang Vice-Chairperson ng University Student Council ng U.P. Diliman (2001-2002), dalawang palisiya ng administrasyon ng U.P. laban sa mga estudyante ng unibersidad ang naipatupad. Dalawang bagay ito na umukilkil sa akin ng matagal dahil para akong ginulpi-de-gulat sa pagpapatupad nito. Isa rito ang Revitalized General Education Program (RGEP). Ang isa naman ay ang pagtataas ng matrikula sa gradwadong lebel. Ang Tsanselor ng U.P. Diliman noong panahong ito ay si Emerlinda Roman, na ngayon ay ang pangulo na ng U.P.

Ngayong guro na ako sa parehong unibersidad, katulad pa rin ang naramdaman ko nang ipataw ng administrasyon ni Roman ang humigit-kumulang 300% pagtaas ng matrikula sa U.P. Pag pinag-aralan ang "pag-aaral" na ginawa ng komiteng binuo ni Roman (ang De Dios Committee), mahihibo roon ang malinaw na paghahati sa hanay ng mga mag-aaral. Mapanlinlang na panghahati. Ang maaapektuhan lamang diumano ng pagtataas ay ang mga papasok na fresh(wo)men sa darating na akademikong taon 2007-08. Kaya tila may hinihirayang nosyon ng "apathy" at "pagpayag" sa hanay ng mga mag-aaral; dahil kung tutuusin, ano nga ba naman ang pakialaman ng mga nauna nang nakapag-enrol at kasalukuyang nag-aaral sa unibersidad, e hindi naman sila sakop ng pagtataas ng matrikula. Paano na ang mga kapatid nating nais mag-aral sa U.P.? O ang mga anak ng kapitbahay natin? Ang mga kamag-anak? Ang 80% ng populasyon sa Pilipinas?

Sabi ni Roman sa mga "praise release" ng kaniyang administrasyon hinggil sa pagpapatupad ng pagtaas na matrikula, "unanimous" raw ang botohan ng Board of Regents (BOR). Pero ang katotohanan ay pito lamang sa labindalawang rehente ang dumalo sa nasabing pagpupulong; at lahat sila ay maka-administrasyon at appointed ng Malakanyang (lahat naman ng nakaupo sa BOR, maliban sa Faculty Regent at Student Regent na ang mga guro at mag-aaral, respectively, ang pumipili; at ineendorso na lamang ng gobyerno). Totoong lahat ng pitong dumalo ay bumoto para aprubahan ang tuition fee increase (TFI); ngunit mayroong dalawang hindi pinadalo sa nasabing pagpupulong noong Disyembre 15, 2006. Sila ay sina Faculty Regent Roland Simbulan at Student Regent Raffy Sanchez. Bago pa ang nakatakdang pagpupulong para aprubahan ang pagtataas ng matrikula, batid na ng mga mag-aaral na sa Quezon Hall (Administration Building) gaganapin ang BOR meeting. Alam rin ng administrasyong Roman na magbabarikada ang mga estudyante't guro at iba pang miyembro ng komunidad ng U.P. (mula Los Banos hanggang Mindanao) para tutulan at pigilan ang pagtataas. Ngunit tuso't garapal ang administrasyon ni Roman. Huli na nang pinasabihan ang Faculty Regent na inilipat sa College of Law ang lugar ng pagpupulong ng BOR. At hindi sinabihan ang Student Regent na inilipat ang lugar ng pulong. Malinaw na taktika ito ng administrasyong Roman upang magmistulang "unanimous" ang pagbobotohan, gayung alam na alam na ng kaniyang pamunuan na tutol ang dalawang rehente sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin.

Nakatatawa ring isipin na ginagaya ni Roman ang sikolohikal na taktika ng kaniyang idolo't kachokarang si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kauna-unahang pagkakataon sa mahabang kasaysayan ng Lantern Parade sa U.P., hindi natuloy ang nasabing parada. Naglabas ang Executive Committee ng administrasyon na nagkakansela ng naturang parada, diumano'y dahil raw sa "takot na magkagulo at mawalan ng pag-aari ang U.P. dahil sa banta sa seguridad ng mga raliyista." Ano raw? Noong Disyembre 14 pa lamang, nakasagap na kami ng balita na pinulong ni U.P. Diliman Chancellor Sergio Cao ang lokal na ahensiya ng seguridad sa U.P., at diumano'y humihingi pa ng back-up mula sa Philippine National Police (PNP) dahil sa banta raw sa seguridad. Ganitong-ganito ang mantra ng administrasyong Arroyo tuwing may nakaambang protesta ang mamamayan -- naghahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP dahil nakakuha raw sila ng reliable tip na magkakaroon ng "destabilisasyon," "banta ng terorismo" at iba pang kamukhang senaryo. Pero tulad ng delusyong ito ng administrasyong Arroyo ang delusyon ng administrasyon ni Roman. Malinaw na pananakot lamang ito, at walang ibang nakinabang dito kundi ang kaniyang administrasyon.

