Poetika at Pakikibaka: Ang Makata sa Panahon ng Krisis 2
sir mykel,
marami din pong salamat sa pagpapaunlak mo sa aking hiling na basahin o kantahin ang piyesa ko.
samantala, wala akong balak pagdudahan ang ating mga kamakata kung sila ba ay nasa ilalim ng saya ni gma at/o ng iba pang pulitiko, ang punto ko ay: totoong nakokornihan ako sa pagtutulaan ng mga makata tungkol sa tema, parang pang high school yan at bakit mo naman
gagasgasin ang gabi sa temang iyan kung gaganapin sa loob ng isang burgis na venue at alam naman natin na mga intelektuwal at artista ang karamihang dadalo sa poetry reading na iyan. dapat kong linawin na wala akong iniisip na masama sa mga intelektuwal at artists na dadalo pero nababagay yata ang tulaang ito kung sa plaza miranda o luneta grandstand gagawin, lalo na't kung papalitan ang titulo na "Pagpapatalsik sa makata sa pundiya ni gma at iba pang pulitiko noon at ngayon," sa halip na pagpapatalsik kay gma ng mga makata... para lang ba hindi magtonong selfrightous ang poetry reading na ito sa kabila ng dakilang intensiyon ng aktibidad
ulit po - maraming salamat at saludo, sana'y naging malinaw ang punto ko
saludo ulit,
tom (agulto)
Bersiyong Andrada
dear sir tom,
maraming salamat po sa inyong paglilinaw. nais ko lamang pong magpaabot ng ilang saloobin ko, kung mamarapatin ninyo. at gusto ko lang ipauna na bagama't maaaring agitated ang tono ng sagot kong ito sa inyo ay hindi po ito paglalapastangan o paghahamon. maraming salamat.
naniniwala po ako nang mahigpit na ang isang makata, tulad ng kahit na sinong mamamayan ng isang bansa o bayan, ay dapat na hindi makitid ang pananaw pagdating sa iba't ibang porma ng pagpapatalos ng mga pampulitikang layunin, laluna't ito ay nagpapatungkol sa estadong nagpapatakbo ng bansa. kahit nakokornihan po kayo sa ginawang gabi ng pagtula kanina lamang ay nais kong puntuhin na hindi lamang ito basta isang aktibidad na may "dakilang layon" na itinanghal sa isang elitistang espasyo. kung tutuusin, personal akong nasaktan sa inyong mga sinabi dahil ako ay aktibong kumikilos sa iba't ibang porma. at wala akong ilusyon na ang event na ito ay malaking-malaki ang ambag sa layuning mapatalsik si gloria at baguhin ang lipunan -- gayong ito ay isang welcome na activity dahil enjoined ang sinumang nais na magpahayag ng saloobin laban kay arroyo. ang mga ganitong aktibidad (poetry reading, cultural night) ay hindi lang namin minsang ginawa. at hindi lang sa conspiracy ginawa o kung saan mang burgis na espasyo na nagsusulputan ngayon sa buong bansa. sa katunayan, ang maraming miyembro ng UP AWARE ay nagtanghal na sa kalsada, sa liwasang bonifacio, kumanta sa mga rali, sa ibabaw ng jeep, nag-caravan, nagsasagawa ng mass work sa mga urban poor communities at sa rural landscape. wag po nating kalilimutan na sa isang kilusang nais ng pagbabago, lahat ng espasyo't okasyon na maaaring gamitin upang matupad ang layon ay ginagamit at nilulubos. WALANG KORNI sa gabing ito. at hindi lamang mga makatang may MA o PhD ang nagtulaan. bagama't marami nga ng dumalo sa okasyon ay mula sa petiburgis na uri, sa mga pa-intelektwal at pa-artist, kahit sila ay kasama sa mga taong dapat organisahin at patalusan ng ipinapaabot na kamulatang panlipunan. ang tunay na organisador ay yaong naniniwala na may papel rin ang petiburgis at intelektwal at artist sa pagbabago sa lipunan, bagama't sila ay maliit na porsyento lamang, dahil ang lalo't higit na dapat paniwalaan ay ang 75% ng populasyon ng bansa (ang mga magsasaka) at ang 15% (manggagawa) ang pangunahing mga masang dapat na paglingkuran at "imulat." pero hindi ito nangangahulugan na hahayaan lang nating maglunoy sa putik ng pagiging reaksyunaryo at burgis ang mga puwedeng makabig mula sa iba pang social classes sa lipunan. at dahil naniniwala rin ako sa rebolusyunaryo't progresibong papel ng mga organikong intelektwal bilang bahagi ng mas malawak na masa.
