Apartment sa Dapitan

Monday, February 27, 2006

Tula Tungkol sa State of National Emergency

Emergency Room
(sa tono ng Pamela One)
ni Michael Francis C. Andrada

Doktora One
Utos ng Malakanyang
Doktora Two
Paulanan ng bato
Doktora Three
Mag-State of Emergency
Doktora Four
Ideploy ang mga Corps
Doktora Five
Hey! Jesus is still alive!
Doktora Six
Intelligence ay maniktik
Doktora Seven
Walang palulusutin
Doktora Eight
Proteksyunan ang State
Doktora Nine
Lahat dapat um-align
Doktora Ten
Ang tumutol, hulihin

Pasyente One
Masakit ang katawan
Pasyente Two
Puro bukol ang ulo
Pasyente Three
Puro putok ang labi
Pasyente Four
Balat ay na-diskolor
Pasyente Five
Masuwerte pa't alive
Pasyente Six
Binatuta ng pulis
Pasyente Seven
Rally ay uulitin
Pasyente Eight
Huwag kayong male-late
Pasyente Nine
Sa ating pag-a-align
Pasyente Ten
Estado'y dudurugin

Saturday, February 18, 2006

Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi Batid

Sinumang sumusubaybay sa Filipinized version ng Jewel in the Palace ay alam ang pamagat ng entry kong ito. Dahil ito ay buhat sa isang voice over na kanta tuwing may romantic moment itong sina Kapitan Jung Ho (tama ba ispeling) at Jang Geum (di ko alam kung tama ispeling). Nakakakilig talaga ang kanilang love story, at mas magugustuhan ito ng mga manonood na nakaka-relate sa underdog na motiff ng kuwento. Siyempre pa dahil kahit api-apihin itong si Jang Geum ay nakakagawa ng paraan para maibangon niya muli ang kaniyang dangal. Isa pa, laging naroon si Kapitan para ipagtanggol siya. Pero siyempre, ang tanong doon ay, may patriarchal notion ba ito? O ginagawa lang ni Kapitan ang lahat para i-save ang kaniyang mahal? O baka talagang manipis lang ang linyang naghihiwalay sa dalawa.

Pero kung susuriing mabuti, itong si Jang Geum ay hindi lang palagiang umaasa kay Kapitan. Sabi nga niya sa episode kagabi, parang ganito, "Wag ka nang bumalik sa Je Ju. Dito ka na lang sa Palasayo para tulungan ang pamahalaan." Sabi ni Kapitan, "Pero nangako ako sa yo na hindi kita iiwan at poprotektahan kita palagi.: Sagot ni babae: "Kahit hindi tayo magkasama, isipin ko lang na nariyan ka ay alam kong natutulungan mo na ako." Mayroong erudisyon ng kakayanang labanan ang mga pagsubok, at sa puntong ito, consummate ang relasyon nilang dalawa. Dahil habang ginagawa ni Kapitan ang lahat para tulungan si Jang Geum ay ginagawa naman ni Jang Geum ang lahat para tulungan ang kaniyang sarili at upang matulungan ang kaniyang Kapitan.

At dahil telenobela ito, alam ko namang ito'y fantasy lamang (kahit na hango raw diumano sa totoong buhay).

Saturday, February 11, 2006

Ang De-Ortopedikasyon ni Simon



Pagsakay niya sa Bapor Tabo, iba na ang kaniyang pagkatao. Iba na ang kaniyang pangalan: Simon.

Nagtataka siya kung bakit tagabenta na siya ng mga alahas. Bakit nasa isang kasuotang halos magpalapnos na sa kaniyang balat. Lalo na nang bumaba siya sa mas mababang palapag ng bapor kung saan parang maliliit na bulateng pulampula – iyong hinahango para ipakain sa mga tilapia – ang mga taong magkakahalo ang sangsang ng isda, anghit at tuyong laway at pawis ng ilang oras na biyahe sa dagat.

Ito ang mga naisip ni Jose habang sakay siya ng Super Ferry galing Bacolod at habang ngumangawa si Sharon Cuneta sa mga higanteng sound blaster ng barko. Kumuha siya ng bente pesos, tiningnan ang mukha ng dating pangulong halos ayaw ngumiti dahil ito ay nangangahel sa kulay. Isinaksak niya ang perang papel sa bunganga ng vending machine, pinindot ang isang maliit na parihabang may disenyo ng Diet Pepsi, at nangiming nangisay ang makina hanggang sa magsuka ng isang buong-buong lata ng softdrinks.

