Apartment sa Dapitan

Sunday, July 31, 2005

PAHINGA*

ni Michael Francis C. Andrada

Sa isang salita lamang
ay maaaring maglaho
ang lahat.

Tulad nang sa isang salita,
nabuo ang lalim at lawak
at lawas ng lahat:

sinugatan ng liwanag ang langit,
lumigwak ang dugo at naging dagat;
nadiligan ng malay ang lupa.

Sa pagtuklas ng tao,
bumuyangyang ang panibago
na laging naluluma.

Dahil isang bagay ang pag-iral,
at ibang bagay ang paglipas
ng panahong di masilo ng palad.

Ganung-ganong maisusulat
ang kasaysayan: uusbong-papanaw,
lulubog-lilitaw, mangingimi-kikilapsaw

katulad ng araw:
pitong ulit na dumaraong
upang pitong ulit ring lumisan.

Dahil sa loob ng anim na araw
ng paglikha, isang nilalang
ang natutong mapagod.


* dahil Linggo ngayon, ang nakakapagod na araw ng pahinga, na siya ring interregnum ng pahinga't trabaho. Hay, Lunes na naman bukas.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home