Apartment sa Dapitan

Tuesday, April 19, 2005

Lagnat

Maaga akong nagising kanina.

Alas-singko pa lang ng umaga ay gising na ako. O mas magandang sabihing nagising ako; Nagising ako dahil nangangaligkig ako, kahit na hindi naman talaga malamig. Pinagpapawisan ako ng malagkit, parang yung suman na inalmusal ko nung Lunes. Kung gaano kalagkit ang katawan ko, ganun naman katuyo ang lalamunan ko.

Pagtayo ko, halos matimbuwal ako, dahil kasimbigat ng refrigerator ang ulo ko. Tamang-tama't bumaba ang nanay ko, pinagluto ako ng pansit canton, at tinanong kung handa na ba akong pumasok para sa ikalawang araw ng Tag-init 2005. Sabi ko, "masama ang pakiramdam ko." Agad niyang sinapo ang pisngi at leeg ko. "Baka makuha sa Biogesic," sabi ko. Naligo na ako.

Para akong umasong dry ice nang buhusan ko ng tubig galing sa poso ang katawan ko. Lalo akong gininaw.

Alas-siyete, bihis na ako maliban sa pulang Chucks ko. Pagyuko ko para kunin ang isang kaparis ng medyas, lalo akong nahilo. Kaya minabuti ko na lang na wag pumasok.

* * *

Nagising uli ako kaninang alas-dos ng tanghali. Kumakalam ang sikmura ko. Masarap ang sopas na niluto ng nanay ni Karen. Nakakahiya, hanggang ngayon di ko pa rin alam ang pangalan ng nanay niya.

* * *

Limang buwan na si Amery. Nakakatuwa talaga siya. Makapal na ang buhok at masayahin. Mahilig siyang manood ng TV.

Sabi ni John Berger sa kanyang aklat na Ways of Seeing, "Seeing comes before words. The child looks ang recognizes before it can speak."

* * *

Inaantok na naman ako. Tapos ko nang ipost ang assignment at ilang pabatid para sa mga estudyante ko sa Pan Pil 17. Pati yung binuno kong silabus ay ipinost ko na rin. Ipapaxerox ko na lang bukas. Pati ang listahan ng mga topics. Eksayted ako sa dalawang Pop Culture classes ko ngayong Summer. Sana marami kaming magawa, kahit na sa maiksing panahon.

1 Comments:

Post a Comment

<< Home