Kinanti niya ang parang susi sa bumbunan ng lata, pinitik-pitik ito bago tuluyang ikinawing ang kaniyang kaliwang hinlalato sa susi at hilahin ito pataas. Dumighay ang lata. Habang unti-unting humihina ang dighay ay inakala ni Jose na kusang tumalon ang lata mula sa kaniyang kaliwang kamao.

“I’m sorry, sir…”

Saglit na pumikit si Jose, dahan-dahang iniharap ang kaniyang mukha sa mukha ng nakabunggo sa kaniya, at sa aktong pagdilat niya ng kaniyang mga mata, nahagilap agad ng kaniyang paningin ang maamong titig ng crew na nakabunggo sa kaniya. Ngumiti si Jose. Ngumiti ang crew. Tinapik ni Jose sa balikat ang crew.

Isang lalaking naka-unipormeng tila pang-marino ang nakabundol kay Simon. Nagsuka ang maliit na latang pinamamahayan ng alak na ipinabaon sa kaniya ng kaniyang nobya mula sa Madrid. Saglit na pumikit si Simon, tinanggal niya ang kaniyang sumbrero, pinunasan ng kaniyang kaliwang hinlalato ang pawis na naipon sa pagitan ng kaniyang mga kilay. Pagdilat ni Simon, nahagilap agad ng kaniyang paningin ang maamong titig ng lalaking nakatabig sa kaniya. Tabig. Dahil ako’y bote ng alak sa isang bapor, sa loob-loob ni Simon. Maamo ang titig ng lalaki. Ngumiti si Simon. Lumabas ang dalawang biloy niya sa ilalim ng magkabilang dulo ng kaniyang ibabang labi.

“I’m sorry, again, sir…” Tiningnan ni Jose ang name tag ng crew. Nagtataka siya kung bakit sa eksaktong sandali na iyon, nagluwal ng mga butil ng pawis ang pagitan ng kaniyang mga kilay.

“Ipagpaumanhin po ninyo, ginoo. Ako po si Andres, handang maglingkod sa inyo.” Muling nagpamalas ng mga biloy si Simon. Tinapik niya sa balikat ang lalaking naka-unipormeng tila pang-marino.

“Okay lang, Andy,” ang sabi ni Jose. Nangyayari naman talaga ang mga ganung tagpo, sa loob-loob ni Jose. Buti’t ako ang nabunggo mo at hindi ang mamang iyon, bulong ni Jose sa sarili. Pinaluhod ng isang pasaherong lalaki ang isang lalaking crew para pulutin ang lata ng Coke na nahulog dahil nabunggo siya ng isang lalaking crew. Gusto sanang puntahan ni Jose para alamin ang mga pangalan ng pasahero at crew, pero biglang dumantay ang kaliwang palad ni Andy sa kaniyang likod. May naalala siyang isang saglit, sa Negros, nang bumili siya ng isang bote ng Jazz softdrinks sa isang maliit na tindahan sa Silay. May lalaking nagdantay ng kamay sa kaniyang likuran. Pakiramdam niya noon ay sinalat ang kaniyang baga.

Nahihiyang nginitian ni Andy si Jose. Biglang tumugtog ang isang kantang pumalit sa pagngangangawa ni Sharon Cuneta. Sa prelude ng awitin ay natiyak agad ni Jose na ito ay kanta ni Tina Paner, ang walang kamatayang “Tamis ng Unang Halik.”

Humahangos na umakyat si Simon sa pinakamataas na palapag ng bapor. Gusto niya ng sariwang hangin, tulad ng mga taong-bulate sa ibaba ng bapor. Makukulay na kabute ang naisip ni Simon nang makita niya ang isang kumpol ng kababaihang namamayong sa isang bahagi ng bapor. Mataas ang sikat ng araw. Pumuwesto sa isang di-mataong bahagi si Simon. Humiling siya sa dagat ng mga isdang lumilipad para sa mga kaliskis nito’y makita niya ang iluluwal na balangaw kapag hinaplos ng sinag ng araw.

Gustong sumagap ni Jose ng hanging maalat. Nagtungo siya sa mga sintetikong upuan sa may railings ng ikaapat na palapag ng barko. May flying fish kaya pag gabi? tanong ni Jose sa sarili.

Mykel. December 29, 2005. 5:17am.