at kung parang high school ang dating nito, may mga tao/audience kasi na nasa high school na lebel pa lamang ang pag-unawa sa iba't ibang bagay. paano tayo kakabig sa pinakamalawak na sektor kung hindi natin ieexhaust ang lahat ng possibilities? kahit high school ang dating, hindi maikakailang may maiaambag ito. hindi ito mapahihindian. ang mga beer house, para sa marami, ay korni. ang mga karnabal, korni. ang paaralan, korni. ang lansangan, kornil. laos na nga raw ang rali, e, sabi ng estado. parang high school nga raw na putak nang putak ang mga nagrarali. pero maraming kumikilos na estudyante mula sa high school. at me nakakaapreciate rin pala sa mga jingles ng rejoice at ni lito camo na nilalapatan ng bagong lyrics na anti-gloria ang tuon. parang high school pa ring magperform ang mga matatandang babae't lalaki ng urban poor communities na nagtatanghal sa ng tula-dula sa liwasang bonifacio. parang high school pa rin ang nagpopost ng political statements at propaganda sa email at friendster at iba pang websites ng kabataan. parang high school talaga.
at ang proposal nyo na gumawa ng alternatibong programa sa LOBBY NG CONSPIRACY? di ba't elitistang extensyon ito ng elitistang espasyo? samakatuwid, wag po tayong maging mapanghati. kung titulo ng programa ang pinupuntirya ninyo, usapin lamang itong polemical -- phrasing at selection ng mga salita na kung tutuusin ay hindi naman ang pinakaubod at buod ng isang programang progresibo -- kahit sa elitistang espasyo. at hindi ko nais ipagtanggol ang elitistang espasyo, bagkus tinatawag itong subersyon o kontra-cooptation na malaon nang ginagamit sa paghubog pa lang natin ng mga espasyo ng estado tulad ng lansangan at korte bilang lunsaran rin ng mga demonstrasyon ng masa. hindi ang puna sa espasyo o okasyon ang problema. ang problema'y nagiging mapanghati po kayo sa inyong itinuturan, samantalang hindi ang grupo ang dapat na pinupuntirya o ang okasyon na ginagawa, kundi ang praxis ng pagkilos para sa pagbabago. malinaw sa akin at sa maraming mga kasamahan ko na ang mga gabing tulad nito ay isa lamang avenue, isang maliit na boses na naghahanap ng kasabay na mga tinig o nais na dumagdag sa lakas ng dagundong ng pagpapatalsik kay gloria. sa huli't huli, ito ay usapin ng paghuhugpong ng teorya o pananaw at ng praxis -- kung ginagawa ba natin ang mga pinaniniwalaan natin.
Hinggil sa tila historikal na pag-asinta ninyo sa inyong ipinopropose na pamagat na "Pagpapatalsik sa makata sa pundiya ni gma at iba pang pulitiko noon at ngayon," parang kilala ko ang pinahihiwatigan ninyo nito. At sa tingin ko, usapin nga ito ng poetika at ideolohiya ng isang makata -- kung siya ba'y makata ng sambayanan o makata ng estado. At gusto kong linawin na wala akong respeto sa mga makatang aparato ng estado. Pero ilugar natin ito, at huwag lahatin, sapagkat tila nagiging isa ang tirada sa okasyon at sa makata ng estado. Na tila baga iisa o magkatulad ang okasyon ng pagtula at ang makata ng estado. dapat hawiin ang linya. dahil sa akin, at sa marami sa amin, malinaw itong linyang ito, at kung ang inyong tono ay "pagpapaalala" nito, salamat. Pero wag po ninyong ituring na pareho ang makata ng estado at ang okasyon. may stages ang rebolusyonaryong gawain, kahit sa estetika ng pagtula, kahit sa pampulitikang kamulatan. sa dulo, sambayanan ang uusig at hahatol sa mga makata; makata man ng estado o makata ng sambayanan.
