Sayklops (Lumang Tula)
Michael Francis C. Andrada
Dito sa madamong singit
Ng bundok na maraming pangalan,
Kapag sinuyo ng dilim ang langit,
Walang nakatatakas na bituin.
Parang sandipa lang ang pagitan
Ng dulo ng aking mga daliri
At ng pilikmata ng mga tala.
Gusto ko itong abutin habang naghihiraya
Kung namumulikat ba ang mga bituin
Sa kakikindat sa atin
O nangangawit kaya sa kapaiilanlang
Sa naninimdim na kalawakan.
Walang nakatatakas na bituin.
Mga butlig sa likod,
Mga nunal sa dibdib ng langit.
Laging may napagdurugtong,
Laging may naguguhit:
Koronang tinik ni Hesus,
Sinturon ni Hudas,
Rosaryo ni Birheng Maria.
Isda, leon, toro, kalabaw, kambing:
Lahat kikiluhin sa timbangan ng birhen.
Walang nakatatakas na bituin.
Tatlong tuldok.
Lagi’t laging may nabubuong tatsulok.
Minsan, may mata sa gitna:
Ojos animasola, walang hindi nakikita!
Minsan, may naggagapas,
Bitbit ang karit na buwan
Sa madamong papawirin.
Minsan, may nagpupukpok,
May bukbok ang bubong;
Pakong bituin, martilyong nakalambitin.
Walang nakatatakas na bituin.
Minsan, ako’y sumungkit
Ng mga balang-tala,
Talang-bala.
Dahil dito sa lupa,
Kasalanan ang manatsulok.
1 Comments:
At October 07, 2007 9:49 AM, Marchiesal Bustamante said…
This comment has been removed by the author.
Post a Comment
<< Home