Apartment sa Dapitan

Wednesday, May 23, 2007

Bagong Tulang Ngetpa - Pangalan

Pangalan

Mykel Andrada

Uy! Ako ‘to!

Di mo na ba ‘ko nabobosesan?

High School. Sa Lourdes. Q.C.

Hindi! Si Santiago ‘yun,

‘Yung kumakain ng gagamba.

Ano ka ba?! Si Piso ‘yun, si Arceo,

‘Yung laging nakakabasag ng bote

ng softdrinks sa canteen kaya laging

nasisigawan ng “piso” para sa bayad

sa bote. Hindi! Si Feliciano ‘yun,

‘Yung nahuli ng prinsipal

na nakikipaghawakan kay Gozar sa CR

sa tabi ng klasrum natin sa Home Econ.

Hindi! Si Cunanan ‘yun,

‘Yung crush ni Catane

at ni Mendoza.

Si Catane, ‘yung teacher natin

sa Asian History, na laging nagbi-British

accent na kapag nalilibugan

ay di mapakali sa paglalakad

sa buong classroom habang pinaiikot

sa kanyang mga daliri ‘yung kuwintas niyang

may palawit na bul-ol.

Si Mendoza, ‘yung teacher natin

sa… sa’n nga ba natin teacher

‘yung bading na ‘yun? Oo! Bakla ‘yun,

nakita raw ni Pasion sa Pasig,

may ka-holding hands na mukhang

construction worker. Blue pa rin raw

‘yung mga mata ni Mendoza.

Si Malinis naman, nag-asawa

na raw. Cadiot na raw ang apelyido!

At si Angara naman, prinsipal

na raw sa Lourdes. Lesbiana raw ‘yun

at may girlfriend na aktibistang kaklase niya

sa U.P. noon. Si Santos naman,

nabuntis daw ng boypren na Amerikano.

Ayun! Di na talaga bumalik sa kumbento.

Oo! Siya nga ‘yun! ‘Yung nagpasulat

sa atin sa 1/4 kung nagmamasturbate raw

ba tayo, tapos pinalagay pa ‘yung pangalan

natin. If I know, pinagmasturbate-an niya

‘yung mga papel ng crush niya sa klase natin.

Siyempre kasama ka dun, malamang.

Di ba, ‘yun nga ‘yung pinag-awayan natin noon,

kasi feeling ko may gusto talaga sa ‘yo

‘yung malanding Santos na ‘yun,

lagi ka pang kinakausap after class,

at sabi pa niya sa ‘yo na “there are a lot of girls

out there.”

Di ba? Kaya nga binalik ko sa ‘yo

yung binigay mong singsing sa ‘kin

na binigay sa ‘yo ng daddy mo?

‘Yung may ruby stone, na tunay pala,

kasi nilawayan ng daddy ko at idinikit

sa salamin, tapos kumapit talaga ‘yung ruby.

Tapos binalik mo ‘yung singsing

na binigay ko sa ‘yo, na wedding ring

ng nanay ko.

Ano’ng ‘ulol ako’?

Ano’ng ‘di mo ‘ko kilala’?!

Sandali nga!

Kaya nga kita hinahanap

kasi kukunin kitang ninong

sa binyag. Di ba sabi natin ‘yun?

Ikaw pa nga ang nakaisip nu’n!

Na kahit na anong mangyari,

ipapangalan mo sa ‘kin

ang panganay mo

at ipapangalan ko sa ‘yo

ang panganay ko.

Kaya nga Noel ‘tong panganay ko, e.

Ikaw? Bryan ba ‘yung panganay mo?

2 Comments:

Post a Comment

<< Home