Paglulunsad-Aklat ng
Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Pulitikal na Pandarahas
Mykel Andrada, Joi Barrios at Rolando B. Tolentino
Mga Editor
Nobyembre 23, 2006 (Thursday), 2-5pm, Claro M. Recto Hall, Faculty Center, U.P. Diliman
Mga Manunulat at Artistang Nag-ambag:
Bayani S. Abadilla • Aurelio S. Agcaoili • Mila D. Aguilar • Rio Alma • Mark Angeles • Monico M. Atienza • Romulo P. Baquiran • Don Belardo • Herminio S. Beltran, Jr. • Kristoffer Berse • Ian Rosales Casocot • Dexter B. Cayanes • Piya Cruz Constantino • Gary Devilles • Iris Pagsanjan-Estrera • Tom Estrera III • Eugene Y. Evasco • Melecio Fabros • Jayson Fajarda • Edel E. Garcellano • German V. Gervacio • Genaro R. Gojo Cruz • Vladimeir B. Gonzales • Kenneth Roland Al. Guda • Lisa C. Ito • Estelito B. Jacob • Jose F. Lacaba • Bienvenido L. Lumbera • Cynthia Nograles Lumbera • Maricristh Magaling • Rogelio Ordoñez • Will P. Ortiz • Roselle V. Pineda • Axel Pinpin • Nonilon V. Queaño • Peye Rana • Alexander Martin Remollino • Elyrah Loyola Salanga • Romulo A. Sandoval • Ina Stuart Santiago • Lilia Quindoza Santiago • Soliman A. Santos • Prestoline Suyat • Tomasito T. Talledo • John Iremil E. Teodoro • Enrico C. Torralba • Renato O. Villanueva
Mula sa Introduksyon: Tereyn ng Panitikan at Pang-uring Tunggalian
Mykel Andrada, Joi Barrios at Rolando B. Tolentino
Simula nang manungkulan si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, umaabot na sa halos 800 ang kaso ng mga pulitikal na pamamaslang sa bansa. Ayon pa sa KARAPATAN, isang alyansang nagsusulong ng karapatang pantao, simula 2001 hanggang Nobyembre 2006, humigit-kumulang 200 naman ang bilang ng desaparecidos o iyong mga biglang naglaho dahil sa pandurukot ng hinihinalang mga elemento rin ng militar at gobyerno. Ayon naman kay Purificacion Quisumbing, Tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR), ang limang-taong panunungkulan ni Arroyo ay nagluwal ng mas maraming kaso ng paglabag ng karapatang pantao kumpara sa 15-taong pinagsama-samang panunungkulan nina Corazon Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada. Nangangahulugan lamang na ang maikling administrasyon ni Arroyo ang mas pasistang rehimen, kasama na ang diktadurya ni Marcos, sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ang kasaysayan ng bansa ay kasaysayan ng protesta’t rebolusyon. Kasaysayan itong naiukit sa imahinasyong pampanitikan ng bansa. Mula sa tradisyong protesta ng Kilusang Propaganda noong panahon ng kolonyalismong Kastila sa bansa, sa rebolusyunaryong panulat ng Katipunan, sa dupluhan at balagtasan, sa panitikang andergrawnd, hanggang sa patuloy na pagyabong ng tradisyong radikal sa kasalukuyan. Ito ay kasaysayang isinulat at isinusulat. Ito ay kasaysayang isinasagawa. Sa ganitong lapit isinusulong ang ikaapat na serye ng Publikasyong Iglap, ang Subverso: Mga Tula at Kuwento Laban sa Pulitikal na Pandarahas. Ang koleksiyong ito ng mga tula at maikling kuwento ay tumutuligsa sa umiigting na paglabag ng administrasyong Arroyo sa karapatang-pantao, kabilang na ang tumataas pa ring bilang ng pulitikal na pamamaslang at dumaraming bilang ng desaparecidos.
Kasama itong ilulunsad ng Kontra-Gahum: Academics Against Political Killings na inedit nina Rolando B. Tolentino at Sarah Raymundo at inilathala ng Contend-U.P. at Ibon Foundation.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home