Apartment sa Dapitan

Wednesday, October 15, 2008

Walang Iwanan: Kahirapan at CSR

I-click ito para sa weblog ng Blog Action Day 2008 Philippines.

Timely ang publicity stint ng ABS-CBN para sa pinakamayayamang burgesya kumprador (BurKom) at panginoong maylupa (PML) sa Oktubre 12, 2008 na “dokumentaryong” WALANG IWANAN. Timely dahil ang proyektong ito ay tungkol sa pag-asenso at pagkakaroon ng monopolyo ng pinakamayayaman ng isang porsiyento ng nasa tuktok ng kapangyarihan at kayamanan sa Pilipinas. Gokongwei. Henry Sy. Lucio Tan. Reyes. Pangilinan. Zobel. Ayala. At iba pa. Lopez. Ang pinakamalalaking gahaman ng bansa ang mga bida sa “reality television” na ito. Mayorya ng mga kuwento ay naratibo ng pag-ahon mula sa kahirapan at pagkatanghal bilang pinakamakakapangyarihang pamilya sa bansa. At dahil naranasan ng mga kapitalistang ito kung paano ang maghirap, diumano’y di lamang nakasentro ang kanilang pamamayagpag sa larangan ng ekonomiya sa kasalukuyan, kundi nakatuon rin ang kanilang mga palad sa kawanggawa — sa pamamagitan ng tinatawag na Corporate Social Responsibility.

Itong corporate social responsibility o CSR ang higit pang nagpapayaman sa mga may monopolyo. Tax exemption o tax discount ang kongkretong reward na ito. Bagama’t totoong mayroong nabibiyayaan ang CSR, mas marami pa rin ang hindi. Sa katunayan, ang mga nabibiyayaan ay nagiging bahagi rin ng kultural na kapital ng mga korporasyon, at likewise, ay nagiging bahagi rin ng sentral na produktong ibinebenta ng mga korporasyon.

Sa aking mga klase sa U.P., lagi kong pinapatingkad ang usapin hinggil sa tunggalian ng mga uri. Conflict, sa historico-materialist na perspective, ang nagpapagalaw ng mundo, ang lumilikha ng kasaysayan. Ang pananaig ng isang panig laban sa iba pang panig ang magtatakda ng pagbabago sa kasaysayan. Walang development, kung walang conflict. Ang lahat ng kasaysayan ay kasaysayan ng mga tunggalian ng uri. Sa Pilipinas, ang pinagsanib na uring panlipunan ng mga panginoong maylupa at burgesya komprador ang siyang nagdodomina. Isang porsiyento lamang ng buong populasyon ng bansa ang pinagsanib na bilang ng mga BurKom at PML.

Ang tanging paraan para wakasan ang kahirapan ay ang magkaroon ng tunay na pagbabago sa pampulitika, pang-ekonomiya at pangkulturang sistema ng buong bansa. Mawawakasan lamang ang kahirapan kung matutukoy at lalabanan ang tunay na mga ugat nito: Imperyalismo, Katutubong Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo.



I-click ito para sa weblog ng Blog Action Day 2008 Philippines.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home