Apat na Daga

1. Uncollegial.
2. Unprofessional.
3. Ilusyonado.
4. Malisyoso.

Nakahanda na ang Racumin. Magugulat ka na lang. Babalik sa 'yo ang lahat ng itinapon mo. Kakainin mo ang sarili mong bubonic plague.

Wednesday, February 08, 2006

Ilusyonado

Isa sa mga usapin tungkol sa Biopolitics o pulitika ng katawan ay ang konsepto ng projeksyon. Ang projeksyon, sa estetika ng dating (o aura), ay isang hinihirayang pagpapatingkad ng sariling katawan bilang isang demonstratibong erudisyon ng kaakuhan. Sa simpleng paliwanag, ito ang konseptwalisasyon ng sarili sa pamamagitan ng panlabas na kaanyuhan. Isang pagbubuo at pagpapakita ng sarili sa konteksto ng pagpapanatili ng kaniyang kaibahan o kawangisan sa isa o higit pang nilalang, persona, bagay o lugar. Samakatuwid, ito ang pagpapakitang-gilas ng katawan upang patampukin ang sariling damdamin, kaisipan, gawi, kilos at mga nakasanayan.

Magandang halimbawa nito ang Judeo-Kristiyanong pagturing sa katawan ng isang tao bilang "Templo ng Banal na Espirito Santo." Dahil sa pagkonseptwalisa ng ideolihiyang pangrelihiyon na ito sa katawan ng isang nilalang, may internalisasyon ang isang kapisan ng naturang relihiyon na ang kaniyang katawan ay dapat na maging sagrado. Operatibong termino ang sagrado, sapagkat inaakalang banal ang nananahan sa loob ng katawan ng tao, lahat ng ikikilos, iisipin at daramdamin ng tao ay dapat maging repleksyon ng kaniyang saloobing sagrado't banal.

Sa teorya ng sikolohikal na pag-iiba (o "othering") ni Jacques Lacan, sininsin niya ang pahayag bilang pagpapanatili ng "Sarili" sa pamamagitan ng pagbubukod sa "Iba." Halimbawa itong si Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Housemate na "Fashionista." Aminado si Bb. Fashionista na maituturing siyang mayroong Attention Deficiency Human Disorder (ADHD) o mas kilala bilang Kulang sa Pansin (KSP). Para mapanatili niya ang kaniyang kaakuhan o identidad, kailangan niyang ibahin ang ibang tao sa pamamagitan ng pagpapanaig ng kaniyang kaakuhan. Pipiliin niyang lumikha at magsuot ng sariling mga damit niya, na pawang hindi-ordinaryo. Sa halip na mag-plain t-shirt lamang sa loob ng bahay ni Kuya, magsusuot siya ng bestida na gawa sa stockings. Habang ang dating ng kaniyang pagiging eksentriko sa pananamit ay mababasa ng "ordinaryong" tao bilang "labas sa ordinaryo" (na hindi naman laging nangangahulugang ekstra-ordinaryo, kundi minsan ay "malabo sa kategorya ng ordinaryo"), maaaring basahin na pinananatili niyang ordinaryo ang ibang tao upang mapanatili ang pagiging labas niya sa ordinaryo. Kapag mayroong gumaya sa bihis ni Bb. Fashionista, agad siyang magpapalit ng kasuotan upang ang pagsasaordinaryo ng kaniyang likha ay matabunan ng kaniyang pagpapatingkad ng bagong "labas sa ordinaryo."

Samakatuwid, ang ganitong mga hakbang ay isang pagpapatambad ng kaakuhan sa pamamagitan ng pagpapanatiling "iba" ang ordinaryo sa kaniyang "sarili." Hindi lamang maaaring mahinuha ito sa larangan ng pananamit, kundi mismo sa halos lahat ng larangang pangkultura, pang-ekonomiya at pampulitika. Maging pangkasaysayan. Maging pampanitikan. Sapagkat ang katawan ay isang amalgam at konglomerasyon ng lahat ng posibleng kultural, ekonomik, pulitikal, historikal at literaring erudisyon ng kaalaman, nagiging isang heyograpiya ng kaalaman ang katawan ng tao.

Sa puntong ito, marapat na saludsurin ang pormulasyon ng bodypolitics bilang isang asersyong pang-identidad. Ang punto ay ito: mayroon akong kilala, huwag nang sabihin o alamin pa kung ilang taon na siya, hindi na rin mahalaga kung may hitsura o wala, kung matangkad o maliit, payat o mataba, may salamin o wala, mahaba ang buhok o hindi, nagsha-shampoo o hindi. Sapagkat ang pinakamahalaga sa puntong ito ay kung itong taong ito ay mayroong bigote o wala.

