Apartment sa Dapitan

Friday, August 05, 2005

Para sa Sawikaan 2005: Salita ng Taon

Tsunami 2005: Ang “Tsunami” Bilang Intertexto sa Karansang Kultural, Historikal at Pulitikal ng Pilipinas

Michael Francis C. Andrada


Noong Pebrero 14 at 15, 2005 sa Le Pavillon, itinanghal ang Faces of Love, isang benefit concert para sa mga biktima ng trahedyang idinulot ng Disyembre 26, 2004 Asian tsunami. Tampok sa naturang konsiyerto ang mga batikang Filipinong mang-aawit na sina Gary Valenciano at Zsa Zsa Padilla. Malay man o hindi, mayroong dalawang klase ng tsunami na pinagsanib sa nasabing konsiyerto. Una ang Asian tsunami. Ikalawa ay ang alaala ng matikwas na hairstyle na pinasikat noong 1980s ni Zsa Zsa Padilla – ang hairstyle na tinaguriang “tsunami.”

Makikita mula sa obserbasyong ito ang isa sa kinahumalingang diskurso ng paghuhugpong ng mga bagay, tao, tagpuan, panahon at karanasan. Ito ang diskurso na tinatawag na intertextuality – ang paghahanap sa “dayuhang texto” o “intertexto” na nakapaloob sa isang partikular na texto. Sa papel na ito, ipapakita ang samu’t saring gamit ng salitang “tsunami” bilang intertexto sa karanasang kultural, historikal at pulitikal ng bansa.

Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ni Virgilio S. Almario (pat.), ang salitang “tsunami” ay galing sa dalawang salitang Hapon: “tsu” na nangangahulugang “daungan” at “nami” na ang ibig sabihin ay “alon.” Kung kaya ang pinagtambal na mga salitang Hapon ay bubuo ng depinisyon ng tsunami bilang “malaking alon na nabubuo sa ilalim ng dagat dahil sa lindol, pagsabog ng bulkan, o pagguho ng lupa.”

Sa Learn to Speak Japanese, English, Filipino ni Paz M. Belvez (pat.), inihelara niya ang katumbas na salita ng tsunami sa Ingles at Filipino: tidal wave at daluyong. Sa pagkonsulta sa Vocabulario Tagala ni Francisco de San Antonio, OFM, matatagpuan ang salitang “daluyon” na nangangahulugang “olas muy grandes de la mar.” Kahawig ito ng ibinigay na pakahulugan ni Jose Villa Panganiban sa daluyong sa kaniyang Diksyunaryo Tesauro Pilipino-Ingles: “big wave; surge or swell of the sea.” Mas gagawing partikular ng UP Diksiyonaryong Filipino ang sanhi ng daluyong: ito’y “malaking along likha ng matinding hangin, lindol, o anumang lakas ng kalikasan.”

“Tsunami” sa Panahon ng Kulturang Popular
Sa karanasang kultural ng bansa, makikita natin ang epekto ng Asian tsunami ng Disyembre 26, 2004. Nagdala ito ng matinding pangamba sa mga Pilipino dahil sa trahedya’t kamatayan ng humigit-kumulang 300,000 tao sa 11 bansa .

Ang coverage ng iba’t ibang istasyon ng midya, lokal man o internasyunal, ay kinapanabikan at pinakaabangan ng manonood. Tumabo ang showbiz talk show na The Buzz at iba’t ibang news programs ng ABS-CBN dahil sa mga eksklusibong panayam nila kay Cherrie Gil hinggil sa tsunami sa Thailand. Gayundin, may amateur video footage si Cherrie Gil ng salantang idinulot ng tsunami. Ito ang pinagpiyestahan ng mamamayan pagkabalik na pagkabalik ni Cherrie Gil. Ito rin ang pinagkakitaan ng ABS-CBN. Samakatuwid, tila pumapanhik sa konsepto ng Reality Television ang mga naturang coverage at dokumentasyon hinggil sa tsunami.

Sa panahon ng kulturang popular, ang isang salita na tulad ng “tsunami” na nangangahulugan ng “trahedya” ay nagiging produkto o komoditi. Sa katunayan, ang coverage ng tsunami ng Disyembre 26, 2004 ay tumatawid sa linyang naghahati sa reyalidad at spectacle. Mula sa reyalidad ng trahedya, nagiging trahedya ng spectacle ang tsunami. Ginagawa nitong isang extraordinaryong palabas ang isang trahedyang pangkalikasan. Ginagawa nitong binabayarang palabas ang tsunami at nagbabayad na manonood ang tao.

Higit itong masisilo sa konsepto ng isang produkto o komoditi sa tinatawag ni Walter Benjamin na “Age of Mechanical Reproduction.” Sa panahon ng mekanikal na reproduksyon, ang anumang bagay, karanasan o penomenon ay ginagawang komoditi ng konsyumeristang industriya. Hindi na nakapagtataka kung ang trahedya ng tsunami ay “binibili” ng mamamayan bilang produktong nakapakete sa telebisyon at sa piniratang CDs na naglipana magpahanggang ngayon sa mga bangketa ng Quiapo, Marikina, Tandang Sora at iba pa.

