Apartment sa Dapitan

Friday, June 09, 2006

Dalawang Pangamba


Dalawang Pangamba
Originally uploaded by mykel andrada.
Dalawang pangamba ang matutunghayan sa sitwasyong pulitikal sa Pilipinas. Ang dalawang pangambang ito ay mahigpit na magkaugnay. Anuman ang kalagayan natin sa buhay, uri ng kabuhayan, at mga kinagawian, ang dalawang pangambang ito ay hinding-hindi natin matatakasan.

Ang unang pangamba ay ang pangamba ng pamahalaan. Kahit na anong pagkukubli ang gawin ng pamahalaan, hindi nito kayang itago ang kaniyang pangamba. Nanginginig ang boses ng pangulong Gloria dahil sa pagsisinungaling. Nanginginig ang mga kamay ng militar kapag nanduduro ng mga aktibista’t progesibong tinatawag nilang “terorista,” “destabilizer,” o “latak ng lipunan.” Nanginginig ang mga katawan ng iba’t ibang elemento ng pamahalaan kapag nagpapalabas ng mga balita ng kasinungalingan ang Malakanyang.

Ang pinakamataas na uri ng kasinungalingan ng pamahalaan ngayon ay ang pagsasabing matatag ang kaniyang republika. Makikita raw ito diumano sa malakas na suportang militar sa gobyerno ni Arroyo. Ngunit ang ganitong sitwasyon ay manipestasyon lamang ng isang nangangambang pamahalaan. Sa panahon na walang tiwala ang mamamayan sa pamahalaan, pinatitindi ng gobyerno ang pasismo. Samakatuwid, ang pasismo ng estado ang tiyak na sintomas ng nangangamba’t naghihingalong panunungkulan.

Sa ganitong pangamba ng pamahalaan pumapasok ang kaakibat na ikalawang pangamba: ang pangamba ng mamamayan. Dahil sa pasismo ng estado, tila nagiging normal na sa mamamayan ang mangamba at matakot. Pinatitindi pa ito sa pamamagitan ng pagliligalisa ng mga represyong pulitikal ng pamahalaan at agresyong pulitikal ng militar sa pamamagitan ng mga hungkag na proklamasyon tulad ng PP 1017.

Ang pangangambang ito ay nabibigyang-mukha at pangalan ng mga tala ng KARAPATAN, isang alyansa ng mga human rights advocate. Simula nang maupo sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001, humigit-kumulang sa 620 na ang mga kaso ng pulitikal na pagpaslang sa mga opisyal at miyembro ng mga kilalang progresibong organisasyon tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at Kilusang Mayo Uno. Bukod dito, lampas sa 300 na ang kaso ng mga “attempted killings.”

Simula rin noong 2001, tinatayang nasa 128 na ang kaso ng “political involuntary disappearances” o ang pagdukot at biglaang pagkawala ng mga kasapi ng mga pulitikal na organisasyon at mardyinalisadong sektor. Gayundin, nasa 50 na ang bilang ng mga lider-unyonista na nakaranas ng represyong pulitikal mula sa gobyernong Arroyo.

Ngunit ang pangamba ng mamamayan ay hindi nangangahulugan ng pagkukubli, pagtatago at pagsasawalang-bahala. Ang kondisyon ng pangamba ng mamamayan ay sinusuri bilang sitwasyon ng pagbubuo ng pulitikal na paninindigan. Kung kaya ang pangamba ay dapat maging tungtungan ng aktibong paglahok upang mawala ang sanhi ng pangamba.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home