Bakit?

Para sa taong ito, kailangang limiin ang ideolohiya sa likod ng pagkakaroon o kawalan ng bigote. Karaniwan nang mapapansin na ang pagtingin sa lalaking mayroong bigote ay matinik sa babae. Maaari rin namang kasing may tinatago siyang "mimi" o "mimiyak" (may biyak) sa balat sa pagitan ng ilalim ng ilong at ibabaw ng pang-ibabaw na labi. Pinakukubabawan ba sa bigote ang naturang bahagi ng balat sa mukha upang maglihim, o upang magpatalos. Maaaring ang unang pagpipilian. Maaari rin naman ang ikalawa. Pero mayroon pang ikatlo. Ang bigotilyo ba'y nakaangkla sa konseptong heterosexista pagdating sa maskuliniti o pagkalalaki?

O isa lamang itong paraan ng pagpapamukha ng isang makapal na mukha? Ng isang sexista't pyudal na pagpapahiwatig ng pagiging Ilusyunado.

Bakit uli?

Sapagkat walang katotohanan na habulin siya ng babae. Isang matanda't mahinang tangkay ng puno. Isang mabuway na tangkay, na sa pagkakakapit sa puno, ang bawat pag-ihip ng hangin ay pangamba ng pagkahulog. Mas mabuti pa kung magpatihulog na lamang, isang kusang pagbibigay, o pagpapaluwal. Tulad ng pagbitaw nito sa kinakapitan upang sa mahabang biyahe ng pagpapakatanda ng tangkay sa sanga ng puno, ang realisasyon sa dulo ay laging totoo ngunit mabigat.

Lalagapak sa lupa, dadaganan ang mga nauna nang nagpatihulog na mga dahon, bunga, tangkay at sana. Upang sa dulo ng naratibo, iisa lang naman ang punto ng kaniyang kairalan. Ang pagsisisi ay laging sa huli. At ang pagbagsak ay isang penomenong pangkalikasan.

Katulad ng ilusyon, isang makapangyarihang lalang ng utak (o kawalan ng matinong utak), na ang pundasyon ay laway na napapanis sa mga dulo ng hibla ng bigoteng-higad.

Saturday, February 04, 2006

Nasa GMA-7 na ang Wowowee!

Nagising ako kanina, alas-nuwebe ng umaga, pinahid ko ang aking panis na laway, kinusot ang mga mata, pinatay ang mga electric fan, binuksan ang TV, at paglipat ko sa Channel 2 ay nagsasalita na si Julius Babao. Nang mga panahong iyon, nasa 50 pa lang ang tinatayang namatay dahil sa stampede sa Ultra kung saan dapat ay gaganapin ng unang anibersaryo ng Wowowee.

Ayoko mang maging mapanghusga agad at ayoko mang sisihin agad ang Lopezes sa pang-uuto sa napakaraming taong naroroon sa labas ng Ultra ay hindi pinatakas ng utak ko na isipin ang mga ito: na ang puno't dulo lang naman talaga ng trahedyang ito ay ang kahirapan sa bansa at ang pagkasangkapan ng mga monopolyo-kapitalista at burgesya-kumprador sa ideya ng "pagtulong sa kapwa at sa mas mahihirap" bilang lunsaran ng kanilang pagkakamal ng super-tubo o kita.

Sa bawat taong pumipila sa labas ng compound ng ABS-CBN ay maririnig ang iba't ibang kuwento ng kahirapan. Ito ring mga sentimiyento ng araw-araw na personal na trahedya ng mahihirap na parokyano ng Wowowee ang siyang kapital o investment ng mga media mogul ng ABS-CBN. Bilang binabayarang empleyado ng ABS-CBN, si Willie Revillame ay isang lider sa mata ng manonood at parokyano, isang bagong propeta na hatid ay pangako ng ginhawa o pagkaibsan kahit ng kaunting danas ng kahirapan.

Habang naka-phone patch si Willie Revillame sa News Patrol ng ABS-CBN, at habang iniinterbyu siya ni Julius Babao, ay mapapansin ang pangangaralgal ng kaniyang tinig. Paulit-ulit niyang sinasabi na hindi siya makapaniwala sa nangyari sa labas ng Ultra. Kasunod agad nito ay ang mga kataga na tila matutunghayan lagi sa mga depensibong tagapagtatag o kabahagi ng isang kapitalista o korporatista: ANG TANGING NAIS LANG NG PROGRAMA AY MAKATULONG SA KAPWA.

