Apartment sa Dapitan

Wednesday, November 29, 2006

Pasko, Paksiw! Wala lang.

Kakaiba ang Pasko sa Pilipinas. Dalawang buwan pa lang bago ang Disyembre, ngumangawa na ang mga radyo ng mga awiting Pampasko. Sabi nga ng marami, basta marinig mo na sa radyo ang “Christmas in Our Hearts” na inawit ni Jose Mari Chan, paparating na ang Pasko. Ilang dekada na nga ba ang kantang ito? Kahit na hindi ka naman fan ni Jose Mari Chan dahil nag-away sila noon ni Freddie Aguilar, alam mo ang lyrics ng nasabing kanta, kahit iyong unang mga linya lang nito ay tiyak kong alam n’yo:

“Whenever I see girls and boys

Selling lanterns on the street

I remember the child

In a manger as he sleeps

Whenever there are people

Giving gifts, exchanging cards,

I believe that Christmas is truly in our hearts…”

Sa Pilipinas lang ata nauunang ipinagdiriwang ang Pasko kaysa sa Undas. Bago pa lumitaw sa mga mall ang mga disenyong pang-Halloween, ang mga kandilang pantirik, ang mga maskara ng mga halimaw, pangil ni Drakula, at ang mala-spaghetti na buhok ng manananggal, ay kumukuti-kutitap na agad ang Christmas lights. Nag-iinat na ang mga candy cane, gumigiling-giling na si Santa Claus, tumatalon na ang mga usa ni Santa, at tumitingkayad na ang mga Christmas tree. Kaya tuloy maraming nagmumulto at minumulto tuwing Undas. Iyon ang tunay na dahilan ng mga kahintatakutan.

Sa totoo lang, pagkatapos na pagkatapos ng Undas, mararamdaman mo na agad ang Pasko. Sabi nga ng matatanda, “Naaamoy mo na sa hanging Pasko na!” Dadagdagan pa ito ng matatanda ng paulit-ulit na pagsasabing talaga namang ang mga buwang nagtatapos sa “ber” (September, October, November at December) ay may direktang koneksyon diumano sa klima sa Pilipinas. Basta pag tumungtong na ang Setyembre, simula na raw ng pagiging malamig sa Pilipinas. Pero siyempre ngayon, hindi na iyon totoo kasi nga “super init” sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagkabutas ng ozone layer. Pasalamatan natin ang mga smoke belcher at ang chlorofluorocarbons (CFCs) ng mga multinasyunal at transnasyunal na korporasyon! Congratulations sa polusyon!

Nung isang gabi lang, naglakad ako papunta sa palengke malapit sa amin. Ilang araw na lang bago mag-Disyembre ay nakapagtatakang inaagiw na ang mga parol. Parang maruming pula na ang kasuotan ni Santa Claus. Kasi naman, magdadalawang buwan na silang nakadisplay! May nagbebenta na rin ng kastanyas sa kalsada, katabi ng mga cotton candy na kulay pula at berde. Usong-uso na naman ang mga banig at hinabing mga basket na pinapalamutian ng maliliit na estrelya, mga binurdang anghel, mga makikinang na bola, at mga unanong duwendeng balot na balot ng makakapal na damit.

Pero alam n’yo ba kung ano ang pinakaaabangan ko tuwing sasapit ang Pasko? Ang pangangarolin ng mga bata, na minsan ay may kasama ring matatanda! Lagi akong naghahanda ng kending ipamimigay sa kanila. Kahit na lagi akong sinisimangutan ng mga nangangarolin dahil sa halip na barya ay pampabulok ng ngipin ang iniaabot ko, masaya pa rin ako. Mas okay na iyon kaysa sabihin nila akong barat. Sabi kasi ng nanay ng kaibigan ko, mas mabuti pang kendi ang ibigay sa bata kaysa pera. Kasi pag pera, baka ipambili lang nila ng sisinghuting rugby.

Sa maliit at mahirap na baranggay namin dito sa Santa Teresita, Sta. Mesa Heights, Quezon City, ang Pasko ay nasa kalsada. Lagi kong naaalala noong bata pa ako, kasama ko ang kapuwa ko marurungis na bata, sinusuyod ang mga kalsada para mangulit sa mga bahay-bahay. Naaalala ko rin ang mga kantang ipinama sa amin ng paglalaro sa kalsada. Nasa tono ng sikat na mga awiting pampasko, pero “kalsadang-kalsada” ang mga lyrics. Halimbawa, may kinakanta kami dati na nasa tono ng “Joy to the World”:

“Joy tumalon sa bintana

Nauna ang baba.