walang pinipiling espasyo ang pakiktunggali at pakikibaka. walang pinipiling espasyo ang pagpapatalos ng progresibo't alternatibong panawagan. kahit ang middle class at ilang miyembro ng pambansang burgesya (o sa komon na terminolohiya ay elitista) ay nakakabig para sa malawak na panawagang patalsikin si arroyo. matagal na itong ginagawa. pero ang malinaw ay HINDI LAMANG ITO ANG GINAGAWA. sapagkat magkasabay at magkadugtong ang makasaysayang pagtutunggalian ng mga uri, sa kahit na anumang espasyo. para nyo na ring sinabing dahil pag-aari ng mga komprador burgis na Lopez ang ABS-CBN ay wag na tayong magpa-cover ng mga rali sa kanila. na wag na tayong mag-imbita ng press para sa mga forum at rali -- dahil elitistang imprastraktura ito, gayung kahit paano'y nagiging paraan ito upang magpaabot ng demonstrasyon ng pag-aaklas ng sambayanan. sa totoo lang, gasgas na gasgas na ang temang anti-gloria. pero bakit pa rin ito ginagawa? alam kong alam ninyo ang sagot.
hindi ko tinatanggap ang nosyon na maaaring self-righteous ang ginawang programa kanina. o may tendency man itong maging ganun, sapagkat ano ba ang self-righteous sa isang pulitikal na konteksto? wala itong ibang kahulugan kundi pagtatanggol ng interes ng mas nakararami laban sa iilang nasa kapangyarihan. ano ang self-righteous na magsama-sama ang ilang makata para sa isang progresibong layunin, gayung wala naman silang illusion of grandeur na ito ang natatanging porma ng pag-aaklas. at higit sa lahat, may mga elemento mula sa hanay ng mga makatang ito na aktibong nag-oorganisa sa masa. malawak at malawig ang usaping ito, na hindi ko mapalalampas, bagama't pinili kong nung una ay magpaluwal lamang ng maiksing tugon sa inyong pang-uusig. sa panahon ngayon, lahat ng maaaring avenues ay dapat na tangkaing gamitin. kahit nga cellphone ay ginagamit upang magpadala ng text messages na anti-gloria ang tema. kahit nga internet, email. kahit na anong porma. kahit ang pinakapayak at pinakakorni at pinakagasgas na mga linya't paraang alam natin, mula luma hanggang bago, ay dapat ituring na welcome na okasyon at paraan, basta't malinaw ang tinatawag ninyong "dakilang layon."
sa susunod po sana ay wag pong microscopic lamang ang pagtingin natin sa isang okasyon nang hindi natin nalalaman ang pangkabuuang konteksto nito. dahil marami kayong napapaspasang detalye at marami ang nasasagasaan. hindi ko nais na lumaki ito bilang gulo dahil hindi kayo ang kalaban ko. sana kilala po ninyo kung sino ang tunay na kaaway at kung sino ang dapat pag-aksayahan ng laway at panahon. hindi ito panahon ng paghahati. Hindi ito panahon ng pagiging mapanghati. Dahil sa isang lipunan na batbat ng krisis, ideolohiya at pulitika ang pinagtutunggali, at hindi burgis na wisyo o nosyon ng espasyo't panitikan. natuto na tayo mula sa mga pagkakamali natin, ng kilusan, ng samu't saring institusyon sa bansa. huwag na nating ulitin pa.
maraming salamat sa inyong paglilinaw. ang sa ganang akin lamang, ito ang bersyon ko ng paglilinaw.
hanggang dito na lamang po,
mykel