Hindi man sila sinisisi ay kailangang maging depensibo na agad ng host na si Willie at ng mismong management ng ABS-CBN. Sa paulit-ulit na pagpapalabas ng mga press conference ng ABS-CBN Management, paulit-ulit ring maririnig ang pagsambit ni Charo Santos, isang executive ng Dos, na hindi nila inaasahan na magkaroon ng isang trahedya mula sa isang programang nagnanais na makatulong sa mahihirap. Hindi itinuloy ang pagdiriwang ng unang anibersaryo ng Wowowee. Sa mga panayam na ginawa ni Julius Babao, at maging sa press conference, ay tila idinidiin ng Dos na ang sanhi ng kaguluhan ay isang prankster na sumigaw ng Bomba! kaya nagkaguluhan ang mga tao, ergo stampede, ergo kamatayan at kasugatan, at ang itinuturo pang mas dahilan ng pagpupumilit na makapasok sa Ultra ay ang tsansang manalo ng premyong P1 milyon. Agad ding ipapaalala ni Julius Babao na sinabihan daw ng Wowowee ang mga tao na hindi nila kailangang pumunta lahat sa Ultra para manalo ng P1 milyon dahil mayroong katumbas na pagkakataon kahit nasa mga tahanan lamang ang mga parokyano. Na kung babasahin nating maigi ay isang paraan rin ng pagsasabi ng "Bakit ba kasi nagpupumilit kayong lahat na pumunta sa Ultra?" o di kaya'y "Andami kasing sumusuporta sa Wowowee."

Malalaman ko mga alas-onse ng umaga mula sa telebisyon sa lobby ng Laboratory Section ng UDMC, habang kinukuha ng nanay ko ang blood sugar test result niya, na umabot na sa 60 ang bangkay sa labas ng Ultra at lagpas 200 tao ang nasugatan. Malalaman ko rin mga pasado alas-dose ng tanghali sa pababa sa isang elevator sa Philippine Heart Center, matapos magpa-monthly check-up ang nanay ko para sa kaniyang blood sugar at blood pressure, na ang isang sanhing nakikita kung bakit nag-uunahan at nagpupumilit ang mga tao na makapasok agad sa Ultra ay dahil ang unang 300 kataong makakapasok sa Ultra ay magkakaroon agad ng awtomatikong P20,000. Ang bumabangka ng kuwento ay ang mismong babaeng nag-o-operate ng elevator.

Mula sa ikaapat na palapag ng gusali ng Philippine Heart Center ay bumaba sa ikatlong palapag ang elevator, at parang nahihirapang sumara ang pinto ng elevator. Pagdating namin sa ikalawang palapag, bumukas ang pinto ng elevator, mayroong babaeng sumakay, tapos antagal nang nakabukas ng pinto at pindot na ng pindot ang babaeng operator ay ayaw pa ring sumara ng pinto. Biglang nahinto sa huntahang Wowowee ang mga tao, maging ang lolang naka-wheel chair na kasabay namin na sinisisi pa ang mga iskwater na atat sa pera. Ayaw sumara ng pinto. At halos mag-unahan na ang mga tao sa paglabas mula sa elevator. Buti't hindi nagkaroon ng mini-stampede.


Nagtext si Sophia Crappola na ang kupal daw ng ABS-CBN dahil kahit ang binabasa ni Karen Davila hinggil sa Wowowee Stampede ay isang script na ibinaba ng ABS-CBN Management. Nagtext din si Chari Lucero na ang galing daw umarte ni Charo Santos sa pagbibigay ng pahayag hinggil sa Stampede. Pinuna ni Chari Lucero ang iba't ibang maaaring pag-arte ng paggalaw ng kilay ni Charo Santos. Tinawag pa nga niya itong semiotic of the eyebrows.

Idinagdag ni Sophia Crappola sa text na ibinalita raw sa BBC ang Wowowee Stampede. Sa ibang bansa, ang balita ay lagpas sa 90 ang nangapagsimatayan sa stampede. Nung ipinapaliwanag raw ng reporter ng BBC kung ano ang Wowowee ay natatawa at pinagtatawanan niya ang konsepto ng Wowowee.