Kung tradisyong makulay ang Lantern Parade bilang pagpapahayag ng kasiyahan tuwing pagsapit ng Pasko, mas tradisyon ng Lantern Parade ang maging lunsaran ng tradisyong protesta't progresibo. Tulad ng Oblation March ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity, nalalangkapan ng pulitikal at panlipunang isyu ang Lantern Parade. Ilang beses nang naging larang ito ng panunudyo at pag-asinta sa mga anti-mamamayan at anti-estudyanteng palisiya ng mga rehimeng lokal at pambansa at maging ng imperyalismo. Kaya nang lumabas ang memo mula sa Executive Committe, nalungkot at nagalit ang mga mamamayan ng komunidad ng U.P., laluna ang mga mag-aaral ng College of Fine Arts na literal na ikinulong ng kanilang dekano at ilang mga propesor sa kanilang mga klasrum. Kahit na nagpasiya na ang karamihan ng mga mag-aaral ng Fine Arts (na gumastos ng humigit-kumulang P2,000 to P4,000 kada estudyante para sa kani-kanilang mga lantern), sinabihan sila ng mga maka-Roman na guro na kung ipipilit nilang ituloy ang Lantern Parade ay ibabagsak sila. Hinarang pa ng mga tusong gurong ito ang mga mag-aaral na gustong magparada. Hinarangan ang tarangkahan ng kolehiyo, at humarang sa mga pinto ng mga klasrum. Bitbit din ng maraming mag-aaral ng College of Fine Arts ang pagtutol sa pagtaas ng matrikula.

Kung hindi ito malinaw na panlilinlang at pagsikil sa karapatan ng mga miyembro ng komunidad ng U.P., baka tama ang Tang Grape na gawing violet ang kulay ng Pasko at hindi ang nag-aalab na pula. Pula pa rin ang pinakakulay ng pasko. Nakakuyom na pula! Sabi nga ni Student Regent Raffy Sanchez sa kaniyang text message kay Roman matapos aprubahan ang TFI, "Masaya na kayo?! Humanda kayo sa January!" Ayan, masaya ka na, Roman, may ipangwawaldas ka na sa taunang paskong mahal sa U.P. dahil sa mga ilaw mo. Sa susunod na Pasko, gawin mo nang krismas tree, lagyan mo ng maraming burloloy at ilaw ang napakalaki mong buhok. Gastusin mo ang pagtataas ng matrikula para sa pagkukulot mo ng katotohanan.

Monday, December 11, 2006

Ang mga Hurado ng 2006 KALkaibang Idol

Pagpapakilala sa mga Hurado ng KALkaibang Idol

HOSTESS:
And now, for the distinguished members of our Board of Boring Judges… Sa kanilang mga lalamunan nakasalalak ang kapalaran ng ating mga kontestant – kung ang inyo bang mga Idolo ay makalulunok o mabibilaukan? Kung sila ba ay maduduwal o mahuhubuan ng salawal?

Let’s get them undressed! Ay! Sori po! Pasensiya na! Let’s get the ball kicking… Dahil espesyal ang KALkaibang Idol, at dahil kauna-unahan ito, at dahil espesyal ang ating judges, ipapakilala ko sila sa pamamagitan ng panitikan, ng literature, ng speech, ng drama, ng language, ng pagkain ng apoy, ng paglublob sa kumukulong laway… seriously, nag-research ako, nag-archival work, naghalughog sa mga lumang baul, nagmasid sa happenstance and serial transmogrification of society brought about by the hermeneutical dialogues of the forces of literary and cultural production and the regurgitating notions of reflexivity versus culpability in the stream of deliberate unsconsciousness. Sa madali at maikling salita, narito po ang ating Board of Boring Judges!

A. LIYO ALMA
Para sa ating unang hubadero, este hurado… Siya ay kilalang makata. At siyempre, kapag makata, naiisip natin agad na makating-makati… ang kaniyang… kamay… dahil gustong-gustong magsulat… at nakakakiliti… ang kaniyang… imahinasyon (kunwari’y sinasalat ng host ang kaniyang sarili na tila kinikiliti). Nagawaran siya ng pinakamataas na karangalan bilang Alembong ng Sinaing para sa Itikan. Siya ang nag-iisa… ang ayon nga sa matandang kasabihang Tagalog ay “nagmamatandang kulit.” Sasabihin kaya ng nagmamatandang kulit na ito sa mga Idolo ang salawikaing “Malakas ang loob, mahina ang tuhod”? Ipahuhula kaya niya sa mga Idolo ang sagot sa bugtong na “Hinalo ko ang nilugaw, nagtatakbo ang inihaw”? Ang Dekano ng Kanto ng Arte at Literatura… Let’s give him a warm round of applause… LIYO ALMA.

