Apartment sa Dapitan

Wednesday, November 29, 2006

Pasko, Paksiw! Wala lang.

Kakaiba ang Pasko sa Pilipinas. Dalawang buwan pa lang bago ang Disyembre, ngumangawa na ang mga radyo ng mga awiting Pampasko. Sabi nga ng marami, basta marinig mo na sa radyo ang “Christmas in Our Hearts” na inawit ni Jose Mari Chan, paparating na ang Pasko. Ilang dekada na nga ba ang kantang ito? Kahit na hindi ka naman fan ni Jose Mari Chan dahil nag-away sila noon ni Freddie Aguilar, alam mo ang lyrics ng nasabing kanta, kahit iyong unang mga linya lang nito ay tiyak kong alam n’yo:

“Whenever I see girls and boys

Selling lanterns on the street

I remember the child

In a manger as he sleeps

Whenever there are people

Giving gifts, exchanging cards,

I believe that Christmas is truly in our hearts…”

Sa Pilipinas lang ata nauunang ipinagdiriwang ang Pasko kaysa sa Undas. Bago pa lumitaw sa mga mall ang mga disenyong pang-Halloween, ang mga kandilang pantirik, ang mga maskara ng mga halimaw, pangil ni Drakula, at ang mala-spaghetti na buhok ng manananggal, ay kumukuti-kutitap na agad ang Christmas lights. Nag-iinat na ang mga candy cane, gumigiling-giling na si Santa Claus, tumatalon na ang mga usa ni Santa, at tumitingkayad na ang mga Christmas tree. Kaya tuloy maraming nagmumulto at minumulto tuwing Undas. Iyon ang tunay na dahilan ng mga kahintatakutan.

Sa totoo lang, pagkatapos na pagkatapos ng Undas, mararamdaman mo na agad ang Pasko. Sabi nga ng matatanda, “Naaamoy mo na sa hanging Pasko na!” Dadagdagan pa ito ng matatanda ng paulit-ulit na pagsasabing talaga namang ang mga buwang nagtatapos sa “ber” (September, October, November at December) ay may direktang koneksyon diumano sa klima sa Pilipinas. Basta pag tumungtong na ang Setyembre, simula na raw ng pagiging malamig sa Pilipinas. Pero siyempre ngayon, hindi na iyon totoo kasi nga “super init” sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagkabutas ng ozone layer. Pasalamatan natin ang mga smoke belcher at ang chlorofluorocarbons (CFCs) ng mga multinasyunal at transnasyunal na korporasyon! Congratulations sa polusyon!

Nung isang gabi lang, naglakad ako papunta sa palengke malapit sa amin. Ilang araw na lang bago mag-Disyembre ay nakapagtatakang inaagiw na ang mga parol. Parang maruming pula na ang kasuotan ni Santa Claus. Kasi naman, magdadalawang buwan na silang nakadisplay! May nagbebenta na rin ng kastanyas sa kalsada, katabi ng mga cotton candy na kulay pula at berde. Usong-uso na naman ang mga banig at hinabing mga basket na pinapalamutian ng maliliit na estrelya, mga binurdang anghel, mga makikinang na bola, at mga unanong duwendeng balot na balot ng makakapal na damit.

Pero alam n’yo ba kung ano ang pinakaaabangan ko tuwing sasapit ang Pasko? Ang pangangarolin ng mga bata, na minsan ay may kasama ring matatanda! Lagi akong naghahanda ng kending ipamimigay sa kanila. Kahit na lagi akong sinisimangutan ng mga nangangarolin dahil sa halip na barya ay pampabulok ng ngipin ang iniaabot ko, masaya pa rin ako. Mas okay na iyon kaysa sabihin nila akong barat. Sabi kasi ng nanay ng kaibigan ko, mas mabuti pang kendi ang ibigay sa bata kaysa pera. Kasi pag pera, baka ipambili lang nila ng sisinghuting rugby.

Sa maliit at mahirap na baranggay namin dito sa Santa Teresita, Sta. Mesa Heights, Quezon City, ang Pasko ay nasa kalsada. Lagi kong naaalala noong bata pa ako, kasama ko ang kapuwa ko marurungis na bata, sinusuyod ang mga kalsada para mangulit sa mga bahay-bahay. Naaalala ko rin ang mga kantang ipinama sa amin ng paglalaro sa kalsada. Nasa tono ng sikat na mga awiting pampasko, pero “kalsadang-kalsada” ang mga lyrics. Halimbawa, may kinakanta kami dati na nasa tono ng “Joy to the World”:

“Joy tumalon sa bintana

Nauna ang baba.

Medyas ng Ilokano,

Sapatos ng kabayo,

Balakubak ng kalbo,

Balakubak ng kalbo,

Gumamit, gumamit ng Rejoice shampoo!”

Ito’y mga kanta na alaala, na magpahanggang ngayon ay nakatatak sa akin.

Tuwing may kumakatok sa gate o tuwing may nagdo-doorbell, kahit gusto mong magtago dahil wala kang ipapakain sa mga bisitang namamasko, mahihiya kang hindi sila patuluyin. Kaya kahit tubig lang at minatamis na white beans ay okay na iyon sa mga bisitang kamag-anak, kamag-anak ng kamag-anak, kamag-anak ng kamag-anak ng kamag-anak, kaibigan, kaibigan ng kaaway, kaaway ng kaibigan ng kaaway, at kung sinu-sino pa. Kasi ang totoo naman, ang mahalaga ay ang kuwentuhan, pagtatayong-muli ng mga tulay, pagka-catch-up kumbaga sa mga panahong hindi nagkikita ang dapat magkita. Kaya masaya ang Pasko, kahit kapos.

Kaya kahit walang paksiw kapag Pasko, malalasahan mo naman ito sa isang tongue twister na sikat kahit hindi Pasko. Kun kaya sabihin natin nang walong ulit, sa pinakamabilis na pagsasalita, ang mga katagang “Pasko, Paksiw.” Kaya n’yo ba?

Maligayang Pasko sa inyong lahat at Manigong Bagong Taon!

2 Comments:

Post a Comment

<< Home