Nagtext din si Chari Lucero ng isang tila forwarded message hinggil sa stampede. Ani sa text na ayoko ng sisihan kung sino ang at fault... ang dapat daw sisihin ay si Pekeng Pang. GMA. Mwahahaha!

Humabol ng text ang estudyante kong si Jessel Nicerio: ipagdasal daw natin ang mga nabiktima ng stampede. At ang dulo ng text ay PLS. PASS.

Kasabay ng pagbabalita ng ABS-CBN, na tila minu-minutong pag-a-update tungkol sa mga nabiktima ng stampede, ay ang coverage ng GMA-7, ang kilalang rival network. Sinabi rin ng ABS-CBN Management sa press conference na may anggulo silang nakikita sa stampede na ito ay isang demolition job ng ibang network at kumpanya.

Hintayin natin kung maglalabas ang ABS-CBN at GMA-7 ng viewer ratings ng kanilang mga coverage ng stampede. Sino kaya ang maglalabas ng tally / rating? Sino kaya ang magsasabing "Salamat po, Kap... sa inyong pagsuporta. No. 1 kami sa inyo. Mas marami ang nanood sa aming coverage ng Wowowee Stampede. MARAMING, MARAMING SALAMAT PO, KAP..."

Friday, February 03, 2006

Stalking the Diarist-Blogger

Isinulat ni Resil Mojares sa kaniyang sanaysay the "Stalking the Virgin" ang isang epistemolohikal na pagmapa sa kultural at historikal na pagsulpot ng Mahal na Birhen sa Pilipinas noong panahon ng pananakop na Kastila. Idiniskurso niya sa kaniyang sanaysay na parang himalang natatagpuan ng mga indio ang iba't ibang estatwa ni Birheng Maria sa mga lugar tulad ng kuweba (na dating locus ng pagsamba ng mga prekolonyal na mamamayan) o di kaya'y nalalambat ng mga mangingisda kasama ang kanilang aning-isda. Sa pag-aaral ni Mojares, sisipatin niya na ang mga "mirakulosong" pagsulpot ng mga estatwa ng Birheng Maria ay sa katunayan implantasyon ng mga kolonisador, upang palitawin na bago pa man dumaong ang mga Kastila sa Pilipinas upang ituro ang Katolisismo at upang sakupin ang bansa-estado ay buhay na sa Pilipinas ang Marianismo at Katolisismo.


Isa itong malinaw na paghalukay sa isang uri ng epistemolohikal na karahasang ikinubabaw ng mga kolonisador sa mga sinaunang Filipino. Kasama nito ang ideolohikal na reformasyon ng conquistador sa kaniyang kolonyal na subheto. Sa puntong ito, dalawang klase ng "stalking" ang maaaring basahin sa ginawa ni Mojares. Una, ang stalking bilang implantasyon -- ibig sabihin, tila tinuturuan ang mga sinaunang Filipino na mang-i-stalk upang magmistulang tunay na buhay ang Kristiyanismo sa Pilipinas maging noong panahong pre-kolonyal. At ikalawa, ang stalking bilang isang paraan ng pagpapalitaw ng isa o maraming uri ng katotohanan -- o sa madaling salita ay imbestigasyon.

Ngunit sa puntong ito ngayon, nais kong magdagdag ng isa pang depinisyon ng "stalking." Ang stalking bilang isang operasyon ng malisya. Bago ko puntuhin ang stalking bilang gawaing-malisyoso, subukan muna nating bigyang-kahulugan kung ano ang katawagan sa isang nilalang (kung maituturing pa nga siyang nilalang) na gumagampan ng ikatlong depinisyon ng "stalking." STALKER o TIKTIK o BUBUWIT ang tawag sa isang taong umaali-aligid upang sundan at alamin ang lahat ng ginagawa ng isa pang tao (pero maaari ring multiple person ang kaniyang sinusundan). Maaari ring mangalap ng impormasyon ang tiktik hinggil sa kaniyang obheto ng paniniktik. Maaari ring nangangalap siya o di kaya'y nagmamatiyag sa kahit na anuman o sinumang may relasyon sa kaniyang obheto.