B. MAMITA LUMBERITA
Ang ating susunod na hubadero ay isa ring dakilang Alembong ng Sinaing… para sa Itlugan. Bilog na bilog siya, singkit ang mga mata, at tila naging inspirasyon ni Yoyoy Villame sa pagsulat ng awiting “Butchikik.” Sa mga estudyante, siya ang pampanitikang bersyon ng anime character na si Doraemon. Kilalang iskolar ng panitikan. Sa katunayan, isa siya sa naghawan ng landas upang pagsikhayan ang pag-aaral ng panitikang rehiyonal. Kaya hindi nakapagtataka na napakaraming nagtext sa amin ng kanilang mensahe ng pagsuporta para sa huradong ito. Daig pa niya ang mga kontestant sa dami ng text messages! Basahin natin ang ilan:

1. Mula kay Bugan ng mga Ifugao, ito po ang nakakalokang text niya: “I want to be devoured.”

2. Mula kina Lumawig at Kabigat ng mga Kankanay, “You surely ate the meat.”

3. Mula kay Anonymous ng Hilagang Luzon, “No baro narukop, no daan nalagda.” Sa Filipino, “Kung bago’y mahina, kung luma’y malakas.” Sandali, di ba “burita” ito o bugtong ng mga taga-Hilagang Luzon? At ang sagot dito ay “ebak ng kalabaw”? Bad ka, Anonymous!

4. Mula uli kay Anonymous, pero this time ng Pampanga,

“Lalagari, lalagari, / lalam bale na ning pari; /papalacul, papalacul, /lalam pale na ning hukom.”

Sa Filipino, ang ibig sabihin nito ay “Naglalagari, naglalagari, / sa ilalim ng bahay ng pari; / Nagpupukpok, nagpupukpok, /Sa ilalim ng bahay ng hukom.”

5. Mula kay Jowa ng Areneo, “Hoy, baklang host! Huwag mong landiin ang asawa ko! Keri?”

Ay! Kakaloka naman tong si Jowa of Areneo. And with that, ipapakilala ko na ang ating hurado. Let’s give him a… Merry Christmas… MAMITA LUMBERITA.

C. MARIA CACAO

Para sa ating susunod na hubadero, este hurado, siya ay ang Tsansing Lord, este Tsanselor ng Yupi Kadiliman. I’ll make this short but very sweet.

Heto na si Ka-Cao, bubuka-buka-Cao!

Heto na si Maria, nagluluto ng cacao!

Heto na si Cao, magbubungawngaw!

Let’s give a warm… cup of hot chocolate to… Tsansing Lord MARIA CACAO.

D. EVERBELENA ROMANCE
And finally, heto na. Para sa ating huling miyembro ng Board of Boring Judges. Siya ang sagot sa bugtong na “Gumagapang na ang anak, ang ina’y nakaupo pa.” Ayon naman kay Fray Francisco Bencuchillo sa Arte poetico tagalog naman,

“Yaong luklukang masaya
Walang katapusa’t hanggan,
Sa langit natatalaga
Di masapit ng may sala.”

Ayon kay Steve, “Let’s volt in!” Ayon sa mga Ilonggo, “Pitakilla nang reyna, / bukaron gani, / indi na mauli” o sa Filipino “Ang pitaka ng reyna, / kapag binuksan na, / hindi na maisasara.”

Ayon naman kay Susan Roces, “Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.”

At higit sa lahat, ito ang pinakaimportante… at sobrang may koneksyon ito talaga sa ting susunod na judge… ayon sa MMDA ni Bayani Fernando, “Walang tawiran, nakamamatay.”

Mayroon pong kasabihang dayuhan, “In Rome, do as the Romans do.” O kaya naman ay “Romance is in the air.” Indeed, Romance is in the air, ayan, nakalutang po siya sa ere, ang ating mahal na Panggulo ng Universe of the Pini-penis. Let’s give her a warm… weather… EVERBELENA ROMANCE.

(Grabe. Wala akong ibang naisulat. Pero at least, nakapagsulat ako.)

Sayklops (Lumang Tula)

Michael Francis C. Andrada

Dito sa madamong singit
Ng bundok na maraming pangalan,
Kapag sinuyo ng dilim ang langit,
Walang nakatatakas na bituin.
Parang sandipa lang ang pagitan
Ng dulo ng aking mga daliri
At ng pilikmata ng mga tala.
Gusto ko itong abutin habang naghihiraya
Kung namumulikat ba ang mga bituin
Sa kakikindat sa atin
O nangangawit kaya sa kapaiilanlang
Sa naninimdim na kalawakan.

Walang nakatatakas na bituin.

Mga butlig sa likod,
Mga nunal sa dibdib ng langit.
Laging may napagdurugtong,
Laging may naguguhit:
Koronang tinik ni Hesus,
Sinturon ni Hudas,
Rosaryo ni Birheng Maria.
Isda, leon, toro, kalabaw, kambing:
Lahat kikiluhin sa timbangan ng birhen.

Walang nakatatakas na bituin.


Tatlong maria, tatlong mago,
Tatlong tuldok.
Lagi’t laging may nabubuong tatsulok.
Minsan, may mata sa gitna:

Ojos animasola, walang hindi nakikita!
Minsan, may naggagapas,
Bitbit ang karit na buwan
Sa madamong papawirin.
Minsan, may nagpupukpok,
May bukbok ang bubong;
Pakong bituin, martilyong nakalambitin.

Walang nakatatakas na bituin.

Minsan, ako’y sumungkit
Ng mga balang-tala,
Talang-bala.
Dahil dito sa lupa,

Kasalanan ang manatsulok.