Apartment sa Dapitan

Wednesday, February 08, 2006

Ilusyonado

Isa sa mga usapin tungkol sa Biopolitics o pulitika ng katawan ay ang konsepto ng projeksyon. Ang projeksyon, sa estetika ng dating (o aura), ay isang hinihirayang pagpapatingkad ng sariling katawan bilang isang demonstratibong erudisyon ng kaakuhan. Sa simpleng paliwanag, ito ang konseptwalisasyon ng sarili sa pamamagitan ng panlabas na kaanyuhan. Isang pagbubuo at pagpapakita ng sarili sa konteksto ng pagpapanatili ng kaniyang kaibahan o kawangisan sa isa o higit pang nilalang, persona, bagay o lugar. Samakatuwid, ito ang pagpapakitang-gilas ng katawan upang patampukin ang sariling damdamin, kaisipan, gawi, kilos at mga nakasanayan.

Magandang halimbawa nito ang Judeo-Kristiyanong pagturing sa katawan ng isang tao bilang "Templo ng Banal na Espirito Santo." Dahil sa pagkonseptwalisa ng ideolihiyang pangrelihiyon na ito sa katawan ng isang nilalang, may internalisasyon ang isang kapisan ng naturang relihiyon na ang kaniyang katawan ay dapat na maging sagrado. Operatibong termino ang sagrado, sapagkat inaakalang banal ang nananahan sa loob ng katawan ng tao, lahat ng ikikilos, iisipin at daramdamin ng tao ay dapat maging repleksyon ng kaniyang saloobing sagrado't banal.

Sa teorya ng sikolohikal na pag-iiba (o "othering") ni Jacques Lacan, sininsin niya ang pahayag bilang pagpapanatili ng "Sarili" sa pamamagitan ng pagbubukod sa "Iba." Halimbawa itong si Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Housemate na "Fashionista." Aminado si Bb. Fashionista na maituturing siyang mayroong Attention Deficiency Human Disorder (ADHD) o mas kilala bilang Kulang sa Pansin (KSP). Para mapanatili niya ang kaniyang kaakuhan o identidad, kailangan niyang ibahin ang ibang tao sa pamamagitan ng pagpapanaig ng kaniyang kaakuhan. Pipiliin niyang lumikha at magsuot ng sariling mga damit niya, na pawang hindi-ordinaryo. Sa halip na mag-plain t-shirt lamang sa loob ng bahay ni Kuya, magsusuot siya ng bestida na gawa sa stockings. Habang ang dating ng kaniyang pagiging eksentriko sa pananamit ay mababasa ng "ordinaryong" tao bilang "labas sa ordinaryo" (na hindi naman laging nangangahulugang ekstra-ordinaryo, kundi minsan ay "malabo sa kategorya ng ordinaryo"), maaaring basahin na pinananatili niyang ordinaryo ang ibang tao upang mapanatili ang pagiging labas niya sa ordinaryo. Kapag mayroong gumaya sa bihis ni Bb. Fashionista, agad siyang magpapalit ng kasuotan upang ang pagsasaordinaryo ng kaniyang likha ay matabunan ng kaniyang pagpapatingkad ng bagong "labas sa ordinaryo."

Samakatuwid, ang ganitong mga hakbang ay isang pagpapatambad ng kaakuhan sa pamamagitan ng pagpapanatiling "iba" ang ordinaryo sa kaniyang "sarili." Hindi lamang maaaring mahinuha ito sa larangan ng pananamit, kundi mismo sa halos lahat ng larangang pangkultura, pang-ekonomiya at pampulitika. Maging pangkasaysayan. Maging pampanitikan. Sapagkat ang katawan ay isang amalgam at konglomerasyon ng lahat ng posibleng kultural, ekonomik, pulitikal, historikal at literaring erudisyon ng kaalaman, nagiging isang heyograpiya ng kaalaman ang katawan ng tao.

Sa puntong ito, marapat na saludsurin ang pormulasyon ng bodypolitics bilang isang asersyong pang-identidad. Ang punto ay ito: mayroon akong kilala, huwag nang sabihin o alamin pa kung ilang taon na siya, hindi na rin mahalaga kung may hitsura o wala, kung matangkad o maliit, payat o mataba, may salamin o wala, mahaba ang buhok o hindi, nagsha-shampoo o hindi. Sapagkat ang pinakamahalaga sa puntong ito ay kung itong taong ito ay mayroong bigote o wala.

Bakit?

Para sa taong ito, kailangang limiin ang ideolohiya sa likod ng pagkakaroon o kawalan ng bigote. Karaniwan nang mapapansin na ang pagtingin sa lalaking mayroong bigote ay matinik sa babae. Maaari rin namang kasing may tinatago siyang "mimi" o "mimiyak" (may biyak) sa balat sa pagitan ng ilalim ng ilong at ibabaw ng pang-ibabaw na labi. Pinakukubabawan ba sa bigote ang naturang bahagi ng balat sa mukha upang maglihim, o upang magpatalos. Maaaring ang unang pagpipilian. Maaari rin naman ang ikalawa. Pero mayroon pang ikatlo. Ang bigotilyo ba'y nakaangkla sa konseptong heterosexista pagdating sa maskuliniti o pagkalalaki?

O isa lamang itong paraan ng pagpapamukha ng isang makapal na mukha? Ng isang sexista't pyudal na pagpapahiwatig ng pagiging Ilusyunado.

Bakit uli?

Sapagkat walang katotohanan na habulin siya ng babae. Isang matanda't mahinang tangkay ng puno. Isang mabuway na tangkay, na sa pagkakakapit sa puno, ang bawat pag-ihip ng hangin ay pangamba ng pagkahulog. Mas mabuti pa kung magpatihulog na lamang, isang kusang pagbibigay, o pagpapaluwal. Tulad ng pagbitaw nito sa kinakapitan upang sa mahabang biyahe ng pagpapakatanda ng tangkay sa sanga ng puno, ang realisasyon sa dulo ay laging totoo ngunit mabigat.

Lalagapak sa lupa, dadaganan ang mga nauna nang nagpatihulog na mga dahon, bunga, tangkay at sana. Upang sa dulo ng naratibo, iisa lang naman ang punto ng kaniyang kairalan. Ang pagsisisi ay laging sa huli. At ang pagbagsak ay isang penomenong pangkalikasan.

Katulad ng ilusyon, isang makapangyarihang lalang ng utak (o kawalan ng matinong utak), na ang pundasyon ay laway na napapanis sa mga dulo ng hibla ng bigoteng-higad.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home