Gayundin, ang salitang tsunami ay assimilated na sa lenggwahe ng kulturang popular. Mula sa pagkasangkapan sa nasabing salita bilang pangalan o katawagan sa isang sikat na hairstyle noong 1980s sa Pilipinas, hanggang sa pagkasangkapan dito bilang termino sa mga beauty contest tulad ng Binibining Pilipinas. Sa website ng Mabuhay Beauties, isang website na nagtatampok ng iba’t ibang patimpalak na pangkagandahan sa loob at labas ng Pilipinas, matatagpuan ang isang forum thread (Pebrero 15, 2005) hinggil sa opinyon ng mga miyembro ng forum kung sino para sa kanila ang Top 12 at Top 5 nila sa Binibining Pilipinas 2005. Sa opinyon ni “Drag,” isang guest member ng forum, ginamit niya ang salitang tsunami upang ilarawan ang make-up ng mga kontestant: “Miss Universe Pageant is for women’s pageant not Miss Gay Universe. Mga mukang vakla ang mga ito. At ang make-up para silang sinalanta ng tsunami.”

Tinagurian naman ni James Burton sa Asia Times Online (www.asiatimes.com) ang mga masigasig na bloggers o mga diyarista at dyornalista sa internet na “tsunami bloggers” dahil sa dalawang bagay. Una, ang kanilang tinatalakay sa kanilang mga blog o virtual / online journals o websites ay hinggil sa Disyembre 26, 2004 Asian Tsunami. Ikalawa, para silang mga tsunami sa sunud-sunod at walang-puknat na pagtalakay at pagtulong para sa humanitarian cause sa mga nabiktima ng tsunami.

Tsunano: Pulitika sa Tsunami
Hindi nakapagtatakang may interes ang mga Pilipino sa Disyembre 26, 2004 Asian tsunami. Ang Pilipinas ay ilang beses nang nakaranas ng pananalantang dulot ng samu’t saring tsunami. Ang pag-aabang ng mga Pilipino sa mga coverage ng tsunami ay hindi lamang akto ng pakikisimpatiya, kundi projeksyon rin ng sariling takot at pangamba.

Sa katunayan, ang nasabing tsunami ay naging isang catalyst para sa iba’t ibang pagkilos sa Pilipinas. Noong Enero 27, 2005, pormal na binuksan para sa publiko ang kauna-unahang tsunami marker sa Pilipinas sa Barangay Sabang, Baler, Aurora sa pamumuno ng Philippine Institute of Volacanology and Seismology (PHIVOLCS) at pinondohan ng United Nations Development Programme (UNDP). Ang naturang tsunami marker ang naging simbolo ng “Earthquake and Tsunami Awareness and Preparedness Workshop” ng PHIVOLCS at UNDP para sa mga lokal na opisyal at guro ng Baler, Aurora noong Enero 26-27 sa Amco Beach Resort, Baler.

Ang nasabing palihan ay bunsod ng internasyunal na pangambang ipinadaluyong ng Asian tsunami. Mababasa ang historikal na lamat na isinakmal ng tsunami sa Baler bago at noong Abril 7, 1970. Gayundin, mababanaag sa texto ng tsunami marker ang isang uri ng pag-asang nais itambol hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, ang liwanag matapos ang dilim:

“ANG LUGAR NA ITO AT ANG ILANG BAHAGI NG

BAYBAYING DAGAT NG BAYAN NG BALER AY

MINSAN NANG INABOT NG “TSUNAMI”. ANG

PINAKAHULING PANGYAYARI AY PAGKATAPOS NG

ISANG MALAKAS NA LINDOL NOONG IKA-7 NA ABRIL

1970, SA GANAP NA IKA-1:34 NG HAPON.

MAY MGA BAHAY, BANGKA AT IBA PANG ARI-ARIAN

ANG NASIRA NG MGA MAPAMINSALANG ALON NG

“TSUNAMI” DAHIL SA PAGLINDOL NA ITO.

ANG TSUNAMI AY MAARING MULING MAGANAP SA

BAYANG ITO KUNG MAGKAKAROON NG ISANG

NAPAKALAKAS NA LINDOL MALAPITO DITO

O SA MGA KARATIG-BANSA SA DAGAT PACIFICO.

ANG TSUNAMI MARKER NA ITO AY MAGSILBI

SANANG PAALALA NA ANG GANITONG PANGYAYARI

AY HINDI MAPIPIGILAN NGUNIT KUNG TAYO AY

HANDA, SAKUNA AY MAIIWASAN.”


Mayroon ring malaking implikasyon sa kasaysayan at mitolohiya ng mga katutubo at Katoliko sa Pilipinas ang tsunami. Ayon kay Dr. Rosario Cruz Lucero, sa pag-aaral niya sa panitikang oral ng mga Manobo, mayroong tala ang mga Manobo hinggil sa pinaniniwalaang pinakaunang Muslim mula sa Arabia na dumating sa Mindanao. Dumating diumano si Sharif Kabungsuan sa Mindanao sakay ng isang mataas na higanteng alon. Ayon kay Lucero, hindi lamang simpleng higanteng alon ang sinakyan ni Kabungsuan, kundi ang maituturing na tsunami. Sapagkat ang katangian ng tsunami ay aatras muna ang mga alon ng dagat bago sumalampak ang higanteng alon. Sa tala ng mga Manobo, umatras ang dagat nang maramdaman nitong tagtuyot sa Mindanao. Bumalik lamang ang dagat matapos ang mahabang panahon, at sa pagbabalik ng higanteng alon, sakay na nito si Sharif Kabungsuan.