Ngunit, ang isang stalker ay maaaring maging isa lamang sa dalawang klase ng stalker: fanatiko o sira-tiko. Kapag fanatiko ang isang stalker, nangangahulugan iyon na sinusubaybayan niya ang kaniyang "idolo" o hinahangaan bilang isang paraan ng pagpapahayag ng kaniyang fanatisisimo at fantasiya. Ang ganitong uri ng stalker ay kadalasang dumadalo sa lahat ng okasyon na naroon ang kaniyang idolo, o di kaya'y palagiang tsinetsek ang friendster ng kaniyang tinitiktikan, o di kaya'y pinupuntahan ang mga lugar at nakikibalita at nakikiusyoso sa mga taong maaaring nakakabit o nakakaugnayan ng kaniyang obheto. May mga fanatiko na pati plastik na basong pinag-inuman ng kaniyang idolo ay kinukuha bilang memento. May mga fanatiko na nagtatago sa likod ng ibang pangalan upang mag-iwan ng mensahe sa comments box ng blog ng kaniyang idolo. Mayroon namang mga fanatiko lumilikha ng email account o friendster account o di kaya'y bumibili ng bagong SIM card, para ang mga ito ang maging paraan niya ng pagpapaabot ng nararamdaman sa kaniyang idolo, nang hindi siya mabubuking ng kaniyang idolo. Pero may mga fanatiko rin na harap-harapan at lantad na lantad ang pagpapakita ng fanatisismo. Kadalasan sila ang nakikilala ng kanilang idolo.

Ang ikalawang tipo naman ng stalker ay iyong sira-tiko. Siya ang klase ng stalker na nagmamanman upang makakuha ng kahit na anumang impormasyon hinggil sa kaniyang obheto ng galit o asar o pikon o anumang negatibong erudisyon ng damdamin. Kadalasan, ang ganitong klase ng tiktik o bubuwit ay tunay namang mga chuwariwap -- nakatali sa isa pang mas malaking sira-tiko at/o sa isa pang mas histerikal na dimunitivo ng kasamaan. Ang ganitong klase ng stalker ay gumagamit ng mga impormasyon hinggil sa kaniyang kaaway upang siraan ang huli sa mga kaibigan at kakilala niya. Kadalasan ring tinatawag na "pet hate" ang taong pinag-uukulan ng pagmamanman o paniniktik ng isang sira-tiko. Gagawin ng sira-tiko ang lahat ng paraan para makakalap ng impormasyon hinggil sa kaniyang pet hate -- at gagamitin niya ang mga impormasyong ito para sa mga sumusunod na layunin niya:

1. magkalat ng malisyosong impormasyon o mas akmang tawaging mis-impormasyon, tulad diumano na inutusan raw ng isang organisasyon o kilusang lihim ang isang batang manunulat upang sirain ang isang bagong-tatag na organisasyon ng mga manunulat

2. mag-twist ng pahayag na nakuha mula sa text o e-mail o blog nang hindi nakalagay sa buong konteksto -- sa pagsusulat, ang tawag dito ay intentional fallacy o perverse manipulation

Sa dialektika at praxis sa blogging, mayroong sinusunod na pamantayan ang isang blogger. Una, kailangan niyang pagdesisyunan kung nais niyang gawing "public" o "private" ang istatus ng kaniyang blog. Ibig sabihin, kapag may bagong naisulat o may bagong entry ang isang blogger, kung pinili niyang maging pampubliko ang kaniyang mga posting ay bibigyan ng notice ng kaniyang server ang iba pang bloggers. Sa kaso ko, pribado ang aking blog. Dahil isa itong blog kong ito sa itinuturing kong pribadong mundo. Marami akong blog. Mayroon akong public blog, tulad ng aking Friendster Blog. Mayroong akong literary blog. Mayroon akong class blogs o collective blogs ng aking mga klase sa Pan Pil 17. Mayroon akong abandoned blogs. At maraming-marami pang blogs.

Ikalawa, dahil pribado ang isang blog, mas atat ang isang "lurker" o intruder na mahagilap ang naturang blog. Kung kaya hindi ito inaadvertise. Maaaring gawin ng isang pribadong diarista o blogger na sabihin sa kaniyang mga trusted na kaibigan sa isang virtual community (blog community) ang existence ng kaniyang blog.

Ikatlo, opinyon ng isang blogger, pampribado man o pampubliko ang blog, ang nilalaman ng kaniyang blog. Sa pribadong espasyo, walang monolitiko-monolitiko. Walang estado-estado. Walang pyudal-pyudal. Kaya nga pribadong espasyo, kung saan ang tao, ayon kay Michel Foucault, ay humuhulma ng sarili niyang kapangyarihan.

