100
Tatlong Kuwentong Tig-i-Isandaang Salita
ni Mykel Andrada
1.PEPSI BLUES
Dumating siya isang oras matapos akong sumandal sa pader ng noo’y sarado nang Goldilocks sa may Aurora, Cubao. Di pa rin ako tumitigil sa pangangatal. Ganun raw talaga pag bagong binyag.
Siniguro muna niyang walang ibang tao sa madilim na paligid bago niya binuksan ang handbag: panyo, pulbos, pink na pitaka, plastik na basyo ng Pepsi Blue na may latak pa, Nokia 3310, at tinuping cardboard na pamaypay na may malaking mukha ni Hero Angeles. “‘To ‘yung nanalo, di ba?” tanong niya.
Ibinulsa niya ang cellphone; iniabot sa ‘kin ang pitaka. Nanginginig ko itong binuklat. May litrato ni Mark Herras.
2.UNANG MISTERYO NG HAPIS
Nakapaglatag na ang kaniyang Lola ng asin sa may paanan ng higanteng Birhen ng Guadalupe. Inilabas ng matanda ang rosaryong laging handang magpatipa. Pinaluhod siya sa asin; inutusang humingi ng tawad sa Diyos. Sinaniban na raw siya ng Demonyo dahil sa kalalaro sa kalsada.
Unang Misteryo ng Hapis: Panalangin sa Hetsemane.
Di pa man nakaka-limang butil ng rosaryo, naramdaman na niyang natutunaw ang mga butil ng asin sa mabababaw na sugat-hukay nito sa magkabilang tuhod niya. Tumayo siya’t pinalis ang asin sa tuhod. Dagling tumindig ang matanda, hinaplit ang kaniyang nguso. Napahawak siya sa kaniyang bibig. Maalat pala ang dugo.
3. BWISITA
Naabutan ko noong binubulatlat ng pusa ang tiyan ng nahuli nitong daga. Nanahan ng ilang araw sa bahay ang amoy ng sariwang dugo. Parang bisita. ‘Yung bisitang hindi nag-aabiso. Bigla na lang susulpot. Kakatok. Kahit magtulug-tulugan ka pa, maghihintay ang bisita sa labas. Maaaring nakahilig sa pintuan, nakaupo sa sahig. Maaaring gawing unan ang dala-dalang bag. Mapipilitan kang patuluyin. At kung gaanong malihim ang bisita sa panggagagad, ganun rin siya kung lumisan. Naglalaho nang di nagpapaalam. Walang sulat o pasabi. Kahit tapik sa balikat o dampi ng palad sa noo. O panunuklay kahit ng isang daliri sa malago kong buhok.