Dagdag pa ni Lucero, pinaniniwalaan ng mga Manobo na mayroong “posud tu dagat” o pusod ng dagat na isang butas na pinagmumulan ng galaw ng tubig-dagat. At dahil ang tsunami ay underwater current na bumabalong dahil sa lindol, paggalaw ng lupa sa ilalim ng tubig, at iba pang puwersa ng kalikasan tulad ng pagputok ng bulkan, masasabing ang posud tu dagat ang nagpapaliwanag ng konsepto ng high tide at low tide at tsunami’t iba pang alon para sa mga Manobo.

Para sa mga Katoliko, anumang relasyon sa tubig ay pumapasok sa tinatawag na bifurcation ng moralidad: ang konsepto ng mabuti at masama at higit sa lahat ang konsepto ng kaparusahan at kaginhawaan o paglilinis. Ang “Great Deluge” sa Bibliya ay pumapatungkol sa paglilinis ng kasalanan ng sandaigdigan, gayundin ang pagbibigay ng pag-asa ng bagong kinabukasan. Tila naging ganito ang sentimiyento ng ibang moralista hinggil sa Asian tsunami. Halimbawa, sa kolum na “Tsunami: Is it the wrath of God?” ni Valeriano S. Avila, ipinakita niya ang iba’t ibang moralistiko at pangrelihiyosong palagay hinggil sa tsunami. Matatalakay rin sa ganitong punto ang mga isyu ng racismo, ethnic cleansing at pagpupunyagi ng Katolisismo bilang tagapagsalba ng buong mundo mula sa kasamaan. Ngunit ang mga usaping ito’y pulitikal rin naman, at kailangang interpelahin.

Sa pinakapunto ng pulitika sa Pilipinas, ang salitang “tsunami” ay nabigyan ng pulitikal na kulay sa pamamagitan ng paggamit dito ng Anakpawis, sa partikular ng Bise-Presidente nitong si Carmen “Nanay Mameng” Deunida. Ginamit ni Deunida ang tambalan ng tsunami at unano upang bumuo ng salitang “tsunano” na siyang ginamit upang patungkulan ang paniniil ng gobyerno ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo, na nagpatupad ng E-VAT at iba pang mapanupil na patakarang panlipunan sa bansa. Ayon kay Deunida, “Parang malaking kangkungan ang Pilipinas sa pamumuno ng tsunanong (dwarf tsunami) si Arroyo. Gaya naman ng adidas, isang kahig, isang tuka ang mamamayang Pilipino lalo na sa pagpasok ng taon.”

Mula rito, mamamalasan natin ang progresyon at pagkasangkapan sa salitang "tsunami" upang magpaabot ng iba't ibang mensahe at pakahulugan sa patuloy na nagbabagong spectrum of meaning. Hindi lamang ito penomenolohikal at encyclopedic, o simpleng narasyon ng emosyon. Higit isa lahat, ito'y aktibong daluyan ng naglalabanang wisyo ng komersyo at katutubo, ng banal at banal, ng aporia ng pulitika at ang patuloy na paghahanap ng iba't ibang uri ng lugod, ginhawa at progresibong danas. Sa ganang ito, ang tsunami ay dumudungkal sa kolektibong psyche ng mamamayan ng bansa – sa larangang kultural, historikal at pulitikal. Ito ang intertextong tsunami.

Sanggunian:

Almario, Virgilio S. (punong pat.). UP Diksiyonaryong Filipino. Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino at Anvil Publishing, Inc. 2001. pp. 3, 184 at 911.

ANAKPAWIS Partylist. “Poor families stand to lose P300 per month if 20% VAT hike pushes through.” Press release. Pebrero 1, 2005.

Avila, Valeriano S. “Tsunami: Is it the wrath of God?” Enero 9, 2005. (http://www.thefreeman.com/opinion/index.php?fullstory=1&issue=articles_20050109&id=26516)

Belvez, Paz M. (pat.). Learn to Speak Japanese, English, Filipino. Manila: Rex Bookstore, Inc. 2003. p. 50.

Panganiban, Jose V. Diksyunaryo Tesauro Pilipino-Ingles. Quezon City: Manlapaz Publishing Co. 1970. p. 345.

PHIVOLCS. “First Tsunami Marker in the Philippines unveiled in Baler, Aurora.” Press statement. Enero 2005.

Panayam:

Diangson, Cynthia. Agosto 3, 2005. Road 5, Tandang Sora, Matandang Balara, Quezon City.

Lucero, Rosario C. Agosto 4, 2005. Faculty Center, U.P. Diliman, Quezon City.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home