Apartment sa Dapitan

Friday, June 10, 2005

Open Letter: Kawawa Naman ang UP Manininda

Hunyo 10, 2005

Atty. Ida La’o
Vice-Chancellor for Community Affairs
University of the Philippines, Diliman


Mahal na Atty. La’o:

Magandang araw!

Sumusulat po kami sa inyong opisina upang ipabatid sa inyo na tutol kaming mga guro sa nakaambang pagpapaalis sa 16 na UP Manininda na nakapuwesto sa Academic Oval. Naniniwala po kaming arbitraryo ang desisyong ito at isang porma ng pagsiil sa karapatan ng mga miyembro ng komunidad ng UP Diliman.

Napag-alaman po namin na dalawa sa mga dahilan na inyong ibinigay sa mga opisyal ng UP Manininda kung bakit sila ay nararapat na tanggalin sa Academic Oval ay dahil sa usapin ng seguridad at kalinisan. Ayon po sa inyong opisina, nagiging sagabal sila sa pagmimintina ng seguridad sa kampus dahil nakababalakid sila sa operasyon ng UP Diliman Police (UPDP). Gayundin, nagiging sagabal sila sa promosyon ng kalinisan dahil tila nagmimistula silang “eyesore.”

Ang mga ganitong dahilan ay absurdo at hindi kapani-paniwala. Una sa lahat, ang problema ng seguridad sa UP ay hindi dahil nakababalakid ang UP Manininda sa operasyon ng UPDP. Ang problema ng seguridad ay maiuugat sa mababang badyet na inilalaan ng gobyerno sa UP. KULANG NA KULANG ang pondo ng UPDP, kakarag-karag na ang sasakyan nila, at hindi sapat ang kanilang sahod. Kung hindi man sila nakakapag-opereyt nang maayos, iyon ay dahil wala silang motibasyon. Kung tutuusin, isa sa mga sandigan naming mga guro at sandigan ng aming mga estudyante hinggil sa seguridad sa kampus ay ang mga UP Manininda. Bahagi sila ng Multisektoral Assembly ng University Student Council at nagiging dagdag na tagapagbantay at tagapagpanatili ng seguridad namin sa kampus.

Hinggil naman sa usapin ng kalinisan, kahit noong panahon ng panunungkulan ni dating Vice-Chancellor Gil Gotiangco, epektibo ang mga miyembro ng UP Manininda sa pagpapanatili ng seguridad at kalinisan sa kampus. Tumutulong sila sa lingguhang paglilinis ng mga nakatalagang lugar sa loob ng kampus. At kahit kaming mga guro ay makapagpapatunay na hindi sila eyesore, bagkus ay tumutulong sa pagmimintina ng kalinisan sa kampus.

Naniniwala po kaming ang inyong aksyon at desisyong paalisin sila sa Academic Oval ay upang i-prioritisa ang mga pribado at malalaking negosyanteng nais pumasok sa loob ng UP bilang mga konsesyonair. Hindi makatarungan na isakripisyo ninyo ang maliliit na UP Manininda upang paburan ang malalaking negosyante. Sa taas ng mga bilihin, na lalo pang tumataas dahil sa dikta ng malalaking negosyante, ang mga UP Manininda ay nagbibigay sa amin ng kakayahang bumili sa mas murang halaga, para sa aming pang-araw-araw na panawid. Kadamay po natin ang UP Manininda, at dapat sila ang inyong pinoprotektahan at pinaprayoritisa.


Lubos na gumagalang,


G. Michael Francis C. Andrada
Ad-Hoc Committee Officer
Congress of Educators/Teachers for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP)
Intructor, Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

0 Comments:

Post a Comment

<< Home