Medyas ng Ilokano,

Sapatos ng kabayo,

Balakubak ng kalbo,

Balakubak ng kalbo,

Gumamit, gumamit ng Rejoice shampoo!”

Ito’y mga kanta na alaala, na magpahanggang ngayon ay nakatatak sa akin.

Tuwing may kumakatok sa gate o tuwing may nagdo-doorbell, kahit gusto mong magtago dahil wala kang ipapakain sa mga bisitang namamasko, mahihiya kang hindi sila patuluyin. Kaya kahit tubig lang at minatamis na white beans ay okay na iyon sa mga bisitang kamag-anak, kamag-anak ng kamag-anak, kamag-anak ng kamag-anak ng kamag-anak, kaibigan, kaibigan ng kaaway, kaaway ng kaibigan ng kaaway, at kung sinu-sino pa. Kasi ang totoo naman, ang mahalaga ay ang kuwentuhan, pagtatayong-muli ng mga tulay, pagka-catch-up kumbaga sa mga panahong hindi nagkikita ang dapat magkita. Kaya masaya ang Pasko, kahit kapos.

Kaya kahit walang paksiw kapag Pasko, malalasahan mo naman ito sa isang tongue twister na sikat kahit hindi Pasko. Kun kaya sabihin natin nang walong ulit, sa pinakamabilis na pagsasalita, ang mga katagang “Pasko, Paksiw.” Kaya n’yo ba?

Maligayang Pasko sa inyong lahat at Manigong Bagong Taon!

Sunday, November 19, 2006

Soko Gakai Tagaytay Experience


Ilang minuto bago umalis sa Soko Gakai nung Nobyembre 18, 2006. L-R: Andrada, Ortiz, Evasco, at Salanga.

Books Against Political Killings; Nov. 23, 2006



November 23, 2006 (Thursday)
2-5pm, C.M. Recto Hall, Faculty Center, U.P. Diliman


Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings (edited by Rolando B. Tolentino and Sarah Raymundo)

Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Pulitikal na Pandarahas (edited by Mykel Andrada, Joi Barrios and Rolando B. Tolentino.

Thursday, November 16, 2006

Nob. 23 Lunsad-Aklat -- SUBVERSO

Paglulunsad-Aklat ng

Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Pulitikal na Pandarahas

Mykel Andrada, Joi Barrios at Rolando B. Tolentino
Mga Editor

Nobyembre 23, 2006 (Thursday), 2-5pm, Claro M. Recto Hall, Faculty Center, U.P. Diliman



Mga Manunulat at Artistang Nag-ambag:
Bayani S. Abadilla • Aurelio S. Agcaoili • Mila D. Aguilar • Rio Alma • Mark Angeles • Monico M. Atienza • Romulo P. Baquiran • Don Belardo • Herminio S. Beltran, Jr. • Kristoffer Berse • Ian Rosales Casocot • Dexter B. Cayanes • Piya Cruz Constantino • Gary Devilles • Iris Pagsanjan-Estrera • Tom Estrera III • Eugene Y. Evasco • Melecio Fabros • Jayson Fajarda • Edel E. Garcellano • German V. Gervacio • Genaro R. Gojo Cruz • Vladimeir B. Gonzales • Kenneth Roland Al. Guda • Lisa C. Ito • Estelito B. Jacob • Jose F. Lacaba • Bienvenido L. Lumbera • Cynthia Nograles Lumbera • Maricristh Magaling • Rogelio Ordoñez • Will P. Ortiz • Roselle V. Pineda • Axel Pinpin • Nonilon V. Queaño • Peye Rana • Alexander Martin Remollino • Elyrah Loyola Salanga • Romulo A. Sandoval • Ina Stuart Santiago • Lilia Quindoza Santiago • Soliman A. Santos • Prestoline Suyat • Tomasito T. Talledo • John Iremil E. Teodoro • Enrico C. Torralba • Renato O. Villanueva


