Apartment sa Dapitan

Thursday, October 13, 2005

Isabel

Nanonood ako ngayon ng pelikulang pinagbibidahan ni Kring-Kring Gonzales at ng yumaong Miguel Rodriguez. Natawa lang ako dahil ang pangalan ng tauhang ginagampanan ni Kring-Kring ay "Isabel." Hindi ko nakita kung ano ang pamagat ng pelikula.

Isabel ang pangalan ng pusang kaliko namin. Anak siya ni Cheky. Mga kapatid niya sina Kokoro, Theo, Matthew, Naruto at Saske. Hindi namin alam, at lalong hindi alam ng mga pusa, kung sino o sinu-sino ang mga ama nila.

May natatanging kakayahan si Jerrie na pangiyawin si Isabel kahit natutulog ito. Itataas lang ni Jerrie ang kanang hintuturo niya, itatapat ito malapit sa mukha ni Isabel, at sasabihin ni Jerrie: "Isabel" sa isang mabilis na paraan, ay tiyak nang ngingiyaw si Isabel kahit natutulog ito.

Ang ka-batch ni Isabel na si Theo ay nasa bahay ni Jerrie. Iniuwi na niya sa kanila nung maliit pa ito. Namimiss ko na si Theo. Ang mga sumunod naman ng batch ay sina Naruto at Saske na dinala na ni Suyin sa Cavite kasama ang inang si Cheky dahil parang Animal Farm na ni George Orwell ang nangyayari sa apartment namin sa Tandang Sora, Matandang Balara. Namimiss ko na sila, laluna si Saske.

Namimiss ko ang may katabi sa manipis na kutson dito sa apartment. Namimiss ko ang may kayakap pag gabi.

Wednesday, October 12, 2005

Submit na!

Publikasyong Iglap ng Maikling-maikling Kuwento Hinggil sa Karahasan sa Kilusang Manggagawa

Kasalukuyan kaming naghahanap ng mga maikling-maikling maikling kuwento o dagli na tumatalakay sa lalo pang paparahas na kalagayan ng mga manggagawa sa Pilipinas. Sa partikular, naghahanap kami ng mga kuwentong tumatalakay at tumutuligsa sa brutal na pagpaslang kay Ka Fort ng unyon ng Nestle at sa iba pang mga manggagawa at kilusang manggagawang kumakaharap ng pagsasamantala ng mga kapitalista. Gayundin, naghahanap kami ng mga kuwentong tumatalakay sa patuloy na pagwelga at paglaban ng unyon at mga manggagawa ng Nestle at ng iba pang kolektibong laban ng mga unyon at manggagawa. Ito ang susunod na lalamanin ng espesyal na isyu ng Publikasyong-Iglap.

Ang Publikasyon-Iglap ang kagyat na pagtugon ng mga manunulat hinggil sa kaganapan sa ating bansa. Nauna na na nitong inilathala ang Pakikiramay (2004, pagpugay sa mga biktima ng masaker sa Hacienda Luisita) at Truth and Consequence (2005, koleksyon ng tula sa kampanyang Oust Gloria!).

Maaaring magpadala ng isang maikling-maikling kuwento kada awtor. Maximum ng tatlong pahina, doble espasyo. Ipadala kasama ang maikling bionote o writer's profile at kontak na mga numero sa mangiglap@yahoo.com at/o mangewan@gmail.com. Para sa mga katanungan, magpadala ng email kina Rolando Tolentino, Joey Baquiran at/o Mykel Andrada o di kaya'y kumontak sa 0915-4413324 at/o 0919-6384488.

Ang deadline ay sa Nobyembre 15, 2005.