Apartment sa Dapitan

Saturday, February 11, 2006

Ang De-Ortopedikasyon ni Simon



Pagsakay niya sa Bapor Tabo, iba na ang kaniyang pagkatao. Iba na ang kaniyang pangalan: Simon.

Nagtataka siya kung bakit tagabenta na siya ng mga alahas. Bakit nasa isang kasuotang halos magpalapnos na sa kaniyang balat. Lalo na nang bumaba siya sa mas mababang palapag ng bapor kung saan parang maliliit na bulateng pulampula – iyong hinahango para ipakain sa mga tilapia – ang mga taong magkakahalo ang sangsang ng isda, anghit at tuyong laway at pawis ng ilang oras na biyahe sa dagat.

Ito ang mga naisip ni Jose habang sakay siya ng Super Ferry galing Bacolod at habang ngumangawa si Sharon Cuneta sa mga higanteng sound blaster ng barko. Kumuha siya ng bente pesos, tiningnan ang mukha ng dating pangulong halos ayaw ngumiti dahil ito ay nangangahel sa kulay. Isinaksak niya ang perang papel sa bunganga ng vending machine, pinindot ang isang maliit na parihabang may disenyo ng Diet Pepsi, at nangiming nangisay ang makina hanggang sa magsuka ng isang buong-buong lata ng softdrinks.

Kinanti niya ang parang susi sa bumbunan ng lata, pinitik-pitik ito bago tuluyang ikinawing ang kaniyang kaliwang hinlalato sa susi at hilahin ito pataas. Dumighay ang lata. Habang unti-unting humihina ang dighay ay inakala ni Jose na kusang tumalon ang lata mula sa kaniyang kaliwang kamao.

“I’m sorry, sir…”

Saglit na pumikit si Jose, dahan-dahang iniharap ang kaniyang mukha sa mukha ng nakabunggo sa kaniya, at sa aktong pagdilat niya ng kaniyang mga mata, nahagilap agad ng kaniyang paningin ang maamong titig ng crew na nakabunggo sa kaniya. Ngumiti si Jose. Ngumiti ang crew. Tinapik ni Jose sa balikat ang crew.

Isang lalaking naka-unipormeng tila pang-marino ang nakabundol kay Simon. Nagsuka ang maliit na latang pinamamahayan ng alak na ipinabaon sa kaniya ng kaniyang nobya mula sa Madrid. Saglit na pumikit si Simon, tinanggal niya ang kaniyang sumbrero, pinunasan ng kaniyang kaliwang hinlalato ang pawis na naipon sa pagitan ng kaniyang mga kilay. Pagdilat ni Simon, nahagilap agad ng kaniyang paningin ang maamong titig ng lalaking nakatabig sa kaniya. Tabig. Dahil ako’y bote ng alak sa isang bapor, sa loob-loob ni Simon. Maamo ang titig ng lalaki. Ngumiti si Simon. Lumabas ang dalawang biloy niya sa ilalim ng magkabilang dulo ng kaniyang ibabang labi.

“I’m sorry, again, sir…” Tiningnan ni Jose ang name tag ng crew. Nagtataka siya kung bakit sa eksaktong sandali na iyon, nagluwal ng mga butil ng pawis ang pagitan ng kaniyang mga kilay.

“Ipagpaumanhin po ninyo, ginoo. Ako po si Andres, handang maglingkod sa inyo.” Muling nagpamalas ng mga biloy si Simon. Tinapik niya sa balikat ang lalaking naka-unipormeng tila pang-marino.

“Okay lang, Andy,” ang sabi ni Jose. Nangyayari naman talaga ang mga ganung tagpo, sa loob-loob ni Jose. Buti’t ako ang nabunggo mo at hindi ang mamang iyon, bulong ni Jose sa sarili. Pinaluhod ng isang pasaherong lalaki ang isang lalaking crew para pulutin ang lata ng Coke na nahulog dahil nabunggo siya ng isang lalaking crew. Gusto sanang puntahan ni Jose para alamin ang mga pangalan ng pasahero at crew, pero biglang dumantay ang kaliwang palad ni Andy sa kaniyang likod. May naalala siyang isang saglit, sa Negros, nang bumili siya ng isang bote ng Jazz softdrinks sa isang maliit na tindahan sa Silay. May lalaking nagdantay ng kamay sa kaniyang likuran. Pakiramdam niya noon ay sinalat ang kaniyang baga.

Nahihiyang nginitian ni Andy si Jose. Biglang tumugtog ang isang kantang pumalit sa pagngangangawa ni Sharon Cuneta. Sa prelude ng awitin ay natiyak agad ni Jose na ito ay kanta ni Tina Paner, ang walang kamatayang “Tamis ng Unang Halik.”

Humahangos na umakyat si Simon sa pinakamataas na palapag ng bapor. Gusto niya ng sariwang hangin, tulad ng mga taong-bulate sa ibaba ng bapor. Makukulay na kabute ang naisip ni Simon nang makita niya ang isang kumpol ng kababaihang namamayong sa isang bahagi ng bapor. Mataas ang sikat ng araw. Pumuwesto sa isang di-mataong bahagi si Simon. Humiling siya sa dagat ng mga isdang lumilipad para sa mga kaliskis nito’y makita niya ang iluluwal na balangaw kapag hinaplos ng sinag ng araw.

Gustong sumagap ni Jose ng hanging maalat. Nagtungo siya sa mga sintetikong upuan sa may railings ng ikaapat na palapag ng barko. May flying fish kaya pag gabi? tanong ni Jose sa sarili.

Mykel. December 29, 2005. 5:17am.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home