Apartment sa Dapitan

Sunday, September 10, 2006

Limas

Kagabi ko lang naintindihan kung ano ang ibig sabihin ng flash flood. Kapag napapanood ko kasi ang coverage ng mga flash flood at landslides noon, akala ko ganun lang ang flash flood. Sabi ni Jerrie kanina sa telepono, iglapang baha pala ang flash flood sa Filipino. Biglaan.

Nabigla kami kagabi nang biglang umabot ang tubig halos hanggang tuhod namin. Sa loob ng bahay. Ilang buwan pa lang ang nakararaan, noong bakasyon, nang i-overhaul ang kalsada ng Iba 1. Kapag kalsada nga lang ang titingnan mo, aakalain mong nasa isang umaangat na subdibisyon ang kalye namin. Pero pag tiningnan mo ang mga bahay, marami pa rin ang gawa sa kahoy at naging postmodernong arkitekturang Kastila (mala-Barok/Baroque). Nilaliman ng lokal na gobyerno ang mga kanal para raw hindi na magbaha. Hanggang sa amin lang kasi dati umaabot ang baha. Ang nakapagtataka, ngayong inayos na ang kalsada at ang kanalan, aba'y pati ibang bahay na dati'y hindi sinasalanta ng baha ay nasalakay na rin ng maruming tubig.

Sabi ng nanay ko, nasa Maynila malamang ang problema. Dapat naman raw talaga ay hindi nagbabaha sa lugar namin, dahil mataas ang lugar namin. Ito raw dati ang mataas na bahagi ng dating lupang-bundok na kinatitirikan ng kanilang bahay-kubo noon. Kapag umuulan nga raw noong bata pa sila, nagmamadaling pumunta sa may Cuenco ang nanay ko at ang kaniyang mga kalaro para maabutan ang mabilis na pagdaloy o pagbaha ng tubig pababa sa Maynila. Parang talon na nasa 30-45 degrees ang angulo ng pagdaloy ng tubig marahil. Lumalangoy pa raw sila noon sa baha. Ibig sabihin, malinis pa sa swimming pool ang tubig-ulan-baha noon.

Kaya talagang nabigla kami kagabi, dahil hindi pa namin naitataas ang ibang gamit ay pumasok na agad ang baha. Parang bisita na hindi mo inimbita, pero nagpumilit pumasok. Grate crasher. Inimbita ang sarili. Napakatagal ng lagi ng aming bisita kagabi. Sa katunayan, kaninang mga alas-dose ng tanghali na umalis ang bisita. Kaya lampas tanghali na ako nakapananghalian. Nag-iwan pa ng putik at mabahong amoy ang bisita. Nakitulog na nga, nandumi pa.

Tuwing umuulan, lagi akong nangangamba na aabutin ng baha ang aking mga daliri sa paa. Takot na takot at inis na inis ako sa nakaambang paglapa ng tubig-baha sa aking talampakan. Kagabi, lubos-lubos ang paghahalu-halo ng mga emosyon sa loob ko nang sakalin ng tubig ang aking mga paa, umabot pa ang pananakal ilang daliri na lang sa aking mga tuhod.

Alas otso ng umaga ako nagsimulang maglimas. Naalimpungatan akong nag-uusap ang nanay at tatay ko. Sabi ng tatay ko, "Puring, aabot siguro sa 50 timba ang tubig-baha." Sabi ng nanay ko, "Hay naku, George, buti kung 50 lang. Siguro mga 100." Nag-inin muna ako nang sarili, tapos nang maramdaman ng nanay ko na naalimpungatan na ako, sabi niya sa akin ng kapatid ko, "Jay-ar, Mykel, binilhan ko kayo ng tig-isang ispageti. Mag-almusal na kayo."

Alas-sais y medya ng umaga nang magsimulang magsalok ng tubig-baha ang nanay. Yung arinola ng sister-in-law kong si Karen ang ginamit niyang pansalok. Yung isang maliit na timba ang pinagsasalukan niya. Dustpan ang ginamit namin ni Jay-ar mga alas-otso para salukin ang tubig-baha. Medyo luminaw at tumining ang tubig, kaya nakita ko ang mga linya at kurba, mga semi-bilog at dotted-lines, na nilikha ng halu-halong putik, basang alikabok, tae ng ipis, tae ng daga, mga butil ng kaning naapakan kaya nangitim, at marami pang iba. Dahil malinaw ang mata ko hanggang ngayon, madali kong naiispatan kung may bubog, bulate, maliit na bulate, maliit na maliit na manipis na manipis na gasinulid na baby bulate, alupihan, patay na lamok at langaw, at mga sinulid at hibla-hibla ng wires at cable na lagi kong napagkakamalang alupihan o bulate. Basta hindi uod.

Mga alas nuwebe y medya ay sumama kami ni Jay-ar sa nanay ko para mamalengke. Paglabas ko ng bahay para pumunta sa second-hand na kotse ni Jay-ar, naabutan kong bumibili ng Inquirer ang nanay ko sa nakabisikletang taga-deliber ng diyaryo ng aming mga kapitbahay. Nasabi ko kasi sa kaniya noong nakaraang linggo na kasama ako sa mga kinapanayam ng Sunday Inquirer Magazine (SIM). Yakap-yakap ng nanay ko ang cover page ng SIM kung saan nakaplasta sa taas na bahagi ang maliit na nakakuwadrong mukha ko. Sabi ng nanay ko, "May ipapakita na naman ako sa mga kaopisina ko bukas."

Nahiya akong natuwa, "Si Mommy talaga." Pagkagaling namin sa palengke, pumasok kami sa bahay, dahan-dahang pinaglakad sa sahig na puno ng tubig-baha ang aming mga paa, laging nagkokonsentra para hindi madulas. Nadaanan namin ang mga sopang biglang tumangkad dahil ipinatong sa mas matitibay na upuan, ang TV na binuksan namin kahit hindi namin napapanood dahil natatabunan ng mga photoalbum at kung anu-anong dokumentong minsang nagkaroon ng silbi sa amin. Inilagay namin sa mesa na sukang-suka na sa dating laman ng refrigerator. Nadaanan namin ang refrigerator na nakahigang patagilid sa isang mas matibay na mesita para hindi mabasa ang motor. Ipinatong ko sa lumang mahabang upuan ng van na ngayon ay sopa namin ang Inquirer. Sabi ko sa diyaryo, "Wag kang tatalon."

Alas otso y medya ng gabi na nang matapos akong maglimas, magbalik ng mga kasangkapan sa orihinal nilang kinalalagyan, maglipat ng mga gamit sa bagong kalalagyan, mag-imis ng naiwang kalat, magtuyo ng sahig gamit ang mga luma't gulagulanit nang damit. Tsaka ko pa lang talagang nabasa ang naipong mensahe sa aking selepono.

Alas onse y medya na.

1 Comments:

  • At September 19, 2006 9:42 PM, Anonymous Anonymous said…

    nakita ko na nanay mo nung kasal ni lisa, kaso di na kami napakilala sa dami ng inaasikaso nina lisa nun. nahiya rin akong lumapit. kamukhang-kamukha mo nanay mo. naiiyak ako habang binabasa ito. mwah, ingat mykel.

     

Post a Comment

<< Home