Mula sa Introduksyon: Tereyn ng Panitikan at Pang-uring Tunggalian
Mykel Andrada, Joi Barrios at Rolando B. Tolentino

Simula nang manungkulan si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, umaabot na sa halos 800 ang kaso ng mga pulitikal na pamamaslang sa bansa. Ayon pa sa KARAPATAN, isang alyansang nagsusulong ng karapatang pantao, simula 2001 hanggang Nobyembre 2006, humigit-kumulang 200 naman ang bilang ng desaparecidos o iyong mga biglang naglaho dahil sa pandurukot ng hinihinalang mga elemento rin ng militar at gobyerno. Ayon naman kay Purificacion Quisumbing, Tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR), ang limang-taong panunungkulan ni Arroyo ay nagluwal ng mas maraming kaso ng paglabag ng karapatang pantao kumpara sa 15-taong pinagsama-samang panunungkulan nina Corazon Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada. Nangangahulugan lamang na ang maikling administrasyon ni Arroyo ang mas pasistang rehimen, kasama na ang diktadurya ni Marcos, sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ang kasaysayan ng bansa ay kasaysayan ng protesta’t rebolusyon. Kasaysayan itong naiukit sa imahinasyong pampanitikan ng bansa. Mula sa tradisyong protesta ng Kilusang Propaganda noong panahon ng kolonyalismong Kastila sa bansa, sa rebolusyunaryong panulat ng Katipunan, sa dupluhan at balagtasan, sa panitikang andergrawnd, hanggang sa patuloy na pagyabong ng tradisyong radikal sa kasalukuyan. Ito ay kasaysayang isinulat at isinusulat. Ito ay kasaysayang isinasagawa. Sa ganitong lapit isinusulong ang ikaapat na serye ng Publikasyong Iglap, ang Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Pulitikal na Pandarahas. Ang koleksiyong ito ng mga tula at maikling kuwento ay tumutuligsa sa umiigting na paglabag ng administrasyong Arroyo sa karapatang-pantao, kabilang na ang tumataas pa ring bilang ng pulitikal na pamamaslang at dumaraming bilang ng desaparecidos.


Kasama itong ilulunsad ng Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings na inedit nina Rolando B. Tolentino at Sarah Raymundo at inilathala ng Contend-U.P. at Ibon Foundation.

Friday, November 10, 2006

SUBVERSO: NOV. 23, 2006

Ito ang tunay na kober ng publikasyong-iglap na pinamagatang SUBVERSO: MGA TULA AT KUWENTO LABAN SA PULITIKAL NA PANDARAHAS. Walang makakagawa ng ganitong kagandang kober sa loob ng ilang oras lamang kundi si TOM ESTRERA III. Tom, salamat po! Yung design sa ibaba, pang-teaser na lang yan. Puwede ring hindi, pang-arkibo na lang. Hehehehe.

Wednesday, November 08, 2006

SUBVERSO: Mga Tula at Kuwento Laban sa Politikal na Pandarahas

Draft design ng book cover ng publikasyong iglap ng CONTEND at ACT hinggil sa politikal na pamamaslang sa bansa sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Ang pamagat nito ay SUBVERSO: Mga Tula at Kuwento Laban sa Politikal na Pandarahas. Kung di keri for book cover itong ginawa ko, gagamitin ko na lang na teaser, hehehehe. Hinihintay ko pa ang designs nina Peye at Tom Estrera.

Watchathink? Parang masyadong simple, e. Hay.

Launching na nga pala nito sa November 23, 2006, kasabay ng KONTRA-GAHUM: Academics Against Political Killings na inedit nina Rolando B. Tolentino at Sarah Raymundo.

Leslie Cheung at Kim Ki-Duk

Wow! Kamukha ko raw sina Leslie Cheung at Kim Ki-Duk. Naku, pareho ka pa namang paborito ang dalawang ito. At ito pa ang maganda! Puro taga-Asya ang kamukha ko. Ang napili ko pala ay yung category na ALL kaya pati mga kamukha kong babae kasama sa collage kong ito. Daryl Valenzuela, kamukha ko raw ang favorite nating Korean direktor na si Kim Ki-Duk. Hahahaha! Ang alam ko naman, hindi si Leslie Cheung ang kamukha ko kundi si Tony Leung. Kunsabagay, pareho ko silang kamukha dahil sa aking Chinese (Macau) ancestry.