Pero hindi maiiwasang may lurker o intruder, laluna yung malisyoso, laluna yung sira-tiko. Kaya mag-ingat laluna dito sa isang salaulang thundercat-lurker-intruder ng aking blog. Dahil laluna't personal na opinyon ng isang blogger ang nilalaman ng kaniyang pribadong blog ay maaaring kasangkapanin ng isang thundercat-lurker-intruder ang nilalaman ng pribadong blog para manira, maghasik ng lagim, at higit sa lahat ay magpakasipsip para sa personal na ganansiya tulad ng promosyon, pananatili sa trabaho, pananalo sa isang "prestigious literary contest," at kung anu-ano pang pabor ng pyudalismo at paternalismo. Kung masamang tao lang ako ay siguro isinumbong ko na siya sa kinauukulan hinggil sa mga kaso niya ng sexual harassment sa UP, sa probinsiya, sa News Desk, at marami pang iba. Bakit ba kasi nagkakataong ang mga kakilala't kaibigan ko pa ang nakaranas ng pambabastos at sexual inuendo mula sa kaniya. O well, buti na lang hindi ako masama at malisyoso.

Mayroong malisyosong intensyon itong stalker-na-thundercat-na-lurker-intruder na ito laban sa akin, malinaw na malinaw. Buti na lang at mayroon akong intruder alert. Mwahahaha! Alam ko kung anong unit pa ang ginamit sa pagsurf. Hahahaha! Pero huwag nang patulan pa ang nasabing nilalang (kung maituturing pa siyang nilalang). Kasi, kawawa naman. Ang tanging alay ko na lang sa kaniya ay ang kantang "Desperado" ng The Carpenters.

Samakatuwid, may blog rule offenders. Ang sinumang nilalang na pumapasok sa isang pribadong blog nang hindi imbitado ay tinatawag na lurker o intruder, kaya nga kadalasang may intruder alert ang isang blog, kung kaya nalalaman niya kung sino ang bumibisita sa kaniyang blog. Sa kaso ko, bukod sa intruder alert na gaheto ko dito sa aking PRIBADONG BLOG ay mayroong nagkumpirma sa akin hinggil sa identidad ng naturang lurker-intruder na thundercat.

Ang ganitong klase ng paniniktik at "pananambang" ay isang malaking kahangalan -- at isang desperado't hungkag na paraan ng malisyosong pangsasalaula.

Sabi nga ng kaklase ko dati noong taong 2000 sa Philo 1, "Nasa kama ka na, magpapakasahig ka pa."

Sabi rin ng nanay at ng tatay ko: "Matandang walang pinagkatandaan."

Sabi pa ng isang kilalang kritiko't manunulat patungkol sa thundercat: "Wala siyang magawa sa buhay niya, ano?"

Sabi pa ng isang kilalang kritiko’t manunulat na mas nakababata patungkol sa lurker-intruder na thundercat: “Deadma ka na lang sa kaniya! Fossil na yan!”

Sabi ko naman: "True."

Wednesday, February 01, 2006

Pusong Pumupusag sa Pebrero

Ang Tesis at Ang Anti-Tesis
Michael Francis C. Andrada


Sa isang malayong pook,
Ang lahat, nagagalapok.
Tulad halimbawa nitong puso,
Isang mabining kamao,
Pulampula sa pagkakalukob
Ng buto’t balat bilang lamanloob.


Ang lahat, nagagalapok
Sa isang malayong pook.
Tulad halimbawa nitong labi,
Isang manipis na hiblang pansulsi
Sa bibig mong hinahawan
Ng hikayat ng pananambitan.

Sa isang malayong pook,
Ang lahat, nagagalapok.
Tulad nitong matang-manok
Na kung kumindat ay patilaok
Habang binibilang ang sulok
Sa loob ng masikip na palayok.


Ang lahat, nagagalapok
Sa bawat himas-pukpok.
Tulad ng timbulang tanong
Ng isang nanaog paroon:
Ngayong bilang mo na ang sulok,
Nasaan ang malayong pook?


* * *

Ang Sintesis
Michael Francis C. Andrada

Sa intensidad ng intensyon
Madudungkal ang ubod
At buod nitong pagtatagpo.

Sa simula’y nagsalubong
Sa isang marubdob na tablahan
Ang mala-Talion na batas ng noo-sa-noo.

Sa kalagitnaa’y lumundo
Ang likod, lumaylay ang dibdib,
tumagibang ang buto.

Sa huli, bumalik sa apat
Ang mga binti’t paa:
Ang lupa ay tumihayang langit.


# # #